HINDI NAMAN talaga nagpa-kabog ang ating mga beauty queens, at talagang lumaban ng pukpukan sa dalawa sa prestihiyosong beauty pageant sa sangkatauhan.
Proud na proud ang mga Pinoy sa pagkakasungkit ni Shamcey Supsup ng karangalan bilang 3rd Runner-Up sa nakaraang 2011 Miss Universe pageant na ginanap sa Credicard Hall, Sao Paulo, Brazil, kahit na nga si Miss Angola Leila Lopez ang kinoronahan nang araw na iyon. Mas pinag-usapan ang pagkakapili kay Shamcey as 3rd runner-up dahil natalo raw nito ang pagiging 4th placer ni Venus Raj nu’ng nakaraang taon. Pamoso rin ang ‘tsunami walk’ ng beauty queen na talagang tumatak sa Miss U fanatics.
Sa pagkakapanalo naman ni Gwendoline Ruais bilang 1st Princess sa katatapos na 61st Miss World na idinaos sa London, marami ang nagsasabi na kinabog daw ni Gwendoline ang kagandahan ni Shamcey dahil siyempre naka-1st runner up ang una, samantalang ika-apat na puwesto lang ang nakuha ng huli. Si Miss Venezuela Ivian Lunasol Sarcos Colmenares ang tinanghal na Miss World. Ipinagbunyi ng mga Pinoy sa buong mundo ang tagumpay ni Gwendoline dahil matagal nang walang Pinay na nananalo sa nabanggit na international beauty pageant. Matatandaang si Ruffa Gutierrez ang huling Pilipina na nagwagi bilang 2nd Princess sa 1993 Miss World. Si Evangeline Pascual naman ang kauna-unahang Pilipina na naging first runner-up sa Miss World noong 1973.
May mga nagsasabi ring mas angat pa rin daw si Shamcey dahil mas inaabangan ng buong mundo ang Miss Universe kumpara sa Miss World. Mas lamang din daw ang kasikatan nito kumpara kay Gwendoline dahil sa mas may ‘star appeal’ ang dalaga. Mas naging kumpulan din ng samu’t saring reaksyon ng mga tao ang pagkakapasok ni Shamcey sa top 5 ng Miss Universe kumpara kay Gwendoline.
Pero teka, kung ikinukumpara man ang dalawang beauty queen sa isa’t isa, huwag na sigurong haluan ng ‘di magagandang isyu dahil pareho naman silang nagbigay-karangalan sa ating bansa. Hindi mahalaga ang titulong napanalunan, mas mahalaga pa rin na naging daan sina Shamcey Supsup at Gwendoline Ruais upang lalo pa tayong makilala at hangaan ng ibang lahi ang ganda at talino ng Pinay.
Parazzi Chikka
Parazzi News Service