AYON SA datos ng Office of the Court Administrator of the Supreme Court (OCASC), 90% ng mga kaso na isinasampa ng ating kapulisan sa mga korte ay nagreresulta sa pagkakabasura.
At 70% raw sa mga kasong ito ay drug-related. Hindi naman kinontra ng PNP ang nakababahalang datos na ito. Bagkus, magsasagawa ng malawakang imbestigasyon ang pamunuan ng ating kapulisan upang alamin kung saan ang naging problema.
Nangako rin ang PNP na magpapataw ng mabibigat na parusa – tulad ng pagkakasibak sa serbisyo – sa mga pulis na mapatunayang naging pabaya sa kanilang tungkulin dahilan upang mabalewala ang pinagpaguran ng PNP at ma-dismiss ang mga kasong isinampa nila sa korte.
Ito ay ayon na rin sa pahayag ni Police Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac, ang PNP Spokesperson, nang makapanayam ko siya sa Wanted Sa Radyo noong Martes.
HINDI KO pa man nakikita ang report ng OCASC, mahuhulaan ko na ang karamihan sa dahilan dito ay sapagkat hindi dumadalo sa mga hearing ang mga operatiba na umaresto sa mga suspek.
At ang kadalasang dahilan kung bakit wala nang ganang um-attend sa mga hearing ang mga operatibang ito ay sapagkat nabayaran na sila ng mga pusher na kanilang inaresto.
Ngunit sa maraming pagkakataon, biktima lamang ng hulidap ang mga inaresto nilang suspek. Ibig sabihin, alam nilang hindi naman talaga tulak ng droga ang kanilang mga inaresto pero may kakayanang sumuka ng pera kaya ipina-inquest pa rin nila.
Matapos makapagbenta ng mga ari-arian at makapangutang sa mga kamag-anakan ang kanilang mga biktima, at makapagbigay ng perang hinihingi nila, dapat lang na hindi na sisipot ang mga pulis na ito sa mga hearing hanggang sa tuluyan nang ibabasura ng korte ang kaso dahil sa kawalan ng gana sa parte ng mga nag-aakusa.
Mahuhulaan ko rin na may ilang mga pagkakataon na bagama’t desidido ang mga operatiba na hindi ibangketa ang kaso at um-attend sa hearing ng talagang pusher na naaresto nila, pero dahil may umarbor dito sa kanilang hepe – o mas mataas pa sa kanilang hepe, sila ay napag-uutusan na huwag nang magpakita sa mga court hearing.
Ang madalas pa ngang nangyayari ay pinadedestino ni hepe – o hepe ni hepe – ang mga testigong operatiba sa malalayong probinsya – na payag naman ang mga ito sapagkat mas magandang puwesto ang nag-aantay sa kanila roon. May magandang dahilan na ang mga testigong operatibang ito para hindi na makapag-attend ng hearing.
ANG 20% naman na mga kasong nababasura at hindi drug-related ay mahuhulaan ko rin. Ito ay ang mga kasong isinampa ng mga abusadong pulis laban sa ating mga maliliit na mamamayan na ang tanging kasalanan ay sapagkat sila’y mahihirap lamang at walang mga pinag-aralan.
At naging posible rin ang kanilang pagkakakulong dahil maraming mga pulpol na inquest fiscal – singko lima kung tutuusin – na kinukunsinti ang katiwalian ng ilang mga pulis. Dito, marami akong karanasan at hindi ko na mabilang.
Isang magandang halimbawa na lang ay ang kaso ng isang pobreng security guard na tinulungan kong makapagpiyansa gamit ang sarili kong pera kamakailan lang matapos ipakulong ng mga gagong pulis dahil sa kasong direct assault.
Pinigilan ng nasabing security guard ang isang pulis na nakasibilyan na pilit na pumapasok dala ang kanyang sasakyan sa isang subdibisyon na walang dalang driver’s license o I.D. para iiwan sana sa security outpost.
Dahil nga sa policy na “No I.D. No Entry” ng nasabing subdibisyon, nanindigan ang SG na huwag papasukin ang pulis sa kabila ng pagpapakilala nito na siya ay miyembro ng PNP. Walang nagawa ang abusadong pulis kundi ang umalis.
Pero pagbalik niya, may kasama na siyang dalawa pang kabaro niyang pulis na pawang mga armado rin. Walang sabi-sabi, agad nilang inaresto ang SG at kinasuhan ng direct assault.
SA INQUEST proceeding, kinatigan ng piskal ang alegasyon ng tatlong pulis. Kung tutuusin, ang tatlong armadong pulis ang lumusob – na mas kilala sa tawag na resbak – sa SG sa kanyang outpost dahil nga hindi napagbigyan ang kayabangan ng isa sa kanila.
Pero gayunpaman, naniwala ang piskal sa baluktot na alegasyon na ang nanahimik at nag-iisang SG ang nanlusob sa tatlong armadong pulis kaya ito inaresto. Dahil doon, inutusan ng piskal ang SG na makulong sa city jail habang hinihintay ang paglilitis sa kanyang kaso. Agad ko namang pinyansahan ang pobreng SG para makapagsampa ng kaso laban sa tatlong barumbadong pulis pati na sa bobong piskal.
Alam ko ang nasa isip ninyo at sumasang-ayon ako. Oo, talagang bukod sa bobo, gago rin ang nasabing piskal tulad ng tatlong pulis na kanyang pinaniwalaan.
Pero sinisiguro ko sa inyo, tulad sa iba pang mga kaso na nabasura base sa datos ng OCASC, ang SG ay maaabsuwelto dahil una, mas matalino naman ang judge na hahawak sa kaso ng SG kaysa sa piskal. At pangalawa, walang perang panggastos ang tatlong abusadong gusgusing pulis para bumili ng husgado upang mapanindigan lamang ang kanilang kapritso.
ISA PA ring magandang halimbawa ay ang kaso ng dalawang army reservist na napagdiskitahan ng mga pulis ng Cainta, Rizal nitong nakaraang February 16, Linggo.
Katatapos lang ng kanilang annual active duty training sa Camp Aguinaldo sina Private First Class Danny Riveral at Philip Gofredo.
Nang papauwi na sa Cainta, napag-isipan nilang magmiryenda sa isang karinderya roon. Habang kumakain, sinita sila nina PO2 Cesario Pulbosa at PO1 Nazer Hussam kung sila ba ay mga miyembro ng militar dahil sa suot nilang unipormeng pang-sundalo.
Ipinaliwanag ng dalawang reservist na kagagaling lamang nila ng training at nagpakita pa ang mga ito ng kaukulang I.D. Ngunit ayaw maniwala ng dalawang pulis.
Ipinakiusap din ng dalawang reservist sa mga pulis ang kanilang training commander ngunit hindi pa rin nakuntento sina PO1 at PO2 dahil ang gusto nila ay pumunta sa kanilang presinto ang nasabing commander – na may ranggong Brigadier General, upang personal na humarap sa kanila at makiusap.
Nang hindi nangyari, agad nilang ipina-inquest ang dalawang reservist sa kasong usurpation of authority. Sinisiguro ko sa inyo na ang kaso ng dalawang reservist ay mapapasama sa sinasabi ng OCASC na mga kasong isinasampa ng mga pulis na nababasura lamang.
Shooting Range
Raffy Tulfo