0923445xxxx – Kuya Raffy, nais ko pong isumbong sa inyo ang isang mobil car ng station 12 na mayroong plate no. SJA-702. Nangongotong po ang mga ito sa lahat ng plant store sa kahabaan ng White Plains sa Quezon City. Ang mga kawawang may-ari kahit na walang benta ay napipilitang magbigay dahil sa takot. Kung makahingi pa ang mga ito ay parang mayroong patago sa mga negosyante dito. Isa po akong concerned citizen na hindi na masikmura ang kanilang araw-araw na ginagawa. Makita ko pa lang ang mga ito ay parang mga halimaw na nakapaligid sa aming lugar. Tulungan naman po ninyo kami. Kayo na lamang po ang naiisip naming na magbibigay solusyon sa aming problema.
0923883xxxx – Boss Raffy, gusto ko pong ireklamo ang mga pulis dito sa Magallanes-Edsa MRT station bandang Alpha Land Building. Ang lahat po ng vendor sa lugar na ito ay kinokotongan nila. Ang bawat puwesto po ay obligadong magbigay ng halagang sampung piso araw-araw. At pati po ang aming mga paninda ay basta na lamang nila babawasan ng walang paalam. Ang Body No. po ay 203. Umaasa po kami na tutulungan ninyo kami para mawala na po ang mga salot na pulis na ito. Maraming, maraming salamat po.
0935797xxxx – Sir Raffy, gusto ko pong isumbong sa inyo ang sugalan dito sa Timog provincial bus stop. Marami po ang nalululong dito. Pati po mga kabataan ay nakikisali rito. Nagiging sanhi din po ito ng krimen katulad ng pagnanakaw para magkaroon ng perang pansugal. At ang pinakamatindi pa po rito ang mga pulis na inaasahan namin na manghuhuli sa mga pasugalang ito ay ang pasimuno sa mga ilegal na gawaing ito. Tulungan po ninyo kami na maipahatid ito sa kanilang pinuno dahil nakikinabang ang mga pulis na ito.
63949865xxxx – Mr. Tulfo, nais ko pong ipaalam sa inyo ang nangyayaring palakasan sa munisipyo ng Pasig City. Ang pagpoproseso ng business permit ay napakahirap lalo na kung wala kang kakilala sa loob ng munisipyo. Ang iba po kasi na mayroong kakilala sa loob ay hindi na kailangan pang dumaan sa tamang proseso. Ang iba po ay naglalagay para hindi na maabala pa. Kulang po ang buong araw sa assessment pa lang kaya kaming mga kawawang aplikante ng business permit ay kinakailangang isakripisyo ang buong araw. Sana naman po ay maging patas sila at sundin ang tamang proseso. Tulu-ngan po ninyo kami na maipahatid ito sa kanilang Mayor na si Bobby Eusebio.
0915832xxxx – Tol Raffy, nais ko pong ipaalam sa inyo ang mga asal ng istasyon ng pulis dito sa lugar ng Taytay, Rizal. ‘Di po ba dapat ang mga pulis na naka-duty rito ay mga naka-uniporme? Dito po sa amin, parang mga nasa bahay lang ang mga nagdu-duty ng gabi. Sila po ay mga naka-shorts, sando at gomang tsinelas ang sapin sa paa. Paano po rerespetuhin ang mga alagad ng batas na ito kung ang mga sarili lamang ay hindi maisaayos. Parang mga tambay lang po sa kanto ang mga ito. Sana po ay maipabisita at maipaalam sa kanilang pinuno ang mga ito para umasal nang tama.
ANG INYONG mga sumbong ay masosolusyunan at mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO 2-4 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes sa 92.3 News fm. At mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo mag-text sa 0917-7-WANTED o 0908-87-TULFO. Maaari ring magsadya sa aming Aksyon Center na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo