MGA PILIPINO na naman, oo tama ang nabasa n’yo, tayo na naman ang isa sa mga nangunguna at pinakaaktibo pagdating sa larangan ng online shopping sa rehiyon ng Asya. Ang hilig-hilig ng mga Pinoy lalo na ng mga bagets ang magtingin-tingin ng puwedeng bilhin sa online shops sa pamamagitan ng Facebook at Instagram at mga online deals.
Gayunpaman, ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng Nielsen, isang market research firm, noong 2012, sa 100 porsyento ng mga Pinoy na nag-o-online shopping, 32% lamang dito ang nagkakaroon ng transaksyon ng pagbili talaga. Sa taon lamang ng 2012 ako mayroon ng datos pero malay natin, tumaas-taas na ito sa kasalukuyan dahil sa pagdagsa ng mga entrepreuners na naglulunsad ng kanilang online shopping sites at mas paunlad na nang paunlad ang teknolohya.
Patunay lamang ito na talaga namang matindi na ang impluwensya ng digital media sa mga Pinoy pati kasi shopping habits natin ay nababago na rin. Alam n’yo bang nagsagawa nga ng pag-aaral ang Nielsen noong taong 2012, lumalabas na nasa 72 porsyento na ang nag-o-online shop para sa kanilang grocery shopping. At 47 porsyento rito na ginagawa ang pag-grocery shopping sa online ay ginagawa ito nang araw-araw.
Nang dahil din sa digital media, mas nagkaroon ng malawak na network ang mga entrepreneurs at manufacturers. Kung dati-rati, mga damit lang ang in demand sa online shop, hanggang sa sinundan ito ng mga sapatos, make-up at pagkain. Ngayon naman, maging mga gadgets gaya ng cellphone at tablets puwede na ring mabili online.
Habang parami na nang parami ang mga mabibili sa online shop, tumataas din ang bilang ng mga tao na natatakot sa kredibilidad ng mga online shop owners. Lalo na’t kung mga gadgets ang binibili dahil malaki ang tiyansa na ang mga customers ay madaya sa pamamagitan ng mga online shops na nagbebenta ng pekeng gadgets. May posibilidad rin na sila ay madaya. Halimbawa, kailangang i-deposit ang pambayad bago i-ship ang order, kung minsan, hindi naisi-ship talaga ang orders at tinatakasan na ng mga madadayang online shop owners ang kanilang mga customers.
Mayroon ding pagkakataon na may masasamang loob ang manlalamang sa kanilang kapwa sa pamamagitan ng online shops. Kunwari, for meet ups ang orders ng customer, makikipag-meet up naman talaga sila pero aabusuhin nila ang customers. Nanakawan nila ito, hoholdapin o kaya kikidnapin. Kaya hindi naman maiiwasan kung bakit hindi pa rin buo ang loob ng mga tao sa mga online shops na nagbebenta ng gadgets. Kawawa rin tuloy ang mga legit online shops, nadadamay sila sa pinagdududahan dahil sa mga pandaraya ng iba.
Kaya mga bagets, maging matalinong mamimili. Huwag basta-basta magtitiwala. Tingnan ang mga feedbacks ng ibang customers sa online shops na napupusuan mong bilhan. Tingnan din kung registered sila sa Department of Trade and Industry. At, hangga’t maaari, humanap ng kakilala na may karanasan na ng pagbili sa nasabing online shop para mababawasan ang iyong paghihinala.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo