Pinakabulok na Airport sa Mundo!

NOONG NAKARAANG Martes, ipinagmayabang ni Pangulong Noynoy ang inauguration ng P7.8 billion Laguindingan International Airport sa Misamis Oriental na kanyang dinaluhan. Ayon sa Malacañang, ang airport na ito ang papalit sa Lumbia Airport ng Cagayan De Oro (CDO) na 30 minutes drive lamang ang pagitan ng dalawa.

Ang bagong paliparang ito ay labis na ikinatutuwa at maipagmamayabang na rin ng mga taga-CDO at Misamis Oriental dahil sa mga makabago at mamahaling kagamitan na inilagay sa pasilidad na ito.

Sa kabilang banda, habang nagbubunyi ang mga taga-CDO at Misamis Oriental, labis naman ang kalungkutan na nararamdaman ng mga taga-Zamboanga City. Ito ay dahil sa napakahabang panahon pinagtitiyagaan nila ang kanilang literal na nabubulok nang international airport.

Minsan nang naipalabas sa programang T3 Reload ang kalunus-lunos na itsura ng nasabing paliparan at nakita rito ang mga butas-butas na bubong, ang nabubulok ng mga dingding, inaanay na mga sahig at mga nawawasak ng kisame nito.

Ang airport na ito ang bagay na pantukoy sa libro na isinulat ng Amerikanong si Dan Brown na kung saan tinawag niyang “gates of hell” ang Maynila.

Simula nang maging paksa sa T3 Reload ang kaawa-awang kalagayan ng Zamboanga International Airport, hanggang nga-yon, wala pa ring ginagawang aksyon ang ating national government partikular na ang DOTC.

Isang mapagkatitiwalaang source ang nagsabi sa inyong lingkod na humihingi ngayon ng tulong – a.k.a. limos – ang mga airport official ng Zamboanga City ng P25 million mula sa isang congresswoman sa nasabing siyudad para sa renovation ng kanilang paliparan.

Ang mga tanong, bakit kailangan ng limos mula sa pulitiko para maipa-repair ang nasabing nabubulok ng airport?

Pangalawa, nasaan ang budget mula sa DOTC gayong nasa ilalim naman ng pangangasiwa ng DOTC ang mga paliparan sa buong bansa at hindi ng Kongreso?

Hindi kaya gumaganti ang Malacañang sa mga taga-Zamboanga dahil noong 2010 Presidential election hindi pumanig ang mga Zamboangueño kay P-Noy at sa mga kandidato ng Liberal Party na kapartido niya?

At ang parusa ngayon sa kanila ay ang magdusa sa isang mapanganib at nabubulok ng paliparan. Kawawa naman ang mga Zamboangueño.

NAGING PAKSA sa espasyong ito noong nakaraang Lunes ang tungkol sa isang babaeng real estate broker na pinagbabaril kamakailan ng dalawang ‘di nakikilalang mga lalaki sa loob ng isang sikat na restaurant chain sa BF Homes, Parañaque.

Ayon sa PNP Parañaque, ang pamamaril ay may kinalaman sa trabaho ng biktima. Pero ayon naman sa aking mapagkatitiwalaang source, mistaken identity ang nangyari.

Napagkamalan ng mga bayarang salarin ang kanilang biktima bilang target nilang kamag-anak nitong babae na nagsisilbing fixer at broker sa loob ng Bureau of Customs – na ginagamit ding kolektor ng ilang mga opisyal ng bureau.

Matapos lumabas ang nasabing artikulo, noong linggong ding iyon, isang babae naman sa CDO ang pinagbabaril ng riding in tandem na kalalakihan habang sakay ng kanyang van.

Tatlong tama ng bala ang tinamo ng biktima at sa kabutihang palad siya ay ginagamot ngayon sa isang ospital at nasa maayos na ang kalagayan.

Hindi tulad sa nangyari sa BF Homes, Parañaque na mistaken identity dahil ang kamag-anak nitong taga-BoC ang siyang target talaga, ang pangyayari sa CDO ay sigurado ang mga salarin sa kanilang naging pakay, ayon sa isang source. Ang biktima ay isang field officer sa X-ray Division ng Customs CDO.

Ayon sa CDO PNP at ilang mga kawani ng BoC na nakausap ng inyong lingkod, ang motibo sa ambush ay may kinalaman sa trabaho ng biktima.

 

Ang T3 Reload ay napanonood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articlePaano Nalalagay sa Watchlist ang Isang OFW?
Next articlePlaytime with Coleen Garcia

No posts to display