PINATULAN NI PIOLO Pascual ang tanong kung nai-intimidate o nai-insecure siya kay Zanjoe Marudo na gumaganap na karibal niya sa puso ni KC Concepcion sa romance-seryeng Lovers in Paris.
Napapansin na kasi ang pagseseryoso sa acting ni Zanjoe sa dalawang nakaraang projects niya – ang Kimmy Dora ni Eugene Domingo na patuloy na pinipilahan ngayon sa mga sinehan at The Wedding kung saan ilang ulit siyang pinalakpakan, lalo’t naiiyak siyang madalas sa sangkatutak na sama ng loob sa pinakamamahal niyang si Candice (Anne Curtis). Dati-rati naman kasi, parang nilalaru-laro lang niya ang bawa’t project na ibinibigay sa kanya. Bilang ganti, hindi siya sineryoso ng mga movie press at critic.
Pero, noong presscon ng LIP, openly na siyang pinupuri (sa acting) ng batikang manunulat at kritikong si Mario Bautista. Hindi naitago ni Zanjoe ang labis niyang kaligayahan kaya’t magaganda rin ang reaction niya tuwing sasagot sa mga tanong.
Hindi nagpalamon si Zanjoe kina Piolo at KC (bilang Carlo at Vivian, respectively) lalo’t role ni “Martin” ang natoka sa kanya. Akalain mo, reregaluhan daw niya ang inyong lingkod sa aking b-day kahit balitang-balita ang kakuriputan niya.
Anyways, titig na titig si Zanjoe kay Piolo habang sinasagot nila ang tanong. Ani Piolo: “Bawa’t kasama ko sa pelikula o teleserye ay itinuturing kong isang malaking hamon. I never stop learning and striving for excellence. Hindi ako kampante sa mga papel na ibinibigay sa akin kahit nagpapasalamat ako sa mga positive reactions sa aking pag-arte. Inaaral ko ang character ko at hindi naiiba itong mga kasama ko sa Lovers In Paris. Zanjoe is one good example of an actor na katulad ko ay gusto ring mapatunayan ang kanyang sarili. And I think he has attained a certain high in this project,” sinserong pahayag niya sa isang interview.
ISA PA SI KC sa napansin niyang hindi lang ninenerbiyos, kundi natsa-challenge rin sa kanyang role bilang Vivian. Kung inyong natatandaan, hindi kagandahan ang Korean actress na gumanap na bida. Mai-a-associate mo nga siya kay Toni Gonzaga, for example o si Meryll Soriano na mas bagay sanang gumanap sa Filipinized version nito.
“Noong una, hindi ko pa nakikita si Vivian kay KC,” pagtatapat din ni Shaira Mella Salvador, script writer. “But as we progressed, nabigyan ni KC ng bagong touch ang character niya. Hindi n’yo na makikita si KC bilang anak ni Megastar Sharon Cuneta o ang pasosyal na personalidad sa mga commercials na napapanood sa TV. Siya na ang bagong Vivian na kilalang-kilala ng mga Pinoy teleserye lovers. We were so happy with the twist. Nagdarasal din kami na tanggapin ng mga televiewer ang interpretation niya ng role ni Vivian. People will fall in love with her at matutuwa sila kung bakit na-in love sa kanya nang husto sina Piolo at Zanjoe.
“Hindi rin natin tuluyang maalis agad-agad ang itsura niya,” Patuloy niya. Talagang napakaganda ni KC. Actually, ganu’n din ang mapapansin n’yo kay Piolo. Hindi rin kaguwapuhan ang character ni Carlo sa orig version ng LIP. Just the same, kahit ano’ng gawin yata ni Piolo ay mai-in love sinumang scriptwriter, director, kapwa artista at lalo na ang mga tagahanga niya.
BULL Chit!
by Chit Ramos