LAGLAG sa Top 20 semi-finalist ng katatapos lang na Miss Grand International noong Dec. 4 ang pambato ng Pilipinas na si Samantha Panlilio. Dahil sa nangyari kay Samantha ay muling nabuhay ang panawagan na iboykot ang pagpapadala ng kandidata Thailand-based beauty pageant.
Dahil sa maagang pagkaligwak ni Panlilio, inakusahan ng mga galit na Pinoy beauty pageant fans i “cooking show” ang nangyari. Literal na minumura, nilalait at hinuhusgahan ang organizer ng contest at binansagan pang “Master Chef.”
Talagang minumura at inookray ng netizens ang organizers ng pageant sa mga comments nila sa live streaming ng Miss Grand International sa YouTube.
Hindi lamang ang pagkakaligwak ni Panlilio sa Top 20 semi-finalists ng 9th Miss Grand International ang ipinoprotesta ng mga kababayan natin. Palaisipan din sa kanila na hindi napili sa Top 20 candidates si Miss Grand Thailand Indy Johnson.
Naniwala din ang Pinoy fans na dapat ay si Samantha Bernardo ang nanalong Miss Grand International noong 8th edition ng contest last March 27, 2021, pero iba ang nagwagi.
Hindi nila matanggap na naging first runner-up lamang si Bernardo dahil sa matalinong sagot nito sa Question and Answer portion.
Anyway, si Nguyen Thuc Thuy Tien ng Vietnam ang kinoronahang Miss Grand International 2021. Tinalo niya si Miss Grand Ecuador Andrea Victoria Aguilera matapos ang naganap na tie-breaker question.
Ang tanong: Bakit ikaw ang dapat manalong Miss Grand International 2021. Sagot ni Miss Vietnam, “I’m ready to win. I’m ready to be in Thailand for a year.”
Ang iba pang winner ay sina Lorena Goncalves Rodrigues ng Brazil (2nd runner up), Miss Puerto Rico Vivianie Diaz Arroyo (3rd runner up), at si Jeane Van Dam ng South Africa (4th runner up).