ARAW NGA ng Lunes nang pinal na inanunsyo na ang One Direction ay magko-concert dito sa Pilipinas. Tama nga ang mga nabasa n’yo, ang maituturing na pinakasikat na grupo na ito sa buong mundo ay bibisita rito sa ating bansa sa March 21, 2015. Ang nasabing concert ay gaganapin sa SM Mall of Asia Grounds. Kasama ang Pilipinas sa kanilang world concert tour na pinamagatang “On The Road Again”.
Ang English-Irish Pop Boy Band na ito ay binubuo nina Niall Horan, Zayn Malik, Liam Payne, Harry Styles at Louis Tomlinson. Sila ay sumikat nang sumali sa The X-Factor London noong taong 2010. Hindi man nila nakamit ang titulo, sila naman ay pumuwesto sa pangatlo. Hindi na rin ito masama dahil kitang-kita naman na malayo na rin ang narating nila. Talaga nga namang tinangkilik ng mga kabataan sa buong mundo ang kanilang mga kanta gaya ng What Makes You Beautiful, One Thing, Best Song Ever at maraming-marami pang iba. Dahil sa bilis ng kanilang pagkamit ng tagumpay, maituturing na nga sila bilang Backstreet Boys ng henerasyon ngayon.
Waging-wagi ang One Direction sa puso ng mga kabataan dahil sa kakaibang timpla ng kanilang musika. Para bang lakas maka-bagets ng kanilang mga kanta. Mapa-lalaki man o mapa-babae, iniidolo sila.
Ang kanilang mga albums na Up All Night, Take Me Home at Midnight Memories ay talaga namang naging top grossing. At ang mga hits nilang What Makes You Beautiful, Live While We’re Young at Story of My Life ay nanguna sa billboard hit charts mula 2011 hanggang 2013. Sila rin ay nakatanggap na ng mga samu’t saring papuri dahil sa kanilang kakaibang istilo sa pagkanta na talaga namang in na in sa mga bagets. Nag-uwi rin sila ng maraming parangal gaya ng apat na Brit Awards at apat na MTV Awards. At noong taong 2012, sila ay hinirang na Top New Artist ng Billboard.
Kaya naman nang napabalita ang kanilang magaganap na concert dito sa Pilipinas. Agad-agad itong naging trending sa lahat ng social networking sites. Inanunsyo din noong Lunes na may magaganap na pre-selling ng tickets sa May 23. Tingnan mo nga naman, May 19 nang kinumpirma ang kanilang konsiyerto, pagkalipas ng apat na araw, may bentahan agad ng tickets na magaganap, agad-agad! Ito ay gaganapin sa MOA Arena. Ang unang 15,000 na buyers ng tickets na darating sa venue sa loob ng 8:00 am hanggang 2:00 pm ang siyang pahihintulutan makabili ng tickets. Para naman mapagbigyan ang iba pang fans na nag-iipon pa na makabili pa sa ibang araw.
Ang ticket area sections ay mahahati sa anim. Ang VIP seats ay nagkakahalaga ng P17,950.00. Bukod sa ticket, ito ay may kasamang 1D wrist watch, lanyard, pouch at laminated card. Susunod naman ang Diamond seats na nasa halagang P14,800.00. Ang Titanium seats naman ay P7,450.00. Habang P3,775.00 naman ang Gold, P2,200.00 ang Silver at P1,150.00 ang General Admission.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo