BLACK AND WHITE film pala ang Manila na iprinodyus mismo ni Piolo Pascual, at naipalabas kamakailan sa Cannes Film Festival na dinaluhan ng actor-producer kasama ang dalawa niyang direktor dito na sina Raya Martin at Adolf Alix. Limited theaters lang ang paglalabasan nito at kinorek ni Piolo ang pagbibiro niyang roadshow presentation ito. Shot in 16 mm, na-blow-up ito, at mahirap i-categorize na indie ito, or safer to say, it’s an independently produced film, pero Star Cinema raw ang madi-distribute nito.
Inamin ni Piolo na mahirap mag-produce. Pero, gusto niyang gumawa ng pelikulang pinaniniwalaan niya, at hindi ‘yung karaniwang napapanood sa kanya na tipong romantic-drama or comedy. Ginawa niya ang mag-produce at gumanap dito dahil gusto niyang mag-grow.
Nang gawin niya ang Manila, wala siyang na-experience na hindi maganda sa mga artista rito. Si Angelica Panganiban ay agad na pumayag sumali sa cast ng pelikula na hindi na tinanong pa kung magkano ang talent fee niya.
Enough na ‘yung iba rito’y mga kaibigan niyang willing lang tumulong at gusto ng exposure dahil naniniwala sila sa proyekto. Kinausap na lang ni Angelica ang handler niya na ibalato na ang offer ni Piolo.
Walang ibang hinahangad si Piolo kung hindi ang ma-recognize na isang magandang pelikula ang Manila. The moment he received an invitation from Cannes, nasabi niya sa kanyang sarili, more than enough recognition ‘yun. Kasalukuyang nasa Moscow Film Festival at nakikipag-compete ang pelikula, may walo pa itong imbitasyon para sa iba’t ibang filmfests abroad.
Pambalanse ni Piolo ang ganitong klaseng mga proyekto. Ninanais niya na minsan sa isang taon, makagawa siya ng ganitong klase. Ngayon, ipino-produce naman niya ang KimmyDora (Kambal sa Kiyeme) na maglulunsad kay Eugene Domingo sa solo stardom. Kasama pa sa cast si Dingdong Dantes.
Meanwhile, tuluy-tuloy si Piolo sa mainstream. Habang hinihintay ang pagbongga sa ere ng Lovers in Paris nila ni KC Concepcion sa ABS-CBN, mapapanood muna si Piolo sa Nasaan Ka, Maruja? bilang bahagi ng exciting twists and turns ng teleseryeng tinatampukan ni Kristine Hermosa.
NAGKAROON NG EMERGENCY meeting ang mga naiwang talents ng yumaong manager na si Douglas Quijano pagkatapos ng misa sa pasiyam nito given by Mother Lily Monteverde sa Century Imperial Palace noong Linggo ng gabi. Si Richard Gomez ang namuno rito.
Bago pa ‘yun, tinanong na namin si Joey Marquez kung anu-ano ang balak nila ngayong wala na si Tito Dougs. Magkakanya-kanya na ba sila? Hindi pa namin alam ang napagkasunduan ng grupo, but we have a feeling na bubuo sila ng organisasyon na maghahati-hati sa tasks para manatili silang iisang pamilya na may kinalaman pa rin sa isa’t isa pagdating sa career decisions.
Kung paano nila isasagawa ito, ‘yun ang hindi pa klaro. Kailangang may designated people na mapagkakatiwalaan nila para ayusin ang mga bagay-bagay na ito. Pero, ayon kay Joey, ang primary concern ng mga senior ay ang mga baguhang kinamatayan na ni Tito Dougs. Ang mga ito kasi ang nangangailangan ng tutok para makaalagwa ang career, at ayon kay Joey, silang mga senior na alaga ni Tito Dougs ang kailangang umako ng responsibilidad na ito.
All the more na naiiyak kami sa tindi ng unity ng mga naiwang alaga ni Tito Dougs. We can’t help but automatically extend help to them, hangga’t makakayanan namin, para sa suporta ng adhikain nilang inumpisahan ng kanilang dakilang manager.
Calm Ever
Archie de Calma