PULA, PULA, pula. Kapag sinabing kulay pula pagdating sa mga Pinoy, maraming ibig sabihin niyan. Pula para sa kababaihan; pula para sa kagitingan; pula para sa giyera at pula para sa pag-ibig. Pero para naman sa mga kabataang Pinoy, hindi lang ‘yan ang ibig sabihin ng kulay pula para sa kanila. Dahil ang kulay pula ay maihahambing din nila sa napakasikat na American Pop Superstar na si Taylor Swift? Bakit? Dahil inaabangan nang husto ang kanyang nalalapit na RED World Concert Tour sa Pilipinas, sa darating na ika-6 ng Hunyo na ito magaganap sa Mall of Asia Concert Grounds.
Ikatlo sa line up ang Pilipinas sa worldwide tour ni Taylor Swift. Kahit medyo kapos sa budget ang mga bagets sa pambili ng tickets dahil sa may kataasan na presyo gaya ng VIP, nagkakahalaga ng P19,600. Susunod naman ang Patron sa halagang P16,430. Lowerbox A sa halagang P10,090. P7,980 naman para sa Lowerbox B. P5,870 para sa Upperbox at P2,110 naman sa General Admissions.
Hindi sila nawawalan ng pag-asa na magkakaroon ng tickets dahil kahit anong pa-contest ang mayroon, sinasalihan nila. Katulad na lang ng mga promo contest ng Cornetto, isang brand ng ice cream. Dahil mayroon silang limited RED Cornetto ice cream, kinakailangang bumili ang bagets nito sa halagang P30.00 at tiyempuhan ang winning coupon na VIP ticket to Taylor Swift Concert. Hindi lang naman tickets din ang ipinamimigay ng Cornetto dahil kahit hindi palaring mapanalunan ang tickets, may tiyansa naman sa Taylor Swift items gaya ng head set, CD, T-shirt, at gitara ang puwedeng ma-jackpot-an. Pero kung hindi talaga sumasang-ayon na sa ‘yo ang pagkakataon, huwag nang iiyak dahil wala ka rin namang talo dahil nakakain ka naman ng RED Cornetto ice cream ni Taylor Swift.
Mayroon ding kumakalat na video sa Facebook ang naglalaman ng sorpresa. At ito ang video ng pagkapanalo ng isang babae ng naglalakihang premyo nang walang ginagawa kundi pagkatiwalaan ang sarili niya at ipagkatiwala ang kanyang P600 sa taong hindi niya kakilala. Kumbaga, sabihin na lang din natin na, ang gagawin niya lang ay sumugal sa walang kasiguraduhan na kaganapan. Paano nga ba nangyari ito?
Kung hindi n’yo pa ito napapanood, ganito iyon. Ang team ng Spinnr ay nag-set up ng isang plano. Sa isang mall sa Muntinlupa City ay nagtayo sila ng maliit na booth sa gitna na may nilalaman lang ng isang sign board na may mensahe na Drop P600.00 at isang clear box kung saan ihuhulog ang nasabing pera. Isang lalaki lang din ang nakatayo sa booth. Makikita sa video na maraming naintriga kung ano nga ba ito at sinubukang magtanong sa lalaki kung ano ang mangyayari pagkatapos nilang maghulog ngunit ang tangi lang niyang sinasagot ay hindi niya rin alam o hindi niya sigurado. Kaya naman marami ring humindi na maghulog ng P600.00 dahil nga sa takot na hindi na ito maibalik sa kanila. At matapos ang ilang oras ng paghihintay, isang babae ang matapang na sumugal. ‘Di katagalan, maraming tao ang naglapitan at nagpalakpakan kasabay ng sunud-sunod ng pag-abot sa kanya ng premyo tulad ng iPad Mini, iPhone 5c at dalawang VIP passes sa concert ni Taylor Swift. Binalik din sa kanya ang kanyang P600.00. Kung sinusuwerte ka nga naman.
Patunay lamang ito na maraming Swifties sa mga kabataang Pinoy.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo