Piolo Pascual, ayaw i-media ang pagtulong – Cristy Fermin

SA KATATAPOS LANG na solo concert ni Piolo Pascual sa Zirkoh Comedy Bar-Tomas Morato ay idiniin ng singer-actor ang pakikidalamhati niya sa mga kababayan nating namatayan, nasalanta ng kalamidad, at hanggang ngayo’y nagdurusa pa rin sa matinding baha sa maraming lugar sa ating bansa.

Wala mang coverage ang kanyang pagsuporta sa mga biktima ng kalamidad ay mismong mga kababayan na nating dinaluhan niya ang makapagsasabi kung gaano kabuti ang puso ni Piolo.

Maraming lugar sa Pasig ang pinuntahan niya sa pamimigay ng relief goods, nakarating din siya sa San Mateo kasama ang kanyang ina, mga kapatid at kaibigan, nu’ng maamuyan ng media ang pamimigay niya ng tulong sa mga taga-Nayong Silangan ay nabigo ang mga ito na makunan ang kabutihang ginagawa ng aktor.

Nu’ng makita na niyang parating ang mga cameraman ay bigla siyang nawala, kumalas siya sa grupo at pumasok muna sa kanyang sasakyan, lumabas na lang uli siya nu’ng nakaalis na ang media.

[ad#post-ad-box]

Kahit katiting ay hindi niya kinukundena ang pagpapa-media ng ibang personalidad sa ginagawang pagtulong ng mga ito sa binaha, pero may personal na paniniwala si Piolo, ayaw talaga niyang ipagbanduhan ang mga ginagawa niyang tulong sa mga sinalanta nating kababayan nu’ng kasagsagan ng baha at bagyo.

Kuwento ni Mommy Amelia, ang dakilang ina ng guwapong aktor, “Nu’ng nagbabalot kami ng mga relief goods, walang kuryente, ang dilim-dilim.

“Kasama namin si Jay (tawag kay Piolo ng kanyang pamilya) sa pag-iimpake ng mga dadalhin namin, wala siyang taping nu’n, kaya talagang ‘yun ang inasikaso niya,” kuwento ni Mommy Amy.

HINDI NATULOY ANG solo concert ni Piolo nu’ng September 26, walang magsasakripisyong lumangoy papunta sa Tomas Morato para lang siya panoorin sa kalakasan ng bagyo, kaya nagbigay ng panibagong petsa ang Star Magic sa Backstagepass Productions.

Ang inaasahan nami’y hindi mapupuno ang Zirkoh Comedy Bar dahil baka may iba nang kompromisong natanguan ang ating mga kababayang nakabili ng ticket, pero nagkamali kami, pati ang hagdan ng venue ay punumpuno ng manonood.

Hindi pumalya ang kanyang mga tagasuporta, talagang pinaglaanan nila ng panahon ang solo concert ng kanilang idolo, kaya ganu’n na lang ang saya ni Piolo nang iluwa na siya ng entablado.

Sabi nga ng aming anak na si BM, ang prodyuser ng concert ni Piolo, “Kung gusto mong huwag matalo sa project mo, isa lang ang sagot du’n, si Piolo Pascual.”

Grabe ang lakas at karisma ng singer-actor na ito, lumakad lang siyang palapit sa gilid ng stage ay hindi na magkamayaw ang audience sa pagtitilian, ang maririnig mo lang palagi sa paligid ay ang makasaysayang “I love you, Piolo!!!!”

Walang patid ang mga tilian, nakataas ang mga camera at cellphone para makunan siya habang kumakanta, kapansin-pansin na batak na batak na talaga ang boses ng guwapong aktor sa malinis at eksakto sa tono niyang pagkanta.

At pagod na pagod pa siya nang lagay na ‘yun dahil kinain na rin ng taping ng Lovers in Paris nila ni KC Concepcion ang bawat Sabado niya bukod sa Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Mahal na mahal naman kasi ni Piolo ang kanyang propesyon, hindi niya hinahaluan ng bisyo ang kanyang hanapbuhay, napakalaki ng nagagawa ng disiplina sa kanyang pagkanta at pagganap.

Hindi maaaring mawala ang kanyang ina, mga kapatid at pinsan, mula noon ay ‘yun na ang napansin namin sa pamilya ni Piolo. Ang matinding suporta ay una niyang nararamdaman mula sa kanyang pamilya, parang ginantsilyo ang kanilang pagmamahalan, kaya punumpuno ng kumpiyansa si Piolo sa kanyang sariling kakayahan.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleStars Candid: Saicy Aguila, mahilig sa popsicle
Next articleRichard Gutierrez, iwas na sa intriga – Chit Ramos

No posts to display