PINANGARAP NAMAN talaga ni Piolo Pascual ang kasikatan na kanyang narating. Pero kahit siya mismo sa kanyang sarili ay hindi niya ine-expect na mararating niya ang init ng popularity na kanyang naranasan, lalo na nu’ng panahon ng loveteam nila ni Judy Ann Santos. Pero klaro para sa kanya na pagdating ng panahon, lilipas din ang kanyang kasikatan. Kaya nga sobra niyang minahal ang kanyang career at ipinagpasalamat ang nakuhang suwerte sa showbiz.
Tanggap ni Piolo na pana-panahon talaga ang kasikatan ng mga artista. Marami na siyang nakitang kasikatan sa showbiz na lumipas din. Alam niya noon ang kasikatan nina William Martinez at Gabby Concepcion. Nu’ng pumasok si Piolo sa That’s Entertainment ni German Moreno ay nasa kainitan ang popularity nina Sheryl Cruz at Romnick Sarmenta. Huli man dumating ang kasikatan ni Piolo ay nagtagal iyon at kinilala siyang mahusay na actor.
Nalulungkot lang si Piolo, dahil sa mga panahong ito ay parang ang dami-daming gusto siyang hilahin pababa. Nananahimik lang naman siya, pero ginagamit ang mga pangalang Coco Martin at Richard Yap para sabihing sila ang nagpabagsak sa kasikatan ng dating kapareha ni Juday. Mabuti na lang at nakatapak sa lupa ang mga paa nina Coco at Richard, dahil wala silang ilusyon na sila na nga ang nangunguna ngayon sa kasikatan.
MARAMI ANG masaya sa pagpapakasal nina Ai-Ai delas Alas kay Jed Salang, dahil matagal din namang inambisyon ng comedy concert queen na maikasal siya. Sinuwerte lang din kasi si Ai-Ai sa kanyang career dahil sa kanyang kasipagan, pero matagal din ang kanyang naging kalungkutan na sa pagtataguyod ng pagpapalaki sa kanyang mga anak ay wala talaga siyang katuwang para sabay nilang mapalaki ang mababait niyang mga anak.
Nagkaroon din naman si Ai-Ai ng mga lihim na pakikipagrelasyon dati. Kaya lang, hindi talaga mawala sa likod ng kanyang utak na parang sa mga pagkakataon na nagmamahal siya ay nagagamit lang naman siya ng mga lalaking nagkakaroon ng kaugnayan sa kanya. Ilang beses din siyang nakipagrelasyon sa mga sobrang bagets na kalalakihan, na ang ending lang pala ay ginagamit nga siya para mapansin, dahil gusto rin pala nilang umentra sa showbiz.
Dati-rati, pakiramdam ni Ai-Ai nu’ng wala pa si Jed ay naghahanap siya ng tunay na kaligayahan bukod sa kaligayahang naibibigay ng kanyang mababait na mga anak, dahil napakasaya nilang pamilya kahit walang kasamang tatay sa loob ng kani-lang tahanan. Mabait at mapakisamang tao sa showbiz ang sikat na komedyana, kaya kahit marami ang hindi nakakikilala nang lubos kay Jed ay walang may lakas ng loob na kumontra ngayon sa kaligayahan ni Ai-Ai.
ChorBA!
by Melchor Bautista