MAY PINAG-AARAL daw pala si Piolo Pascual na isang 19-year-old workshopper na lalaki mula sa Star Magic workshops ng kursong Fine Arts sa College of Saint Benilde sa Taft, Manila.
Sa acting workshop daw naka-enroll ang bagets, ayon sa aming source, para maalis ang pagiging mahiyain nito hindi para mag-artista. Hilig lang daw talaga ng binata ang pagpipinta, partikular ang abstract designs.
Ilan nga raw sa mga nagawang paintings ng masuwerteng batang ito ay ipinamimigay n’ya sa ilang kilalang artista sa ABS-CBN, kabilang na nga si Papa P. Nagustuhan naman daw ng aktor ang likha ng batang pintor, kaya naisip daw ni Piolo na alukin ito ng libreng pag-aaral ng Fine Arts.
Napag-alaman namin na isa lang ang binatang ito sa marami pang mga kabataang iskolar ni Piolo.
NAKILALA NAMIN at nakausap namin ang isa sa mga medyo baguhang artistang babae ng ABS-CBN na si Marla Flores na gumaganap bilang isa sa mga alitaptap sa teleseyeng Juan dela Cruz.
Unang napanood ang young actress sa dating teleseryeng Imortal nina John Lloyd Cruz at Angel Locsin, kung saan katambal n’ya ro’n ang isa ring baguhan na si Brian Santos na kasama sa Apoy sa Dagat ngayon at pamangkin ng big bosses ng Kapamilya Network na sina Charo Santos-Concio at Malou Santos.
Lumabas din si Marla sa pelikulang No Other Woman bilang kapatid ni Cristine Reyes.
Binibiro namin ang 20-year-old actress kung mag-jowa ba talaga sila ni Brian at kung gaano na sila katagal, dahil madalas namin silang makitang magkasama sa ABS. Pero kahit gasgas na gasgas na ang dialogue na “we’re just friends” sa mga artistang nali-link sa isa’t isa, pinanindigan n’ya pa rin ito. “Mag-bestfriend talaga kaming dalawa,” hirit marla.
May hawig si Marla kina Maricar Reyes at Jodi Sta. Maria na ilan sa mga hinahangaan n’yang aktres. Pero sabi n’ya, mas hawig daw ng ate n’ya si Jodi.
Bilib daw ang dalaga sa special friend n’yang si Brian dahil hindi nito pinagmamalaki sa mga tao, lalo na sa ABS na pamangkin s’ya nina Charo at Malou. “Sobrang low profile n’ya,” deskripsyon ni Marla kay Brian.
Masipag daw si Brian mag-audition para sa mga teleserye, kahit hindi ito madalas o agad-agad natatanggap.
NAPANOOD NAMIN ang episode ng Kris TV nu’ng tuesday morning, kung saan guests ni Kris Aquino at co-host nito this week na si KC Concepcion ang mga may bahay ng apat na pulitiko, gaya ni Tootsy Angara (asawa ni Cong. Sonny Angara) at ni Andrea “Andeng” Bautista-Ynares (kabiyak naman ni Rizal Gov. Jun Ynares at younger sister ni Sen. Bong Revilla).
Naiyak na naman kami sa kuwento ni Andeng nang mamatay ang kanilang pangatlo sanang anak na babae sa kanyang sinapupunan last year lang nu’ng August 24, kahit ika-walong buwan n’ya na iyon, nang maramdaman n’ya raw isang araw na parang hindi na gumagalaw o malikot ang baby n’ya sa loob ng kanyang tiyan.
Nagulat din kami at na-touch sa kuwento ni Tootsy na nagkaroon daw pala ito ng brain tumor a couple of years back.
Kung ang ilang mayayaman ay sa abroad nagpapagamot at nagpapa-opera, si Tootsy ay piniling ipagkatiwala ang kanyang brain surgery sa kilala n’yang mahusay na doktor mula sa Philippine General Hospital na nagpagaling sa kanya.
NAAALIW KAMI kada napapanood namin sa TV ad na sumasayaw-sayaw sina Sen. Jinggoy Estrada at aktor na si Tirso Cruz III kasama si Cong. Jack Enrile. Masaya at nakaka-engganyo silang tatlo, pati ang mga taong kasama nilang sumasayaw at kumakanta.
Kanta ni Willie Revillame na giling-giling ang jingle ni Cong. Enrile na s’yempre ay nilapatan na ng ibang titik. Pero hindi na raw ang TV host ang kumanta no’n, kaya walang partisipasyon do’n si Willie at hindi kailangang bayaran, ayon sa malapit na kaibigan nito na aming nakausap.
Ang tanging binayaran na lang daw yata ay ang composer ng kanta na si Lito Camo.
Franz 2 U
by Francis Simeon