KAMAKAILAN AY muling nagbalik sa akin ang mga kamag-anak ng dalawang OFW na pinakain sa pating. Mula nang ilapit nila sa akin ang problemang ito, wala na raw silang nakitang aksyon sa bahagi ng DOLE para hanguan ng aral ang pangyayaring ito.
Mga dalawang taon na ang nakararaan, dumating ang balita sa mga pamilya ng dalawang OFW na ito na namatay na ang dalawang kamag-anak nila na noo’y nagtatrabaho sa isang kaharian sa Gitnang Silangan. Ang trabaho raw nila ay diver at boatman. Isang hobby o libangan daw ng prinsipe ng kahariang iyon ang kunan ng video ang mga pating sa ilalim ng dagat at iyo’y ipinapanood naman niya sa mga kaibigan niya. Ang problema raw ay ito: minsan ay hindi makalusong sa dagat ang prinsipe para makapag-video dahil mababagsik daw ang pating kapag gutom. Dahil dito, pinasisisid n’ya muna ang mga kababayan nating OFW para testingin o subukan kung gutom ang mga pating. Agad silang umaahon kapag napansin nilang gutom ang mga ito. Dahil dito, naghahagis muna sila ng maraming pagkain sa mga pating para mabusog ang mga ito. At saka pa lang lulusong ang prinsipe.
Ngunit naganap ang isang masaklap na pangyayari. Minsang sinubukan ng mga OFW na sumisid para pakiramdaman kung gutom ang mga pating, sila ang kinain ng mga ito at magpahanggang sa ngayon, hindi pa nakikita ang kanilang mga labi.
Inareglo naman daw agad ng prinsipe ang pamilya at binigyan ang mga ito ng pera para ‘di na maghabol at para ‘di na mag-ingay. Ngunit lumapit sa akin ang mga kamag-anak ng mga biktima para ipa-abot sa pamahalaan ng Pilipinas na kahit pa sila naareglo at ‘di na nagdemanda, dapat ay ihinto na ng DOLE ang pagpapadala ng ganitong klase ng mga manggagawa sa nasabing kaharian. Minsan daw silang nagpunta sa POEA, ‘di raw nila makita ang rekord ng mga nasabing OFW dahil hindi raw alam ng POEA kung ano ang kategorya ng boatman o diver — ito ba’y sea-based o land-based.
Ang totoo naman n’yan, hindi sila maikakategoryang boatman. Ang dapat itawag sa kanila ay “shark’s food” o “pakain sa pating”.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo