Dear Atty. Acosta,
MAYROON PONG kumpare ang aking asawa na nag-alok sa amin na bibilhin ang aming bato o kidney. Sa totoo lang po ay hirap kami sa buhay. Apat ang pinapaaral ko sa elementarya at ang asawa ko ay isang karpentero lamang. Sinabi namin ng asawa ko sa kanya na pag-iisipan namin kung ipagbibili namin ang aming bato, ngunit napag-desisyunan na rin namin na hindi kami sang-ayon sa pagbebenta. Ipinaalam na namin ito sa kanya ngunit pinipilit pa rin niya kaming magbenta. Ang sabi niya ay wala naman kaming dapat ipag-alala dahil marami na siyang nakuhang nagbenta ng kanilang bato at walang naging problema. At isa pa raw ay mayroon na raw kaming kasunduan kaya kailangan namin iyong tuparin. Nakakasagabal na po ang pangungulit at pang-aabala niya sa amin. Umabot na sa puntong nagkasagutan na sila ng mister ko. Maaari po ba namin siyang ireklamo? Mayroong nakapagsabi sa amin na bawal po ang pagbebenta ng gaya ng bato kung kaya’t natatakot kami ng asawa ko. Sana po ay maliwanagan ninyo ang aming isipan.
Gumagalang,
Ana
Dear Ana,
ANG PAGBIBIGAY ng parte ng katawan o organ donation ay kailangan na kusang-loob na gagawin at hindi para sa pinansyal na kadahilanan o sa anumang konsiderasyon. Mahalaga rin na makipag-ugnayan sa mga lehitimong pribado o pampublikong ospital o ahensya ng gobyerno upang maisakatuparan ang pagnanais na makapagbigay at makatulong sa na-ngangailangan ng ganitong tulong.
Sa inyong sitwasyon, hindi maaaring ipilit ng kumpare ng iyong asawa na ituloy ang inyong napag-usapan sapagkat iyon naman ay walang bisa. Una sa lahat, upang magkaroon ng bisa ang isang kasunduan, kailangan na nagbigay ng pagsang-ayon ang bawat partido nito. Batay sa iyong salaysay, hindi kayo pumayag sa inalok niyang pagbili ng inyong bato. Sa katunayan ay nabanggit mo na pag-iisipan pa ninyo ito. Malinaw na walang naging pagsang-ayon mula sa iyo at sa iyong asawa upang kanyang igiit na ipatupad ang inyong napag-usapan.
Ikalawa, upang maging legal ang isang kasunduan, mahalaga na ang kontrata ay tumutukoy sa bagay o serbisyo na maaaring ipagbili, ipagpalit o ibigay. Ayon sa Article 1374 ng New Civil Code, ang maaari lamang sakupin ng isang kasunduan ay iyong mga bagay na maaaring ikalakal o sinasabing “within the commerce of man”. Ito ay ang mga bagay na legal at hindi ipinagbabawal ng batas. Ang pagbebenta o pagbili ng parte ng katawan ng tao ay mahigpit na tinututulan ng ating batas sapagkat ito ay kinokonsiderang isang uri ng human trafficking. Batay sa Section 4 ng Republic Act No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), “It shall be unlawful for any person, natural or juridical, to commit any of the following acts: (g) To recruit, hire, adopt, transport or abduct a person, by means of threat or use of force, fraud, deceit, violence, coercion, or intimidation for the purpose of removal or sale of organs of said person; x x x” Maaari ninyong ireklamo ang taong nag-aalok sa inyo ng ganitong kasunduan sa hukuman ng lugar kung saan naganap ang paglabag sa nasabing probisyon ng batas, o kung saan naganap ang alinman sa mga elemento ng krimen, o sa lugar kung saan kayo nakatira. (Section 9, id) Kung mapatunayan ang kanyang pagkakasala sa batas ay maaari siyang mahatulan ng pagkakakulong at kaukulang multa.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta