POEA: Hoy, Magtrabaho Kayo!

NAG-A-APPLY PO akong DH sa Saudi. Ngunit hinihingan ako ng P85,000.00 na placement fee ng aking agency. Nabanggit n’yo po sa akin na hindi legal ang sinisingil na ito sa akin kaya ipinayo n’yo na magtungo ako sa POEA para magreklamo. Ngayon po ay POEA naman ang irereklamo ko.

Isang araw, nagpunta ako sa POEA para idulog ang problema ko. Dumating po ako sa legal department nang maaga. Nadatnan ko roon na nakaupo ang isang lalaki na ang pangalan ay ___________. Alas onse y media pa lang noon. Pero sinabihan ako ng lalaki na magbalik bandang ala una y media. Nagbalik naman ako sa oras pero nadatnan ko siya roon na nakaupo at nagbabasa ng magazine. Tiningnan ko siya pero umiiwas siya ng tingin. Biglang nawala ang napraktis kong sasabihin dahil kinabahan ako sa pagsimangot niya. Mag-aalas-dos na nang nagkalakas ako ng loob na abalahin siya sa pagbabasa ng magazine at sinabi ang pakay ko. Bigla n’ya akong sinabihan na: “Alam mo bang bawal ang placement fee sa DH sa lahat ng bansa?” At muli siyang nagbasa ng magazine. Dagli po akong umalis at walang nangyari sa lakad ko. Ganito po ba ang kanilang trato sa mga OFW? — Shane ng Kalookan City

 

HINDI LANG ikaw ang nagreklamo ng ganyan tungkol sa POEA. Siguro’y panahon na para magising ang mga opisyales ng POEA tungkol sa mga pinaggagagawa ng kanilang mga tauhan diyan. Sapat na marahil ang panahong naibigay sa bagong administrator nito na si Hans Cacdac para lutasin na ang paulit-ulit na reklamong ito. Ang ganyang mga bastos at tamad na tauhan ay hindi lang lumalabag sa batas na administratibo. Kasong kriminal ang hinaharap nila alinsunod sa code of ethics ng mga opisyales ng pamahalaan.

LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

Previous articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 105 August 20 – 21, 2012 Out Now!
Next articleFashion Show

No posts to display