Dear Chief Acosta:
GUSTO NAMING MAGTANONG sa abogado tungkol sa properties ng aking kaibigan. Marami po siyang mga lupain subalit siya ay may kahati rito. Gusto po ng kaibigan ko na iwanan sa mga orphanage at charitable institutions ang lahat ng kanyang kaparte sa mga nasabing properties. Ayaw po niya itong iwanan sa kanyang mga pamangkin. Ano po ang dapat niyang gawin? – Michael
Dear Michael,
WALA PONG MAKAPIPIGIL sa inyong kaibigan na iwanan niya ang lahat ng kanyang pag-aari sa mga orphanage at charitable institutions maliban lamang kung makakaapekto ito sa mga mamanahin o ang tinatawag nating legitime ng kanyang mga compulsory heirs. Ang tinatawag na legitime ay ang parte ng mga ari-arian ng namatay na hindi maaaring ipamigay o galawin dahil ito ay inilaan ng batas sa mga compulsory o forced heirs.
Sa ilalim ng Artikulo 887 ng Kodigo Sibil, ang mga sumusunod ay itinuturing na compulsory heirs:
“1. Legitimate children and descendants, with respect to their legitimate parents and ascendants; In default of the foregoing, legitimate parents and ascendants, with respect to their legitimate children and descendants; The widow or widower; Acknowledged natural children by legal fiction; Other illegitimate children.”
Kapag wala pong legal na tagapagmana ang inyong kaibigan ay maaari po niyang ipamigay sa iba ang kanyang mga pag-aari. Subalit bago po niya gawin ito ay kailangan po muna niyang wakasan ang co-ownership sa mga nasabing ari-arian. Ayon sa batas, merong co-ownership kung ang pagmamay-ari ng isang bagay ay nasa ilalim ng pangalan ng mga magkakaibang tao. Ang bahagi ng bawat isang nagmamay-ari ay ipinagpapalagay ng batas na pantay-pantay maliban lang kung tukoy na ang bahagi ng bawat isa (Article 485, Civil Code of the Philippines).
Kinakailangan po muna niyang ayusin ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa mga ito para malinis ang pagkakalipat ng mga ito sa mga pangalan ng mga itatalaga niyang tatanggap ng kanyang kagandahang loob. Ang pinakamainam na gawin niya ay kausapin niya ang kanyang co-owner para mapaghatian na nila ang mga nasabing lupain at matukoy na rin nila ang kani-kanilang mga parte.
Walang maaaring pumigil o humadlang sa isang co-owner na buwagin ang co-ownership. Bawat isa sa mga nagmamay-ari ay may karapatan para hilingin ang kanyang parte sang-ayon sa sakop ng kanyang pag-aari, maliban lamang kung hindi pinahihintulutan ang pagkakahati nito. Anumang pagbabawal sa pagbuwag ng co-ownership ay hindi dapat mas matagal sa dalawampung (20) taon (Article 494, Civil Code of the Philippines) Kapag walang pagbabawal sa paghahati ng mga ari-arian, maaari nang isagawa ng inyong kaibigan ang paghahati ng mga sinasabing ari-arian.
Kapag ang co-ownership ay buwag na at ang mga lupaing bahagi ng kanyang parte ay nasa pangalan na niya, maaari na siyang gumawa ng Deed of Donation pabor sa mga institusyong nais niyang mabahaginan ng kanyang mga pag-aari. Upang ang donasyon ng isang lupain ay magkaroon ng bisa, kinakailangan po itong nakapaloob sa isang public document kung saan ay inilalarawan ang ari-ariang ipinamimigay at ang halaga ng mga kaukulang bayad na dapat bayaran ng tatanggap kung meron man. Ang pagtanggap ng donee ng nasabing donasyon ay maaari na ring ilagay sa pareho o kaya ay sa ibang dokumento (Article 749, Civil Code of the Philippines).
Nawa ay natugunan po namin ang inyo pong katanungan.
Atorni First
By Atorni Acosta