PO1 Bokingkito ng Cavite at Sampulan si Panganiban

INIREKLAMO NI Violeta Barrera ng Imus, Cavite ang isang ba-gets na babaeng pulis na si P01 Cheryll Bokingkito dahil sa sobrang pame-mersonal ng nasabing pulis. Narito ang pangyayari:

Hatinggabi noong Lunes (Abril 2) ay lumusob ang policewoman na si Bokingkito, kasama ang dalawang mobile patrol ng Imus, Cavite at kinalampag, pinalalabas at pinerhuwisyo si Barrera na may-ari ng isang maliit na tindahan.

Ang nasabing pangyayari na nasaksihan ng mga taga-Imus ay nagmistulang isang malaking “raid” o police operation laban sa isang malaking sindikato.

Nang ating alamin kung ano ang naganap na paglabag, nagtinda raw si Barrera ng alak sa tatlong driver gayong wala naman umano itong lisensya para magpainom!

Susmaryosep, hindi ba’t trabaho ng Licensing Office ng munisipyo ng Imus ang pag-check sa lisensya ng mga tindahan?

At kinakailangan bang sa hatinggabi kakalampagin ng mga pulis kung sakali mang nagkaroon nga ng paglabag ang isang maliit na tindahan?

Sa pangyayaring ito, parekoy, ay mababanaag natin kung paano gamitin ng bagitong pulis na si Bokingkito ang kanyang alindog este trabaho para mabitbit sa dis-oras ng gabi ang dalawang mobile patrol para mang-abuso ng kapwa!

Nauna rito, ayon sa reklamo, ang maliit na tindahan ni Barrera ay nauna nang pinersonal ni Bokingkito noong mga nakaraang buwan dahil maliban sa mga sitsiryang paninda ay nagtitinda pa umano ito ng mga “lutong ulam”.

Bitbit ng nasabing pulis ang taga-Licensing Office ng munisipyo ng Imus, pinagbayad si Barrera ng halos P12,000.00 para maipagpatuloy lang nito ang kanyang maliit na tindahan.

Ang simula, parekoy, ng pamemersonal ni Bokingkito, ayon kay Barrera ay nag-ugat dahil ang gusto umano ng nasabing pulis ay pagsilbihan siya noon na parang reyna!

Si Bokingkito na nakatira/ umu-upa sa mismong itaas ng nabanggit na tindahan (inuupahan) ni Barrera ay nagsimulang mamersonal dahil hindi umano napaglingkuran nang maayos ni Barrera.

Ang masakit, parekoy, matapos bayaran ni Barrera ang napakalaking halaga ng lisensya para sa kanyang kapiranggot na tindahan ay kinukunsinti naman ng nasabing pulis at kasabwat nitong taga-munisipyo ang “malaking tindahan” sa harapan lamang ng tindahan ni Barrera.

Ang katwiran ni Bokingkito, kung bakit hindi man lang niya inuurirat ang lisensya ng kaharap na tindahan, ay dahil “mabait” daw ito sa kanya!

Cavite PNP Provincial Director S/Supt. John Bulalacao, paki-limiin mong mabuti itong pangangatwiran ng iyong pulis kung tama ba!

Kapag hinayaan ang ganitong asal, Sir, tiyak na wawasakin nito ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis.

Higit sa lahat, maliwanag Col. Bulalacao na itong si PO1 Cheryll Bokingkito ang magsisilbing kalawang na lalamon sa integridad ng Cavite PNP!

PATULOY ANG operasyon o pamamayagpag ng isang Baby Panganiban sa mga pergalan sa buong Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon).

Ang bawat pergalan ay iniikutan nitong si Panganiban para kumuha ng “weekly collection” na para diumano kalampagin ang nasabing iligal na mga sugal sa bawat pergalan.

Hindi lang natin matiyak, parekoy, kung may mga tumatanggap nga ng lingguhang parating ni Baby Panganiban.

Pero halos tiyak na natin na marami ang nabubukulan ng hinayupak na si Baby Panganiban!!!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articlePinoy-Ipinakain Sa Pating!
Next articleInvitation From A Lady

No posts to display