MATAGAL NANG kinaka-panabikan ang pag-aalok ni Pangulong P-Noy ng isang Cabinet post kay Sen. Ping Lacson matapos ang kanyang huling termino sa 2013. Ang alok ay natupad na rin.
Kung ano ang posisyon, ‘di kasama sa alok. Pag-uusapan pa. Subalit ‘di ba ang DILG post ay angkop na angkop kay Ping?
Singkad na isang dekada kaming nagkasama ni Ping bilang lingkod-bayan. Pinaghalu-halo ng tadhana sa isang ‘di malimutang alaala ang pinagsamahan namin sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC) at Philippine National Police (PNP) Chief nu’ng kapanahunan ni dating Pangulong Erap. Makabanata ang mga taon ng aming pakikibaka sa krimen. May tagumpay. May kasawian. Ngunit lahat-lahat ay pinanday, binuo at pinalakas ng pagmamalasakit sa tungkulin.
Ang PACC sa pamumuno ni Ping ang bumuwag ng kinatatakutang Red Scorpion kidnap-for-ransom gang ni Joey de Leon nung dekada 90’s. Mapanganib na ang panahon. Ngunit mas nangibabaw ang dedikasyon at katapangan ni Ping at kanyang mga tauhan. Sa lahat- lahat, naputol ang malagim na pamiminsala ng mga kriminal at naibalik sa PNP ang pagtitiwala ng mamamayan. Bilang pinuno ng PNP, kasing sukat na gilas at katapangan din ang pinamalas ni Ping. At mga kabayanihang ito sa paglilingkod ay naging makulay na repleksyon sa pamumuno ni Erap. The rest is history.
Bilang senador ng dalawang ulit, ‘di nagbago ang luningning ng paglilingkod ni Ping. Tutok sa dedikasyon, katalinuhan at paninindigan sa mga batas na nagsulong sa kapakanan ng mamamayan.
Very principled at morally-upright si Ping.Dagdag dito, may puso siyang mapagkumbaba at sensitibo sa pangangailangan ng kapwa. Mahigit na 4 na dekada siya bilang lingkod-bayan na pinuno niya ng estrelya ng dignidad at kagitingan.
Sayang naman kung ang marami pang produktibong taon ni Ping ay mauukol lang sa pamamahinga. Kailangan pa ng bayan ang kanyang uri ng paglilingkod.
SAMUT-SAMOT
NAKALULUNGKOT NA walang kasigla-sigla ang nakalipas na pagdiriwang ng Independence Day. Taon-taon ganito katamlay ang selebrasyon. Ni walang maraming nag-display ng Philippine flag. Wala ring init ang coverage ng media. Bakit nagkaganito?
SA U.S. at iba pang bansa ay kaiba. Talagang bonggang selebrasyon ang paggunita ng araw ng paglaya. Inaasam-asam kong makaranas ng pagdiriwang ng Fourth of July. Very intense ang sense of patriotism ng Amerikano. Kabaligtad ang mga Pinoy.
MAS INTENSE pa ang pagdiriwang natin sa boxing victories ni boxing champ Manny Pacquiao. O mga nanalo sa American Idol at international beauty contests. Paurong na ating bansa. O dala kaya ito ng ‘di dynamic at inspiring na liderato ni P-Noy?
BINABATIKOS KO ang buhay at kasaysayan ng ating mga bayani. Lalo na ang kay Apolinario Mabini. Sa a-king pananaw, maaaring ipantay siya sa kagitingan ni Jose Rizal at Andres Bonifacio. Isa siyang lumpo subalit ang intellectual foresight niya ay ‘di mahihigitan ng sinoman. Balikan ninyo ang kanyang Decalogues.
KAPURI-PURI ANG Mercury Drug chain sa pagdi-display ng Philippine flag sa lahat ng branches. Dapat gayahin ng mga establishments. Ang pagmamahal sa bayan ay nag-uugat sa pagmamahal sa ating bandila. Sa U.S. halos lahat na bahay at establishments ay may nakawagayway na American flag. Ganyan katindi ang kanilang patriotism.
TRADITIONAL NA madugo ang local election. Nu’ng isang linggo, isang bokal ng Laguna kasama ng kanyang driver-bodyguard ay pinaslang sa harap ng kanilang bahay. Sa Cotobato at ibang election hot spots, nagsisimula na ang political violence. Ano na ang nangyari sa drive laban sa mga political warlords? As usual, ningas-kugon. Katulad din ng drive laban sa Jueteng at iba pang illegal gambling. Ha… hum….
NAKALULUNGKOT NAMAN ang 3-month suspension na ipinataw ng MTRCB sa T-3 program ng Tulfo brothers. Humingi na ng public apology ang tatlo. Dapat maintindihan din ang kanilang damdamin at sitwasyon. Dapat maging very strict din ang ahensiya sa mga lewd at obscene TV programs kagaya ng “Personalan” at “Katapat” ng Channel 5 at Channel 7. Panoorin ninyo at marimarim.
MGA TV teleseryes ay tungkol sa away ng mga angkan, violence at kaliwaan. ‘Di naghahatid sa mga manonood ng productive moral values. Sigawan, murahan, iyakan, patayan ang mga negatives na hahambalos sa iyo. ‘Di ba dapat din tingnan ang mga ito ng MTRCB?
‘DI BIRO-BIRO ang kalagayan ng isang diabetic na kagaya ko araw-araw. Dalawang beses turok ng insulin, mahigit isang dosenang gamot ang iniinom, strict diet at exercise. Ngunit kahit gawin lahat ang mga ito, may mga discomforts pa rin sa iba’t ibang organs ng katawan. Ang diabetes ay isang sakit na ayaw mong magkaroon kahit na iyong pinakamumuhian mong kaaway. Hanggang ngayon – katulad ng cancer – wala pang medical cure.
MAPANGHI PA. Nakaraang Sabado sinundo ko ang maybahay sa NAIA. Bumalik siya pagkaraan ng isang buwang bakasyon sa San Francisco, U.S.A. ‘Di ko naiwasang magbanyo na malapit sa waiting area. Pagbukas ko pa lang ng pinto, isang mapanghing amoy ang tumusok sa aking ilong. Akala ko ba’y may marching order si P-Noy na linisin ang mga kubeta ng NAIA. DOT Sec. Ramon Jimenez, pakitingnan mo ito. Pagod na pagod ka sa pagpo-promote ng tourism sa abroad subalit papa’no magiging “more fun in the Philippines” kung sa airport pa lang ganito ang pasalubong natin sa turista? DOTC Sec. Mar Roxas aksyunan n’yo ito.
TAMA ANG aksyon ng Comelec sa pagsusuri nang masinsinan sa mga party-list applicants. Itinadhana ng batas na ang party-lists ay para lamang sa mga marginalized sector. Ngunit ‘sang katutak na party-lists ang sumulpot na di naman marginalized. In other words, inabuso ang party-lists concept.
BAKIT LAGING palaban si dating Comelec Chair Ben Abalos? ‘Di makatutulong ito sa kanyang mga kinasasangkutang kaso? Harapin na lang niya ang regla ng batas at idepensa ang mga kaso.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez