HINDI first time na nagtagpo si Lolit Solis at Piolo Pascual matapos ang isyung kinasasangkutan nilang dalawa kasama si Sam Milby nang itsismis ni Manay Lolit sa kolum niya noon na nakita niya ang dalawang aktor sa isang hotel na nalagyan ng malisya.
Sa katunayan umabot pa sa demandahan ang pangyari. Pero dahil sa maliit lang ang showbiz, natapos ang gusot sa pagitan ni Manay Lolit at ng dalawang aktor. Hindi ko naman nasundan kung ‘yong demanda ay nakalimutan na o naabsuwelto ang intrigera at harbaterang loveable na si Manay Lolit.
Sa presscon ng pelikula ni Piolo na “Northern Lights: A Journey To Love”, for the first time ay naging saksi ang press people sa harp-harapang pagbabati ng dalawa.
After ng open forum ng presscon, si Manay Lolit, kusang umakyat sa elevated platform sa gitna ng venue kung saan nakaupo ang aktor. Nilapitan ni Manay si Piolo saka niyakap.
Dahil sa tagal na ng panahon tungkol sa isyu nila ni Papapi, ang naturang isyu ay nakalimutan na rin ng mga reporter na nandu’n sa presscon.
“Alam mo, mabait na tao si Piolo. Hindi siya mapagtanim ng galit or sama ng loob,” sabi ni Manay Lolit.
Hindi raw ‘yun ang first time nilang pagkikita nang maidemanda siya tungkol sa malisyosong isyu.
“Natatandaan ko ‘yung sa wake ni Daboy (Rudy Fernandez). Pumunta siya kasama ang mother niya. Nagbeso pa nga siya sa akin,” balik-alaala ni Manay tungkol sa kanilang pagtatagpo.
Kung ilang years na namaalam si Daboy sa mundo, ‘yun din ang taon na last silang nagkita na nasundan na lang ang pagkikita na ‘yun sa presscon ng nasabing pelikula.
Dagdag pa ni Manay Lolit, “ Mayroon na sigurong 10 years ‘yun.”
Mayroong sagot si Papapi tungkol sa naganap na pagtatagpo nila ni Ate Lolit.
“Napakaliit ng mundo natin sa showbiz and it’s all about… ‘yung sinasabi ko sa anak ko. People you see going up are the same people you gonna see going down. So, you have to value each one. Make sure na wala kang loopholes or walang kaaway, wala kang tinatapakan. Wala kang gagamitin,” ani Piolo.
“Kung meron mang hindi pagkakasundo o disagreement, settle it. Because these people, you get to see them every day in your life,” paliwanag pa ng aktor.
With Piolo’s positive outlook in life, good vibes ang aktor. Reason kung bakit sunud-sunod ang mga magagandang balita at ganap na nangyayari sa kanya.
Sa March 29, Wednesday, na ang showing ng “Northern Lights: A Journey To Love”. Kasama rito ni Papapi sina Yen Santos at Raikko Matteo sa “father and son” theme na dinirek ni Dondon Santos.
Sa March 28, Tuesday, magkakaroon ng premiere night ang pelikula na produce ng Regal Films, Spring Films, at Star Cinema.