TILA HINDI kasing sigla ng mga usapan sa social media ang naging resulta ng paglahok ng Pilipinas sa SEA Games kumpara sa bumuhos na mga komento patungkol sa dalawang Pinoy spring board divers na nakakuha ng score na zero matapos na lumagapak sa tubig nang plakda. Abot hanggang langit ang tawanan at kantiyawan ng mga netizens sa kapalpakang ito. Sa kabilang dako ay marami pa ring mga Pilipino ang nakaramdam ng lungkot at simpatya sa dalawang divers.
Karamay ako ng mga Pilipinong nalulungkot sa mga ganitong eksena sa SEA Games. Kagaya ko ay marami ang nagtatanong bakit nagkagaganito ang mga ipinakikita ng ating mga atleta. Hindi ba dapat ay hindi na pinag-uusapan ang basic skills sa isang sport gaya ng spring board diving, lalo’t nakarating na ang atleta sa SEA Games? Inaasahan kasi na marami na itong tinawid na palarong lokal at internasyunal bago pa sila isabak sa SEA Games.
Mula sa division, municipal, provincial, at regional levels ay dinaraanan lahat ito ng isang atleta bago pa sumabak sa Palarong Pambansa. Kasunod nito, may mga international competitions din silang nilalahukan bago tuluyang maglaro sa SEA Games. Ang punto rito ay sumesentro sa usaping “competence” o kakayahan. Ang form ang pinaka-basic na batayan ng athletic competence na tinatawag. Sabi nga ng maraming beterano sa sports ay kahit nakapikit ay kayang gawin ang form sa isang sport gawa ng tinatawag na muscle memory. Saan ba nag-uugat ang problema rito?
MAY TATLONG sentrong ugat na problema ang bumabalot sa Philippine Sports Commision (PSC) at mga atletang Pinoy. Una ay ang pinansyal na aspeto. Pangalawa ay ang pulitika sa loob ng PSC, Philippine Olympic Committee (POC) at National Sports Association (NSA). Pangatlo, ang pag-usbong ng mga athlete’s scouts at managers mula sa malalaking unibersidad.
Ang mga salik na ito ang patuloy na nagpapasira sa pag-unlad ng Philippine sports. Tayo sana ang nangunguna sa SEA Games dahil matagal na nating pinaggugugulan ng panahon ang mga sport events sa SEA Games at hindi na bago sa atin ang mga palaro rito. Ibig sabihin ay hindi umuunlad ang Philippine sports.
Wala akong masasabi sa dedikasyon ng mga atletang Pilipino. Ang problema ay nag-uugat sa administrasyon Aquino, PSC, at POC. Hanggang ngayon ay marami pa ring mga atleta ang nagigipit sa pinansyal na aspeto. Nagte-training sila nang buong loob habang kulang na kulang naman ang suportang nakararating sa kanila mula sa ating pamahalaan, PSC, at POC. Ito ang problema sa aspetong pinansyal.
Gawin na lamang nating batayan ang Rizal Memorial Sports Complex. Ito ay kilalang tirahan ng ating mga national athletes at dito rin ginagawa ang halos lahat ng pagsasanay para sa ating mga atletang lalahok sa mga international games. Lumang-luma na ito at halos lahat sa mga pasilidad ay luma na rin. Kung papasyalan mo ito ay masasabi mong kawawa ang mga atletang Pilipino dahil parang kulungang nabubulok lamang ang kanilang mga dorm na tinitirahan dito. Ang dating balling alley ay hindi mo na makikilala sa kabulukan. Sobrang napabayaan ang nasabing pasilidad.
MAY BUDGET naman ang PSC na hindi bababa sa P100 milyon at mga ayuda galing sa iba’t ibang sektor gaya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na nagbibigay taun-taon ng hindi bababa sa 5% ng kita nito alinsunod sa itinatakda ng batas na 5% kita nito kada taon. Ang problema ay ang daloy ng pondo mula sa PSC papunta sa ating mga atleta at NSA. Bakit hindi natatanggap nang maayos ng mga atleta ang kanilang mga allowance? Bakit hindi pinaaayos ang kanilang mga tirahan sa Rizal Memorial Sports Complex? Bakit tila walang mga pondong nakararating para sa kanilang mga training sa labas ng bansa?
Maliwanag na pinupulitika na naman ang pondong ito. Sa kasalukuyan ay may mga nagaganap na demandahan sa pagitang ng iba’t ibang miyembro ng NSA gaya ng isinampang kaso ng Philippine Volleyball Federation na pinamumunuan ni Mr. Edgardo Boy Cantada, kapatid ng dating sikat na sports media/analyst na si Joe Cantada.
Lumalabas kasi na simula ng administrasyong Aquino noong 2010, kung saan ay nagkaroon ng pagpapalit ng tao sa PSC at POC, dumami rin ang mga organisasyong naglalaban-laban sa iisang sport event gaya ng volleyball, swimming at, dragon boat events.
Naging malaking isyu rin noon ang pag-snub ng PSC at POC sa isang Philippine delegation na nagkampeon sa dragon boat competition sa abroad dahil hindi nila nais bigyang pagkilala ito dahil hindi ito miyembro ng Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF), bagkus ay bahagi ito ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF). Ang PSKF at PDBF ay halimbawa lang ng isang paksyon at pulitika sa PSC.
NAKALULUNGKOT NA ang pulitika sa pagitan ng mga namumuno sa ating mga atleta ang ugat ng hindi pag-unlad ng Philippine sports. Nadagdagan pa ito ng umusbong na mga scouts at managers para sa mga magagaling na atleta. Nasisingitan kasi ng pera ang mga atletang mahuhusay.
Nasisilaw na rin sa salapi ang mga magagaling na atleta na nag-aalisan sa kanilang mga magagaling at dedikadong mga coaches dahil sa alok na pera. Ito rin marahil ang isang ugat ng pagbagsak na ito ng Philippine sports. Walang ibang dapat balikan dito kundi ang palpak na sistemang pamamalakad ni PNoy sa ating bansa. Sabi nga nila, “kung ano ang puno, siya rin ang bunga!”
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Panoorin ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5, tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo