SUNUD-SUNOD ANG PAGPAPADALA natin ng protesta sa China dahil sa mga pagpasok nito sa ating teri-toryo at sa mga inaangkin nating mga isla sa Spratlys at South China Sea. Makailang beses nang iniikutan at tinatakot ng mga pandigmang barko ng China ang mga Pinoy na tahimik na nagsasagawa ng mga oil exploration sa mga lugar na ito. Ngunit sa kabila ng mga liham ng protesta natin, hindi tumitigil ang China sa paglabag sa pandaigdigang batas.
Matatandaan na huli tayong nakiusap sa Tsina para huwag ituloy ang pagbitay sa tatlong Pinoy na nakasuhan ng drug trafficking. Ngunit hindi tayo pinagbigyan ng China. Itinuloy rin nila ang pagbitay sa tatlo nating kababayan. Ito ay sa kabila ng pagbibigay natin sa kahilingan nila na sa China natin i-deport ang mga Intsik na nagkaroon ng kaso rito. At ito pa nga’y ikinagalit ng Taiwan.
Walang mangyayari sa ating mga pakiusap. At patuloy tayong duduruin ng Tsina. Hindi dahil sila ang nasa katuwiran. Nagkataon lang na sila ay malakas at tayo ay mahina. At ito ang kalakaran sa pandaigdigang diplomasya. Wika nga, “we are negotiating from a position of weakness”.
Kitang-kita ito kung paano natin tinatrato ang ating mga OFW. Sa kabila ng mga pang-aabuso sa ating mga kababayan sa ibang bansa, may mga pagkakataon na hindi natin gaanong isinusulong ang interes ng ating mga kababayan. Dahil ito sa takot natin na baka magalit ang mga bansa, kung saan nagtatrabaho ang ating mga kababayan. Ayaw nating masyadong magreklamo dahil baka masira raw ang “diplomatic relations” natin sa mga host country. Kitang-kita ito sa kasalukuyang negosasyon natin sa Saudi Arabia na hindi tayo makahirit para sa ating mga kababayan doon dahil “baka maghiganti ang Saudi sa iba pa nating mga OFW roon”.
Habang ang ekonomiya natin ay palaasa sa remittances ng mga OFW at habang inuuna natin ang “good diplomatic relations” kaysa kapakanan ng ating mga OFW, sisipa-sipain lang ng mauunlad na bansa ang Pilipinas. Panahon na para itindig ang tunay na ekonomiyang magbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan. Panahon na para umasa tayo sa ating sariling lakas at kaunlaran para taas-noo tayong makaharap sa ibang bansa.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo