NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na natanggap ng inyong lingkod mula sa mga textline ng Wanted Sa Radyo na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED:
- Gusto ko lang po ireklamo ang school ng anak ko, everyday kasi ay may alloted na tray sa mga classroom ng bawat grade level galing sa canteen. Para makauwi sila nang una kapag uwian na ay kung sino ang mauunang bumili ay makauuwi kaagad. Kapag hindi nauubos bago mag-4:00 pm ay binibigay at pinapautang ni teacher sa mga student at kailangang bayaran pagpasok sa susunod na araw. Pangatlong beses na kasi itong nangyari sa anak ko na inobliga na bumili sa tray kahit walang pera, pinagalitan siya ng teacher na hindi siya bumili kasi marami pang tirang paninda sa tray. Minsan ay walang baong pera ang anak ko kasi minsan ay kinakapos din po kami sa budget kaya biscuit na lang ang baon niya. Pinagsabihan din ang anak ko ng teacher sa harap ng mga kaklase niya dahil hindi siya bumili. Gusto ko po sana na ipatigil na ang pag-oobliga sa mga student na ubusin ang alloted tray sa mga classroom.
- Sir, nais ko lang pong ipagbigay-alam itong ginagawa ng Tres Cruses Elementary School sa Tanza, Cavite dahil ang mga estudyante po ang umiigib ng tubig at nagtitinda ng mga snack. Wala pa pong libro ang mga bata kaya nagpapa-xerox lang ang mga magulang para magkaroon ng libro ang kanilang mga anak nila. Humihingi pa ng P5.00 bawat estudyante kada linggo para raw po sa janitor.
- Irereklamo ko lang po ang isang guro dito sa Tabunoc Central School dahil sa ginawang pananakit sa anak ko.
- Hihingi lang po kami ng konting tulong dahil lagi pong may checkpoint sa may kanto ng Talaba, Bacoor at pagitan ng Zapote tulay. Wala po silang karatula tapos po nasa madilim pa sila nagtatago. Mabubulaga na lang kami dahil pagliko ay nandoon na sila. Ang marked vehicle po nila ay walang plate number at body number. Pero nakuha ko ang conduction sticker TO 2484. Isa po akong motorcycle rider at gabi-gabing nadadaan sa lugar na iyon. Salamat po.
- Isa po akong concerned citizen dito sa Malolos, Bulacan. Uso po kasi rito ung Oplan Kotong na checkpoint. Wala po kasing kasamang officer ang mga naninita sa checkpoint, wala ring signage at mobile. Tapos nakatago pa sa dilim ang mga sumisita. Pakiaksyunan naman po.
- Sir, gusto ko lang pong magpatulong, hindi po ako makapagsumbong sa barangay rito sa amin kasi iyong kapit-bahay po namin ay may baril na walang lisensya. Noong nakaraang madaling-araw, matapos iyong innuman nila ay nagpaputok po nang dalawang beses. Dati na rin po itong nagpapaputok kapag Pasko at Bagong Taon pero hindi ako makapagsumbong dahil natatakot akong malaman nila. Taga-Tiaong po ako ng Guiguinto, Bulacan. Patulong naman po dahil may mga maliliit pong bata rito sa amin na maaaring aksidenteng matamaan ng bala.
- May ilalapit lang po akong sumbong sa inyo para maiparating man lang sa mga kinauukulan. Tungkol po ito sa may overpass sa may Robinsons sa Marcos Highway. Natutukan ng kutsilyo at naholdap ng 1:00 ng hapon. Nakuha ang kanyang cellphone at pera. Nang makaalis ang holdaper ay nagsumbong siya sa mga pulis na nakapuwesto sa ibaba ng overpass. Natanaw pa po sa kabilang side ng kalsada ang holdaper at wala man lang ginawa ang mga pulis. Ang sa akin lang po ay sana mabigyan nila ng pansin iyon para hindi na mangyari sa iba. Magkaroon po sana ng bantay roon para hindi na maulit. Salamat po.
- Sir, irereklamo ko sana ang talamak na holdapan dito sa IVC Park sa Marikina City malapit sa Marcos Highway. Walang mga ilaw ang poste at madilim ang paligid. Wala man lang pong tanod o pulis na rumoronda. Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan.
- Irereklamo ko lang po ang sirang overpass dito sa may Parañaque. Matagal na po kasing sira at may mga crack. May konting butas pa nga po. Sana ay matawag ang pansin ng mga kinauukulan upang maayos ito. Salamat.
- Nais ko lang pong kalampagin ang mga kinauukulan para gawan ng aksyon ang kalsada rito sa Floodway Taytay, Rizal dahil bukod sa lubak-lubak na ay halos sinasakop na ng mga nagtitinda ang kalsada. Pati na rin iyong toda ng mga tricycle ay ginagawa namang paradahan ang kalye. Halos wala nang madaanan ang mga tao lalo na ang mga mag-aaral na pumapasok sa eskuwela.
- Isa po akong concerned citizen dito sa Taytay, Rizal. Irereklamo ko lang po ang pagawaan ng steel works dito sa amin na residential area sa Block 6 Lot 2 Corinthians Street. Nagkakaroon na po ng hika o anumang sakit ang mga residente rito dulot ng amoy ng rugby, thinner, usok mula sa pagwe-welding at pintura. Sana po ay magawan n’yo ng aksyon ang problema naming ito. Salamat po.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30 – 1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo