Pinalawig na coverage para sa Dialysis

NAKABABAHALA ANG pagtaas ng insidente ng mga kababayan nating may end stage renal disease (ERSD) na sumasailalim sa dialysis treatment at kidney transplant. Ayon sa report ng Department of Health, ito ay tumataas kada taon nang sampu hanggang 15 porsyento, mula sa 4,000 Filipinos noong 2004 at 23,000 sa taong 2013.

Ang lifestyle diseases kagaya ng ERSD ay maaaring sanhi ng poor health habits tulad ng paninigarilyo, pagkain ng mga sobrang matatamis at mamantika, sobrang pagod, kakulangan sa tulog, at stress na nagreresulta sa kidney disease na siyang pampitong sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.

Samantala, ang hemodialysis ang nanguna sa mga procedure na binayaran ng PhilHealth sa taong 2014 na umabot sa humigit-kumulang sa P4.7 milyon.

Dahil sa pagtaas ng insidenteng ito, at dahil na rin sa kahilingan ng ating mga stakeholders, gayun din ng aming mga miyembro, pinalawig na ng PhilHealth ang coverage nito sa hemodialysis sessions mula sa dating 45 days hanggang 90 days na limit kada taon.

Ayon sa bagong polisiya (PhilHealth Circular 024-2015), kung ang miyembro ay sumasailalim sa hemodialysis at nagamit na ang 45 days limit, awtomatikong magagamit nito ang hindi nagamit na benefit limit na pinaghahatian ng mga dependents nito, gayun din naman kung ang dependent ang siyang nagda-dialysis. Gagamitin ng dependent ang hindi pa nagamit na benefit limit ng mismong miyembro.

Isa rin sa pangunahing pagbabago sa benepisyo ng PhilHealth para sa hemodialysis ay ang pag-a-adjust sa halaga ng pakete mula sa P4,000 na naging P2,600 kada session. Ang pag-adjust ng halaga, subalit pagdami ng covered sessions mula 45 hanggang 90 days ay nagdudulot pa rin ng pagtaas ng buong pakete mula P180,000 hanggang P234,000. Ang pagbaba ng halaga ng benepisyong ito ay hindi nangangahulugan ng pagbaba rin ng kalidad na serbisyo ng ating mga accredited na pasilidad. Ginagarantiya po namin na bago namin ipalabas ang polisiyang ito, dumaan po ito sa mga pag-aaral at serye ng pakikipag-usap at pakikipagkonsulta sa ating mga stakeholders. Sa katunayan, ayon sa kanila, ang bagong halagang ito ay sapat na para i-cover ang isang session ng treatment.

Sakop na ng pakete ang bayad sa pasilidad, paggamit ng dialysis machine, at gamot, pati ang bayad sa doktor na siyang tumitingin sa pasyente.

At para sa kaalaman ng ating mga mambabasa, hindi lamang hemodialysis ang binabayaran ng PhilHealth. Covered din nito ang peritoneal dialysis (PD). Ang peritoneal dialysis ay isa sa mga paraan upang linisin ang inyong kidney laban sa mga waste products na sanhi ng renal disease.

Ito ay binabayaran ng PhilHealth sa ilalim ng case rates sa halagang P2,600, kung saan katumbas nito ang apat na araw na PD sessions, regardless kung ilan ang exchanges ng pasyente kada araw. Sakop ng benepisyo ang bayad sa PD fluids at supplies, disinfection caps, at bayad sa doktor.

Ang apat na araw na PD ay katumbas ng isang araw na ibinabawas sa maximum na 90 sessions/days per calendar year para sa nasabing procedure.

Bukod sa case rate payment, maaari ring i-avail ang PD sa ilalim ng Z benefit package ng PhilHealth na kung tawagin ay “PD First” sa halagang P270,000 para sa kabuuang gamutan para isang taon. Ito ay maaaring i-avail sa aming mga contracted hospitals para sa nasabing sakit. Upang maka-avail ng benepisyong ito, kinakailangang makapasa ang miyembro o dependent nito sa selections criteria para sa peritoneal dialysis.

Paalala lamang po, ang dagdag na dialysis sessions ay maaari lamang gamitin para sa outpatient hemodialysis at peritoneal dialysis sa ilalim ng case rates. Hindi covered ng karagdagang dialysis sessions ang mga pasyenteng na-admit na nangangailangan man o hindi ng dialysis pagkatapos maubos ang regular na 45 days benefit limit kada taon.

Tandaan, prevention is better than cure. Kung makaiiwas sa mga poor health habits mas malaki ang tiyansa ng hindi pagkakasakit. Stay Healthy, Guys.

Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa Corporate Action Center ng PhilHealth, 441-7442 o magpadala ng e-mail sa [email protected] o maaari ring bumisita sawww.facebook.com/PhilHealth o sa www.youtube.com/teamphilhealth.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articlePelikula na Heneral Luna, Patok sa Masa
Next articleBilog Ang Mundo Ng Pulitika

No posts to display