Dear Atty.Acosta,
MAGANDANG ARAW po. Kasal po kami ng asawa ko taong 1986. Noong 2004 ay nagpunta siya sa Saudi. May kinasama siyang babae roon at sila ay nagpakasal dito sa Pilipinas taong 2005 upang maging legal ang pagsasama nila roon sa Saudi as a couple. Taong 2007 ay nagkahiwalay na sila. Ano po ang nararapat na gawin para mapawalang-bisa ang kasal nila? Anong mga papeles ang kailangan at saan kami pupunta upang i-file ang petition? Magkano po kaya ang gagastusin sa pagpa-file? Puwede po ba na ako ang mag-file? Nasa abroad po kasi ang asawa ko. Ano po ang mangyayari kung sakaling hindi kami mag-file ng petition? Sana po ay matugunan ninyo ang mga katanungan ko. Salamat po.
Evangeline
Dear Evangeline,
AYON SA ating Family Code, walang bisa o void ang pagpapakasal muli ng isang may asawa na habang ang kanyang unang kasal ay hindi pa napapawalang-bisa. (Article 35 (4), Family Code) Dahil dito, maaaring ipawalang-bisa ang nasabing pangalawang kasal sa pamamagitan ng pagsampa ng kasong Petition for Declaration of Absolute Nullity of Marriage on the ground of Bigamous Marriage.
Bilang unang asawa, at ipagpapalagay namin na ang iyong kasal sa iyong asawa ay may bisa o valid, maaaring ikaw ang magsampa sa hukuman ng kasong nabanggit upang mapawalang-bisa ang pangalawang kasal ng iyong asawa. (Felicitas Amor-Catalan, vs. Court of Appeals, G.R. No. 167109, February 6, 2007 citing Niñal vs. Bayadog, G.R. No. 133778, March 14, 2000)
Maaari mong isampa ang kaso sa hukuman sa lugar kung saan ka naninirahan. Kailangan mong patunayan sa hukuman na bago muling magpakasal ang iyong asawa sa iba ay kasal na kayo. Ang authenticated marriage certificate ninyong mag-asawa ay matibay na patunay na kayo ay unang ikinasal bago pa man magpa-kasal ang iyong asawa sa pangalawa. Ang mga testimonya ng ibang tao gaya ng inyong anak at mga kakilala na nakaaaalam ng inyong kasal ay maaari mo ring gamitin bilang ebidensiya.
Sa pagsasampa ng kaso, kinakailangan mong kumuha ng serbisyo ng isang abogado at magbayad ng docket fee sa hukuman. Kung wala kang kakayanang kumuha ng pribadong abogado, maaari kang magsadya sa aming District o Regional Office na malapit sa lugar kung saan ka nakatira upang matulungan ka ng aming tanggapan (Public Attorney’s Office) sa pagsampa ng kasong nabanggit. Kalimitang matatagpuan ang aming mga District o Regional Office sa Hall of Justice ng City o Municipal Hall ng bawat bayan.
Ukol sa iyong huling katanungan, ang hindi ninyo pagsasampa ng nabanggit na kaso ay maaaring sa kalaunan ay magdulot ng suliranin sa hatian sa pag-aaring naipon at maiipon ng iyong asawa at ng pangalawa niyang pinakasalan. Kaya mas mainam na ngayon pa lamang ay magkaroon na ng hatol ang hukuman sa kasong iyong isasampa kung anu-ano ang mga pag-aaring dapat para sa iyong asawa at para sa kanyang pangalawang pinakasalan.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta