MINSAN NANG inilabas sa telebisyon ang isang pagawaan ng beef patty na ginagamit sa paghahanda ng hamburger. Sa pagawaang ito mula sa bansang China ay nakitang hinahaluan ng karton o ‘di kaya’y papel ang sangkap na ginagamit sa beef patty. Sadyang nakababahalang isipin na baka ang mga beef patty na ito ay nakararating din sa Pilipinas.
Kilala ang bansang China sa mga ganitong kalokohan dahil marami nang mga istorya ang inilabas na nagpapakita ng panloloko sa mga mamimili at pandaraya sa mga bagay na kanilang ginagawang paninda.
Kaya naman ang katagang “made in China” ay mayroong malalim na kahulugan lampas sa pangkaraniwang pag-unawa dito. Karaniwan kung sasabihing ang isang bagay ay “made in China”, ang ibig sabihin nito ay mura ngunit palsipikado o mahinang klase. Pumapasok din ang ideyang may kalakip na panlilinlang ang isang bagay na “made in China”.
Ngayon ay nahaharap na naman tayo sa isang pinaghihinalaang “made in China”. Ang pagkakatuklas sa isang uri ng bigas na kumakalat ngayon sa merkado ay nakababahala higit para sa ating kalusugan. Ang bigas na ito kasi ay may sangkap na gawa sa plastic. Kung pagmamasdan ang bigas na gawa sa plastic ay hindi ito naiiba sa itsura ng tunay na bigas.
Kung wala kang ideya sa pagkakaiba nito sa tunay na bigas ay baka maengganyo ka pa na bumili dahil sa kaputian at pagiging mukhang malinis at mamahalin nito. Sobrang mura rin nito kumpara sa regular na presyo ng mga tunay na bigas sa pamilihan.
ANG MALAKING katanungan ay saan nanggaling ito at papaanong nakapasok ito sa ating bansa? Wala namang ibang dapat sisihin sa kapabayaang ito kundi ang sangay ng pamahalaan na dinadaanan ng lahat ng mga inaangkat sa bansa.
Malamang na nagkabayaran na naman diyan at may nag-astang hudas na naman na nagkaluno sa ating mga kababayang mabibiktima nito. Walang puso ang mga nasa likod ng panlilinlang na ito at masasabing masahol pa sa mga mababangis na hayop ang panganib na dala nito sa mga inosenteng tao.
Dapat ay madaliin ng pamahalaan, partikular ng tanggapan ng NBI ang paghahanap at paghuli sa mga taong nasa likod ng panlolokong ito. Tiyak na marami pa ang maloloko at mabibiktima nito hangga’t hindi nahuhuli ang mga demonyong nasa likod nito.
Ang problema ngayon ay wala pa ring natutukoy na malinaw na pinagmumulan ng mga plastic na bigas. Madaling maloko ang mga mahihirap nating kababayan na handang magtiis sa nakasusukang lasa ng plastic na bigas, ngunit tiyak ang kapahamakan nila kung magkakataong makakain sila nito.
Ayon sa pagsasaliksik ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ay nakalalason sa katawan ng tao ang plastic na bigas na ito. Ang pagiging artipisyal nito ay sukdulan ang samang epekto hindi lang sa kalusugan ng tao kundi pati na rin sa ating kalikasan.
Hindi na siguro natin pagtatalunan ang kasamaang dulot nito bagkus ay ang isyu ng pagsupil dito ang mas nangangailangan ng pagtalakay.
NAKABABAHALANG MAY mga ganitong produktong pagkain ang nakapapasok na ngayon sa ating bansa. Hindi pa man din nasasawata ang mga produktong gawa sa China, gaya ng mga plastic na laruan, krayola, lapis, at ballpen na gamit sa eskuwela ng mga mag-aaral, na may sangkap na mercury at lead na nakalalason sa mga gagamit nito, mayroon na namang panibagong dagdag problema sa atin ngayon.
Tila napakaluwag ng tanggapan ng pamahalaang nangangasiwa sa importasyon at nagbabantay sa mga produktong pumapasok sa bansa. Siguradong gaya lang ng matagal nang problema sa mga tanggapang ito ay may kumikitang bulsa sa mga transakyon dito.
Kailan ba matatapos ang problemang ganito at tila parami pa nang parami ang mga ganitong produktong malayang nakapapasok at kumakalat sa ating mga pamilihang bayan. Baka sa susunod ay pekeng harina, asukal, at iba pang sangkap ng pagkain ang ipapasok sa atin.
Ang pinakanakababahala ay baka hindi natin alam na nalalason na pala ang marami nating kababayan sa mga pekeng produktong ito.
Ayaw man nating pagduduhan ang lahat ng mga produktong inaangkat galing sa bansang China, hindi maiwasan na maitanong natin kung ligtas pa ba ang mga ito?
Ang mga sari-saring delata na makikita sa mga maliliit na grocery stores na kadalasang naka-“sale”, dapat ay kumilos na ang pamahalaan at simulan nang isa-isahin ang pag-iinspeksyon sa mga produktong ito. Ang kaligtasan ng mga mamamayan ay dapat inuuna ng pamahalaan.
ANG PINAKAMADALI nating gawin para makatiyak ay huwag nang tangkilikin at iwasan ang pagbili ng mga produktong gawa at nagmula sa China. Ito ang pinakapraktikal at first line of defense natin laban sa mga pekeng produktong ito.
Marami namang sariling gawa at produkto ang ating mga kababayan na may kalidad. Ito na lamang ang ating tangkilikin at tiyak na ligtas ito. Makatutulong pa tayo sa ating mga kababayan kung ang mga sariling aning bigas natin ang bibilhin.
Ang mga kababayan natin ay kinabibilangan na rin ng mga Tsinong dito na sa Pilipinas nagmula at maituturing na ngang mas Pinoy pa sa iba nating kababayan.
Hindi sila ang ating kalaban at bagkus ay kakampi natin sila sa laban na ito, dahil sila ang mga lehitimong mangangalakal sa bansang nagbebenta ng mga ligtas na pagkain. Ang mga Filipino-Chinese traders at businessman ay kakampi natin sa laban na ito.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapapanood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, maaaring mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo