UMUGONG KAMAKAILAN ANG balita na may kinakaharap daw nga-yong malaking problema ang showbiz couple na sina Piolo Pascual at KC Concepcion. Ito ay matapos mag-post ni KC sa kanyang Twitter account last August 10 that she was carrying a heavy heart. Ayon sa kanyang tweet, “Meeting in a while… may event later pero pass muna ako. may mga bagay na di kinakaya ng utak at puso ko:) kaya magpaka-busy na lang tayo:).”
Ano kaya ang ibig ipakahulugan ni KC sa kanyang tweet? Kahit sino naman kasi ang makabasa ng tweet ay tiyak na mag-iisip na may pinagdaraanan siya ngayon sa kanyang relasyon. Pero kung anuman ang kanilang problema ay nagawa pang batiin ni KC si Piolo on The Buzz dahil 10th monthsary nila. “Umabot naman kami ng 10 months,” she said.
Naging makahulugan ang naging pahayag ni Megastar Sharon Cuneta nang tanungin ito ng The Buzz tungkol sa isyu. “She’s a strong girl. Basta ang paalala ko lang in general is don’t you ever allow yourself to be mistreated or not held dear. Because baka ang tatay ko umikot sa libingan niya. Ulitin ko iyong sinabi ng daddy ko noon, kahit metro aide maging asawa niya. Basta siya iyong mahal na mahal. Iyong alagang-alaga. I just want whoever it is that will be in my daughter’s life to love her and take care of her the way we would. Kasi hindi ko pinalaki iyan para i-take for granted lang o balewalain. That’s very unfair,” she said. Naiintindihan natin si Sharon kung nakapagbitiw man siya ng ganitong kabigat na salita dahil bilang isang ina ay normal lang na ayaw niyang nakikitang nasasaktan ang kanyang anak.
Pero pinabulaanan kamakailan ni Piolo ang mga haka-hakang nagkakalabuan sila ni KC. “No, we are okay naman, wala namang problema. Klaro naman,” sagot niya sa Showbiz News Ngayon during a fashion event.
Nilinaw rin ni KC ang isyu tungkol sa kanila ni Piolo. “Once and for all po ay gusto ko pong malaman ninyong lahat na gaya po ng una na ring sinabi ni PJ, hindi po kami hiwalay. Siguro po [katulad] ng relasyon sa pagitan ng kahit na sinong tao ay dumadaan din po kami ni PJ sa ilang mga problema and nagkataon lang po na nasa showbiz po kami kaya masyadong napapalaki po iyong mga isyu. Yes, meron po kaming pinagdadaanan ngayon pero mapag-uusapan naman po siguro iyon at maaayos. At mag-uusap din po kami ulit pag-uwi niya sa Asian tour niya. So inuulit ko po na okay kami ni PJ. Hindi po kami hiwalay. ”
KC also hopes na sana ay matigil na ang anuman mga hindi magagandang isyu na lumalabas tungkol sa kanila ni Piolo.
Ang latest: sina Piolo at KC ang magka-date kamakailan sa 5th Star Magic Ball. At suot ni KC during the special event ang pair of coral earrings with emeralds na regalo sa kanya ni Piolo.
Kaibigan, usap tayo muli!
Points of Boy
by Boy Abunda