NGAYONG SOBRANG MALAPIT na talaga sa isa’t isa sina KC Concepcion at Piolo Pascual, nasasangkot sa intriga ang guwapong aktor. Ito ay tungkol du’n sa isyu ng paghihiwalay ng landas ni KC at ng kanyang talent manager na si Shirley Kuan. Sobra raw kasing bilib ang anak ni Megastar Sharon Cuneta sa bida ng teleseryeng Noah ng ABS-CBN, kaya lahat na lang ng sinasabi ni Piolo, pinaniniwalaan ng dalaga. Kumalat ang tsismis, na diumano’y dinidiktahan ni Papa P. ang young actress na magpalit na ng talent manager.
Kaya ngayong pumutok na ang balita ng paghihiwalay ng landas nina KC at Shirley Kuan, nadadamay mapagbintangan si Piolo, na tatahi-tahimik lang daw pala ang aktor, pero binibigyan nito ng kakaibang impluwensiya ang anak ni Gabby Concepcion. Ang dali namang magbintang ng ibang tao, dahil kapani-paniwala raw na may impluwensiya ang binata sa dalaga. Lalo pa nga’t napatunayan nang kahit ilang ulit nang dumaan sa intriga ang kanilang closeness, hayan at pinatutunayan pa rin nilang dalawa, na hindi sila nagkakahiwalay.
Kontrobersiyal na naman sina KC at Piolo ngayon. Marami ang nawindang sa biglang pagkawala ng kanyang programang Simply KC sa Dos, kabuntot ang intrigang nasa loob daw ang kanyang kamalditahan, dahil winalang-halaga ang pagmamalasakit ng kanyang talent manager. Si Piolo naman, pinagtatawanan, dahil nakikiusap siyang huwag na raw pakialaman ang closeness nila ni KC. Samantalang sa totoo lang, walang nakikialam sa kanilang dalawa.
Marami nga ang nagwi-wish, na sa hinaba-haba ng panahon, magkakaroon na ng karelasyon ang magaling na aktor. Mas magsasaya ang buong showbiz kung magkakaroon siya ng karelasyon, kesa guluhin at pakialaman sila.
MAHIGIT APAT NA dekada na ang itinagal ng kasikatan ng Star for all Seasons na si Governor Vilma Santos-Recto sa showbiz. Bilang isang manunulat, isang cute na karanasan para sa akin, na nu’ng bata pa lang ako ay inidolo ko siya. At nang nasa showbiz na ako, nagkaroon din ng maraming pagkakataon na nakalalapit, nakauusap at nakabibiruan ko ang gobernadora na ngayon ng aming probinsiya sa Batangas. Hindi ako ‘yung tipo ng tao na mahilig dumikit sa mga sikat, pero ang nakatutuwa lang kay ate Vi, sa kasikatan niyang iyon ay kaya niyang isigaw nang buo ang pangalan at apelyido ko, dahil alam naman niya kung papaano ko siya sinusuportahan.
Maka-Nora Aunor naman ako nu’ng nasa grade 2 pa lang ako. Puro Noranians kasi ang aming mga kapit-bahay, at aliw ako sa golden voice ni Ate Guy noon. Naku, maka-Vilma pala ang mother ko nu’ng nabubuhay pa siya, at nang maging aware siya na si Ate Guy pa lang ang kilala kong artista, nagdayalog siya ng: “Anak, mayroon pang isang magandang artista. Vilma Santos ang pangalan, na laging pabalat (cover) sa magazine at kuwaderno (notebook). Ipakikita ko sa ‘yo.” Hayun, nang makita ko nga ang mukha ni Ate Vi sa magazine at mga kuwaderno na binili ng mother ko para sa akin, nagandahan nga ako kay Ate Vi. Hay, naging Vilmanian tuloy ako bigla!
Noong magsimula akong maging writer, nag-attempt akong mainterbyu si Ate Vi. Pinuntahan ko siya sa praktis niya ng sayaw sa Broadway Centrum TV Complex para sa Vilma! show niya. Hindi ko siya nakilala, dahil wala siyang make-up, akala ko’y kung sino lang siyang bata na pinapanood si Maribeth Bitchara na itinuturo sa kanya ang sayaw. Nainip akong maghintay, hindi ko na itinuloy ang interbyu. Ang reporter na si Ruben Marasigan ang nagkaray sa akin para makalapit kay Ate Vi at mainterbyu siya sa recording studio d’yan sa Greenhills. Ang unang pagkakataon na ‘yon na nakatsikahan ko si Ate Vi, nasundan na ng napakaraming beses. From then on, hindi ko na lang mahal si Ate Vi bilang dating idolo, kundi mahal ko na rin siya, dahil alam kong bilang manunulat ay isa ako sa mga kilala niya na binibigyan niya ng panahon at pagpapahalaga.
Happy birthday, Ate Vi!
ChorBA!
by Melchor Bautista