KAPAG ANG ISANG taong nasa wastong gulang ay nanakit sa isang menor de edad, mabilis ang balik sa kanya ng batas. Matitikman niya ang hagupit ng Republic Act 7610 – ang Anti-Child Abuse Law na may katapat na matinding parusa.
Sa kabilang banda, kapag ang isang tao namang nasa wastong gulang, siya man ay maging lalaki o babae, at sinaktan ng isang menor de edad – ginahasa man siya o pinatay, tiyak na hindi matitikman ng salarin ang hagupit ng batas. Ibig sabihin, walang pananagutan ang salarin at hindi siya mapaparusahan. Ito ay dahil na rin sa R.A. 9344 – ang Juvenile Justice Welfare Act na na-ging batas noong taong 2006.
Ang mga menor de edad na homicidal maniac, serial killer, rapist, drug pusher, hold-upper, etc. ay dapat magpasalamat sa mga hinalal nating mga henyong kongresista na siyang mga promotor ng R.A. 9344.
Ngayon, kapag ang isang kinse anyos na batang lalaki halimbawa ay nakapatay o nanggahasa’t naaktuhan siya ng ating mga awtoridad, hindi siya puwedeng ikalaboso. Kailangan siyang ipasa sa DSWD. Pagdating sa DSWD, siya ay papaliguan at bibihisan kung madungis, at bibilihan ng pagkain kung siya man ay nagugutom. Pagkatapos, ipapatawag ang kanyang mga magulang o guardian.
Ilalagak siya sa DSWD ng ilang araw para pangaralan ng mga social worker. Pagkatapos noon, kinailangan na siyang mapakawalan. Ang tanong, paano naman ang biktima? Eh, pasensiyahan na lang. Ipasa-Diyos na lamang niya ang lahat.
MAKAILANG BESES NA akong naka-engkuwentro ng mga kasong idinulog sa WANTED SA RADYO na mga menor de edad ang sangkot sa krimen ngunit walang naibigay na aksyon ang WSR para sa mga naghihinagpis na mga biktima dahil protektado ng R.A. 9344 ang mga salarin.
Ilang taon na ang nakararaan, isang retired marine sergeant ang dumulog sa WSR na galing pa ng probinsiya para isumbong ang ginawang pangga-gang rape sa kanyang 10 years old na pamangking babae ng tatlong mga menor de edad na lalaking nasa gulang na 12, 14 at 15. Sa nasabing panggagahasa, nasiraan ng bait ang biktima.
Nahuli ang tatlong salarin. Pero nang iharap ang mga ito sa inquest fiscal, ipinag-utos agad ng korte ang kanilang immediate release para ibigay ang kustodiya sa DSWD. Nang mapunta sa DSWD, wala pang isang linggo, pinakawalan ang tatlo sa kustodiya ng kanilang mga magulang.
At kamakailan, isang 18 years old na kasambahay ang dumulog sa News5 at ITIMBRE MO KAY TULFO para isumbong ang ginawang pangga-gang rape sa kanya ng anak ng kanyang amo na 15 years old at pinsan nito na 14 years old.
Nang unang lumapit ang nasabing kasambahay sa mga pulis at DSWD, hindi siya pinansin. Ito ay dahil na rin siguro alam nila ang tungkol sa R.A. 9344. Ngunit ng makialam na ang IMKT, nangako ang PNP at ang DSWD na gagawin nila ang lahat para matulungan ang pobreng kasambahay. Gayun pa man, hindi ako umaasa na makukulong ang dalawang menor de edad na nanggahasa sa nasabing kasambahay dahil nga sa R.A. 9344 pero kahit papaano naobliga ang mga kinauukulan na tulungan ang biktima at pag-aralan ang kanyang kaso.
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo