Pinag-o-OT, Pero Walang Dagdag-Sahod

Dear Atty. Acosta,

KASALUKUYAN PO akong nagtatrabaho sa isang factory sa Caloocan City. Madalas ay pinag-o-overtime kami sa trabaho ngunit hindi nadagdagan ang aming sahod. Naaayon po ba sa batas ang ginagawa nilang ito?

Sammy

 

Dear Sammy,

ANG LABOR Code ay ang pangunahing batas na nangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawa. Nakapaloob dito ang mga karapatan at obligasyon ng manggagawa at employer ukol sa paraan ng pagtanggap at pag-alis sa trabaho, karampatang sahod ng empleyado, araw ng pahinga, holiday pay, overtime pay at iba pang kundisyon sa trabaho.

Ayon sa Article 83 ng Labor Code of the Philippines, ang normal na oras ng trabaho ng isang empleyado ay hindi lalampas sa walong (8) oras bawat araw. Gayunpaman, mayroong ilang pagkakataon kung saan maaaring hingin ng employer na magtrabaho ang kanyang mga empleyado nang higit sa walong (8) oras. Ito ay ang mga sumusunod: 1) kung ang ating bansa ay nasa estado ng isang digmaan o kung mayroong local emergency na idineklara ang Kongreso o ang Chief Executive; 2) kung kinakailangan ito upang maiwasan ang pagkawala ng buhay o ari-arian kung mayroong panganib sa kaligtasan ng publiko dahil sa isang aktuwal o papalapit na emergency sa lokalidad dulot ng aksidente, sunog, bagyo, baha, lindol, epidemya o iba pang kalamidad; 3) kung mayroong lubos na kailangang isagawa sa mga makina, installations at ibang kagamitan upang maiwasan ang malaking kawalan o pagkasira sa bahagi ng employer; 4) kung ito ay kailangan upang maiwasan ang pagkasira ng mga produkto na itinuturing na perishable; at 5) kung ang pagpapatuloy at pagkumpleto ng trabaho na nasimulan bago matapos ang ika-walong oras ng trabaho ay kinakailangan upang maiwasan ang malaking pagkasira sa negosyo o operasyon ng employer. Ang sinumang empleyado na nagbigay ng overtime na trabaho ay kinakailangang makatanggap ng karagdagang bayad para sa bawat oras na kanyang inilagi sa trabaho (Article 89, Labor Code of the Philippines). Ang halaga ng karagdagang ito ay makikita sa Article 87 ng Labor Code:

Article 87. OVERTIME WORK. – Work may be performed beyond eight (8) hours a day provided that the employee is paid for the overtime work an additional compensation equivalent to twenty-five percent (25%) thereof. Work performed beyond eight hours on a holiday or rest day shall be paid an additional compensation equivalent to the rate of the first eight hours on a holiday or rest day plus at least thirty percent (30%) thereof.

Samakatuwid, maaari kayong pagtrabahuhin ng inyong employer ng lampas sa walong oras kung mayroon ang alinman sa mga unang nabanggit na dahilan. Subalit isinasaad din ng ating batas ang pagbibigay sa mga empleyado ng karampatang bayad para sa kanilang overtime na trabaho. Ang hindi pagbibigay sa inyo ng overtime pay ay isang malinaw na paglabag sa ating batas na maaaring maging basehan ng paghahain ng reklamo laban sa iyong employer.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleHeart Evangelista, simpleng kasal lang ang gusto kay Sen. Chiz Escudero
Next articleMarami kasing sumusuporta sa ipinaglalaban
Raymart Santiago, ‘di raw napapagod sa dami ng court hearings

No posts to display