NAKAKALUNGKOT. ANG DAMI nang artistang hindi bumibili ng diyaryo para magbasa ng balita tungkol sa kanila. Dahil katwiran ng ibang nakakausap namin, “Bibili ka ng diyaryo, sasama lang ang loob mo sa mababasa mo, ba’t ka pa kukuha ng batong ipupukpok sa ulo mo?”
May point din naman sila kung tutuusin. Ba’t ka nga naman bibili, tapos, iintrigahin ka lang. Lalo na kung hindi totoo ang isyu o ang akusasyon, maha-high blood ka lang.
Tulad na lang ng isang TV host-comedienne. “Dati, mare, 60 pesos ako nang 60 pesos. Anim na tabloid ang binibili ko araw-araw. Pero nu’ng ilambeses na ‘kong nakakabasa ng tira tungkol sa akin na hindi naman totoo, tinigilan ko na.
“Maaapektuhan ka lang ng binabasa mo, eh. Pupuwedeng ‘yung iba, hindi maniwala. Pero pa’no ‘yung ibang naniniwala, ‘di ba? Kaya para wala ka nang iniisip, wala na lang diyaryo sa bahay, gano’n na lang.
“Maaapektuhan lang ang trabaho ko, kaya sige, kayod na lang ako nang kayod. ‘Kala kasi ng ibang nagsusulat, ang dali lang ng ginagawa ng mga artista, kaya para na lang silang nagkukukot ng mani kung makatira at makalait.
“Kanila na lang ang diyaryo nila, akin na ang 60 pesos ko! Hahahaha!”
I’M SURE, HINDI naman siya nagbabasa ng diyaryo, kaya ire-reveal na rin namin ang kabutihang-loob ng taong ito.
Naglalaro kasi kami ng Badminton. In between games, eh naikuwento ko sa guwapong aktor na si Joseph Bitangcol ay naaksidente at kailangan ng tulong, dahil kailangan ngang pasukan ng Titanium sa loob ng mukha para hindi ma-deform.
Napangiwi ang aming kalaro, lalo na nang sabihin namin, aabot nang lampas 200 thousand pesos ang gagastusin, eh walang-wala rin ang pamilya ni Joseph.
Kaya lumapit kami sa kanya at nagbakasakali, “Sige, sige, tulong tayo. Mamaya after the game, bigay ko sa ‘yo. Pagaling kamo siya, ha?”
Nakakatuwa. Ni hindi naman niya naging close ito at kasamahan lang niyang artista, pero hindi siya nagdalawang-isip tumulong. Kaya nu’ng mai-tweet namin ito ay ang dami nang na-curious malaman kung sino ang taong ito.
Alam namin ang nakasulat na amount sa tseke ay “barya” na lamang sa kanya, pero sa amin ay malaking halaga ‘yon. Pero sabi nga, walang hala-halaga sa taong gustong tumulong nang taos sa puso.
Kaya nga ang clue na ibinigay lang namin sa mga followers namin ay: “Ang initials niya ay hindi nagsasalita.”
At in fairness, hindi rin naman nagsasalita ang aktor para isa-isahin ang mga natutulungan niya. Heto nga’t may nakabasa ng aming tweet, ang production manager ng ABS-CBN na si Ethel Espiritu.
“Alam mo, napaka-gene-rous talaga niyan. ‘Yung legman namin na inoperahan sa gall bladder, humihingi lang ng tulong sa kanya, alam mo ba, ‘yung buong bill sa ospital, sinagot niya. Binigyan pa niya ng allowance, dahil hindi nga makaka-work habang nagpapagaling.”
Meron pang isang nag-tweet sa amin ng, “Meron din siyang sampung scholar sa high school namin, hindi rin niya sinasabi.”
Kami mismo, napatunayan namin ang kabutihan ng puso ng taong ito. Ang Philippine Foundation for BreastCare, Inc. na siyang beneficiary noon ng concert ni Marissa Sanchez, hindi niya kinuha ang talent fee niya.
Tapos, nabalitaan din namin na ‘yung isa niyang fan na may kanser ay lihim din niyang tinutulungan.
Nakakatuwa. Kaya naman blessed na blessed siya ng maraming raket, dahil may mabuting kalooban. Mabuhay ka, Papa Piolo Pascual!
‘WAG N’YONG KAKALIMUTAN, ha? Ang beneficiary naman po ng show ni Marcelito Pomoy tonight (Wed), 9:30 pm ay ang Childhaus Foundation, kaya watch na kayo sa Zirkoh Morato, ha?
Guests po diyan sina Arjohn Gilbert (ang flute vendor na batang sumikat sa YouTube) at si Buildex (finalist sa PGT2) na siyang tinaguriang Bruno Mars of the Philippines.
Maghahatid naman ng fun and laughter sina Divine Tetay (na ginagaya si Kris Aquino at Zsa Zsa Padilla) at Chubbylita.
P600 lang po ang ticket price. Maaari kayong tumawag sa 0927-3234351. Available din ang ticket sa lahat ng SM Cinemas.
Watch na kayo. Nag-enjoy na kayo, nakatulong pa kayo nang bonggang-bongga sa mga batang may malalang karamdaman na nanunuluyan sa Childhaus.
Oh My G!
by Ogie Diaz