THE GIFT: TAGA-HANGA ba ni Erik Santos ang direktor na si Joyce Bernal?
Nakiki-sing-along kasi si direk Joyce sa panonood sa album launch ng “The Jim Brickman Songbook” (na nagtiwala kay Erik para kantahin ang kanyang mga piyesa) nito sa Eastwood Open theater kelan lang.
Nang kantahin ni Erik ang “The Gift,” ibinulong agad sa akin ni direk Joyce na mas maganda ang version ni Erik kesa sa nauna’ng nag-revive nito na si Piolo Pascual.
Sabi ko kay direk Joyce, iku-quote ko ang opinyon niya at pumayag naman ito.
Kaya, nang balingan ko si Erik para sa reaksyon niya, nahihiyang ngiti lang ang isinagot nito sa akin nang usisain ko na siya.
“Ayoko ng intriga, Ate,” say ng binata na kahit na abala sa mga commitments niya bilang isang mang-aawit eh, pinagpupursigihan naman ang kanyang pag-aaral. Malapit na nga raw siyang matapos. Kaya, pati nga ang page-girl friend, eh, hinay-hinay din muna siya.
SHOULD I STAY OR SHOULD I GO: HUWAG kayong magtaka kung sa mga susunod na araw ay may suot-suot na T-shirt ang komedyanong si Ya Chang na ang nakalagay eh, “I Survived Mindanao”.
Nagkaroon pala sila ng show doon ni Jose Manalo at ang buong akala nila eh, sa Dakak sila magkakaroon ng palabas, sa paanyaya ng mga Jalosjos.
Little did they know na sa ibang bayan pala sila dadalhin, sa Ipil na mga apat na oras by land din daw ang travel.
Nang makita ni Ya Chang na sangkaterbang bodyguards nila na may mga sukbit na mga baril,pinapakiusapan na raw nito ang manager niyang si Lito Alejandria na ibalik na lang ang bayad sa kanya for the show at gusto na niya umuwi ng Maynila.
Sabi nga ni Jose, doon lang niya nakita kung paano’ng nagdasal at nagrosaryo si Ya Chang dahil nerbyoso raw pala ito.
Bumalik nga ang kuwento about Ya Chang ng minsan’g may magbiro sa kanya na ang kumakatok sa pintuan niya, eh, mga taga-Immigration, nu’ng hindi pa naaayos ang kanyang permit to stay in the country. At sa takot, nilundag nito ang bintana sa kuwarto nila ng kanyang ka-live-in. At naka-taxi’ng sumugod sa bahay ni Allan K. na sugat-sugat ang katawan.
Pero in fairness-dinumog ng mga tao ang mga shows nila sa parte’ng ‘yon ng Mindanao.
MAN IN THE MIRROR: SA 40th ni Tito Dougs (Quijano) kumalat ang balita’ng nag-propose na nga ng kasal si John Estrada sa kanyang lady love na si Priscilla Meirelles. Kaya nga, nakatingin ang lahat sa singsing na suot ng dalaga that night.
In high spirits nga si John dahil tinanggap na ng kanyang ex-wife na si Janice de Belen ang babae’ng nagmamay-ari ng puso nito ngayon nang lapitan sila ni Janice at nagbatian sila.
Sa microphone,matapos ang performance ng tatlong nag-ala-Michael Jackson na sina Anjo Yllana, Jomari Yllana at Joey Marquez,paulit-ulit na umaalingawngaw ang pagbibigay-pugay ni John sa kanyang ex-wife sa pagpapasalamat niya sa naging pagpapalaki nito sa kanilang mga supling. Wala raw tatalo kay Janice sa pagiging best “Mom in the World” nito.
The Pillar
by Pilar Mateo