Pinoy Nurses Muling Dumagsa Sa UK

Pinoy-NurseMAHIGIT ISANG dekada na ang nakalipas ng dumagsa ang mga Pilipinong Nars sa Inglatera bilang pangunahing mangagawa sa institusyon pangkalusugan ng Inglatera at mga kaanib na bansa o mas kilala bilang National Health Service.  Sa mga sumunod na taon mula 2000, libo-libong mga nurses ang dumating mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo para mag-simula ng panibagong buhay sa pinag-samang bansa ng Inglatera, Scotland, Ireland at Wales. Sa paglipas ng mga taon, unti-unting napunan ng mga Filipino nurses ang mga bakanteng posisyon at bilang epekto na rin ng iba’t-ibang programa ng gobyerno tungo sa malawakang pagkukulang ng mga “healthcare workers.” Sa pag-sunod ng kani-kanilang mga pamilya, lumago at lumaki ang populasyon ng mga Pilipinong migrante.  Di kalaunan, kasabay ng pagbabago ng mga batas, naging bihira na ang pag-eempleyo ng mga dayuhang nurses.

Sa kasalukuyan, tinuturing na isa sa pinakamalaking ethnic minority ang mga Pilipino kasabay ng mga taga Africa at India. Ang pagbabago ng malawakang populasyon kaakibat ng edad ng mangagawa, pagtaas ng pangangailangang pangkalusugan, at nng kakulangan ng mga qualified nurses, nararapat muli na mangalap sa ibang bayan ang Inglatera ng mga kwalipikadong mangagawa.

Nitong nakaraang huling sangkapat na bahagi ng taon, ilang daang mga Pilipinong nurses ang pinalad na mangalap at magbigyan ng trabaho sa iba’t ibang sektor ng  NHS. Sa South East London, ang makabagong Matron ng Medical Ward ng Queen Elizabeth Hospital na si Myla Angeles, kasama ang dalawa pang pinuno ng ospital ay umuwi sa Pilipinas noong Agosto at nagsagawa ng isang linggong interview sa mga qualified nurses. Mahigit sa isang daang nurses ang kanilang natanggap at kamakailan ay dumating ang unang grupo para sa unang bahagi ng kanilang pagsasanay bilang mga baguhang nurses sa bansa.

Ang panibagong bugso ng pagdating ng mga nurses sa Inglatera ay isa lamang sa inaasahang pagdami muli ng bilang ng mga Pilipinong nurses na nais kunin ng pribado at publikong sector ng pangkalusugan bilang mga empleyado.  Ito ay isang magandang senyales para sa mangagawang Pilipino na nais mangibang bayan at para sa kanilang mga pamilya.

Para sa mga Pilipinong nurses na maninirahan sa South East, isang programa ng pagsalubong at pagbibigay gabay sa mga bagong dating ang isiniayos kamakailan. 38 Pilipinong nurses ang sumailalim sa kalahating araw na lecture at guidelines mula sa Embahada ng Pilipinas, OWWA, SSS, Pag-Ibig at ng PNA UK. Ang Pambansang Samahan ng mga Pilipinong nurses sa United Kingdom o PNA UK ay nagbigay ng iba’t ibang gabay at paseguro sa mga baguhang nurses patungkol sa trabaho, responsibilidad at inaasahan mula sa kanila bilang mga nurses. Inihayag din ng PNA UK ang iba’t ibang programa na makakabuti at makakatulong sa kanilang pamumuhay dito sa Inglatera kasama na rin ang mga iba’t ibang ahensya na patuloy na sumusuporta sa mga proyekto at layunin ng PNA UK.

Sa pakikipag-tulungan sa mga ibat’ ibang lokal na organisasyon, umaasa ang PNA UK na mabibigyan ng tamang impormasyon ang mga kababayan natin na bagong dating. Inaanyayahan ang mga local na asosasyon at organisasyon na makipag-ugnayan sa PNA UK (sa email na [email protected]/ 07410526180)para sa mga lektyur at workshops na maaaring ibigay sa mga nars.

Ni Michael Duque


Previous articleBeing part of a British Filipino family
Next articleHinagpis sa bagong delubyo

No posts to display