TEN YEARS ago na pala ‘yong una at huling pagsasama nina Direk Olivia Lamasan at Piolo Pascual. Pelikulang Milan ‘yun ng Star Cinema na sa paglipas ng sampung taon, malaki na ang ipinagbago ng aktor ayon kay Direk.
Mas sensitibo siya. Mas gumaling siya, wika ni Direk Olive sa press launch ng pelikulang Starting Over Again na showing na sa Miyerkules, February 12.
Kung titingnan mo ang relasyon ng dalawa, close na close sila. Kilalang-kilala nila ang bawat isa. Inang ang tawag ni Papa P. kay Direk na siyang kadalasang tawag ng mga artista sa director.
Sa paglipas ng sampung taon, mas excited sila pareho ng malaman nila na muli sila magsasama. Isa sa mga rason kung bakit natagalan ang reunion movie nila it’s because abala si Direk Olive sa trabaho niya sa Star Cinema.
“Ngayon lang talaga nagkaroon ng chance,” pahayag niya.
Hindi naman kasi basta-basta tumatangap ng project si Direk Olive. Pihikan din. Mapili tulad ng mga artista sa mga pelikula niya na hindi naman basta-basta lang na isasahog at isasama sa isang project at presto, may pelikula na.
Sa pelikula, may eksena na ang aktor ang gumawa ng kanyang script. Siya ang sumulat na hinayaan siya ni Direk Olive na ilabas niya at isulat kung ano ang nararamdaman niya sa isang eksena na may hinanakit sa dating ex-girlfriend na hindi niya naitawid na puring-puri ni Inang Olive sa kanyang anak na si Papa P.
NAIRAOS NA nina Richard Yap aka Ser Chief at misis niyang si Melody ang sinasabing “Seven Year Itch”.
Ito yong sinasabi na sa mag-asawa, bago dumating ang ika-pitong taon ng kanilang pagsasama as husband and wife, kadalasan sa hindi, may kuwentong minsang nangaliwa si mister. Kung hindi man nagkahiwalay ay tumikim si mister bukod sa putahe na luto ni misis.
Kasabihan ‘yun na sa mga bagong kasal, kadalasan, may ganu’ng mga pangyayari. Pero sa kaso ni Ser Chef at ng tunay niyang misis, never daw na nangyari ito sa kanilang dalawa.
Kahit sa totoong buhay, very clean ang personal life ni Ser Chief. Walang intriga. Kaya happy sila ni misis na mamuhay kasama ang dalawa nilang mga anak na ang panganay (girl) ay graduating na sa Colegio de San Agustin at ang pangalawa ay isang seven-year old boy.
Imahe ng matinong mister si Ser Chief sa morning show niyang Be Careful with My Heart. Bawat babae (dalaga o may asawa na), siya ang pangarap na maging boyfriend o mapangasawa.
Kaya nga click ang show nila ni Jodi Sta. Maria dahil sa dami ng mga dysfunctional relationship ng mag-asawa at mga pamilyang Pinoy, ang napapanood nila na almost perfect ay pangarap ng bawat isa.
Happy si Richard sa kinalalagyan niya ngayon. Siya mismo, hindi ini-expect na mararating niya ang kasalukuyang estado.
From a simple TV commercial ng isang Chinese fastfood, kung saan sinubukan niyang pumila for a VTR para magkaroon siya ng file sa mga advertising agencies, the rest is history.
Hindi maipagkakaila na isa siya sa hottest product endorser. Sumasabay siya kina Kris Aquino at Piolo Pascual.
From an insect spray disinfectant to a bank hanggang sa liniment na pampahid at gamit pang-masahe, iniendorso ni Ser Chief making him the busiest TV performer na.
Sayang na sayang siya at hindi natuloy na gawing pelikula ang Be Careful… para sa nakaraang MMFF 2013.
“Hindi talaga kaya ang schedule. Sa taping pa lang namin, we do it three times a week. Walang days na puwedeng isingit ang shooting for the film,” kuwento niya sa amin over lunch.
Naikuwento rin ni Ser Chief na may business venture pala sila ng kaibigang si Cris Tiu sa Visayas at Mindanao na plano nilang dalhin dito sa Manila at sa kasalukuyan, nasa sixth year na franchise holder-owner siya ng isang Chinese fastfood na ini-endorse din niya.
By the way, sa “bedroom talk” namin with Ser Chief, very relaxing ang outfit niya kapag natutulog siya. “T-shirt at shorts lang,” sabi niya.
Boxer shorts or brief? Ngumiti siya. “I wear brief. I maintain my size 32 inches waistline,” dagdag niyang sagot sa amin.
Reyted K
By RK VillaCorta