Plaza Miranda, Dekada ‘60

MAY WALONG taon na akong ‘di nakayayapak sa Plaza Miranda. Tuwing piyesta ng Señor Nazareno ko na lang nakikita ang plaza sa TV. Walang masyadong pinagbago. Kuta pa rin ng mga sidewalk vendors. Pagong na traffic. At istambayan ng kung sinu-sinong may raket  at walang mabuting magawa.

Nu’ng dekada ‘60, pagkatapos ko ng klase sa kolehiyo, istambay ako sa Plaza Miranda kasama ng ibang kaeskuwela. Inom ng tig-dalawang beer sa isang restoran ng Intsik, pagkatapos usyoso na sa mga pag-uusap, pagde-debate at pag-aaway ng kung sinu-sinong nilalang du’n.

Kalimitan, pinagtatalunan ay pulitika at relihiyon. Mainit. Mapusok. Ngunit kahanga-hangang walang napipikon para magsuntukan o magpatayan. Karamihan, mga parehong pilosopo ang nagtatalo. Kanya-kanyang pananaw at kayabangan. Kaya walang katapusan.

Kung mayroon ang London ng Hyde’s Park, ang Plaza Miranda ang Pinoy version. Nu’ng dekadang ‘yun, ‘pag may controversial issue, ang hamon ay, “can we defend this in Plaza Miranda?” Ang plaza ay pangunahing lugar ng free expression ng ating demokrasya.

Nu’ng dekadang ‘yun, pangunahing radio commentators ay sina Rafael Yabut, Bob Stewart, Damian Sotto at Sen. Francisco “Soc” Rodrigo. Halos umaga hanggang gabi, kanilang mga komentaryo ay kumukulo at pinakikinggan sa mga radyo. Paborito ring radio program ay ang hard-hitting “In This Corner” ni late Manila Mayor Arsenio H. Lacson. Mga binabasang pahayagan ay Manila Times, Manila Chronicle at Philippine Herald.

Ewan kung kelan muli ako mapapadpad sa Plaza Miranda. Sa Pasig City na kasi ako nakatira. Subalit panaka-naka kong naiisip ang mga alaalang ito. Alaalang humahaplos sa aking dibdib ‘pag ginugunita ko ang aking kabataan. Masaya. Adventurous. Daring. Reckless. At mapanganib. Ngunit ‘di ko na mababalikan.

SAMUT-SAMOT

 

TILA ‘DI pumatok ang Radio Inquirer, sister firm ng Philippine Daily Inquirer. Bilis ng turn-over ng announcers at broadcasters. Si Mon Tulfo lang ang pambato. Sa DZMM, ang tandem nina Anthony Taberna at Gerry Baja, Ted Failon at Korina Sanchez ay paborito ng majority ng manonood. Pa-ngalawa lang sina Mike Enriquez at Arnold Clavio ng DZBB. Ayon sa survey, radio pa rin ang most efficient at rapid media communications. Transistor sa ibabaw ng kalabaw sa kalayuang bukid ay ayos sa paghahatid ng balita. Mga pahayagan ay losing revenues. Dahil sa mahal, presyo at overtaken ng balita ng TV, radio at internet.

HABANG ANG poverty ratio ng Pilipino ay bumaba sa pagtatapos ng 2011, tumaas naman nang bahagya ang hunger rate sa parehong panahon, ayon sa SWS. Nabatid sa survey na ang nagsabi na wala silang makain ay tumaas mula sa 21.5% noong September 2011 hanggang 22.5 % nitong December. Lumabas sa survey na humirit ang matinding gutom sa lahat ng lugar maliban sa Metro Manila na bumagsak ng 1.3%  mula sa 5%. Sa Luzon, umakyat ito ng 2 pts. hanggang 6% na record high. Sa Visayas, tumaas ito ng halos 1% hanggang 3%. Sa Mindanao, tumaas ng 1.7 points hanggang 3.7%.

NAPAKAMASALIMUOT NA circumstances ang pagkamatay ni Rep. Iggy Arroyo sa sakit na cancer sa London hospital.  Habang isinusulat ito, nagka-kagulo pa si Grace Ibuna, common-law wife at Aleli Arroyo, legal wife sa last will and testament ni Iggy. Napakalunos na pangyayari. Hanggang sa kanyang kamatayan, ang kongresista ay naging kontrobersyal pa. Sana’y matagpuan ng kanyang kaluluwa ang katahimikan ng kabilang buhay.

SAMANTALA, IBINUNYAG ni Sen. Ping Lacson na nakapagtago ng $2-B si Iggy Arroyo sa Jose Pidal account. Napakalaking halaga nito. Kung totoo, saan nakuha ang halaga? Imbestigahan at parusahan ang magkakasala.

ANO KAYANG kalagayan ngayon ni dating Senador Juan Flavier? Nananabik sa kanya ang publiko. Matatandaan na ang senador ang nagtatag ng “Doctor to the Barrios Program” na nakutulong nang malaki sa dukhang maysakit sa lalawigan.  Sikat din sa kanyang wit at humor ang senador sa deliberasyon sa Senado. Nasaan na rin si dating Senador Jun Magsaysay? Balita, siya ay nag-retire sa kanyang farm sa Laguna. Siya ang nag-imbes-tiga sa Bolante case. Si dating Senador Vic Ziga, isang matalik kong kaibigan. Nilagay siya ni P-Noy bilang director ng PNOC. Kaisa-isang anak siya ni dating Senador Tecla Ziga ng Albay.

TULUYAN NANG naglaho sa bula si dating Senador Orly Mercado. Batikang mambabatas at radio-TV journalist. Siya ay naging Defense Secretary nu’ng panahon ni Pangulong Erap. Naglingkod sandali sa administrasyong GMA. Subalit tuloy pa rin ang kanyang “Kapwa Ko Mahal Ko” program. Mabait at matulungin na kaibigan.

MALAKING PAKINABANG sa bayan kung babalik pa sa paglilingkod si dating Budget Sec. Benjamin Diokno. Quality academician and economist. Nagkasama kami sa gabinete ni Erap.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleTarantadong LRA Administrator at Panganiban ng Pergalan
Next articleIniwan ng Asawang Nagpakasal sa Iba

No posts to display