ISANG MAGANDANG balita na naman ang aming hatid sa araw na ito. Tatalakayin natin ang pag-papa-enrol sa PhilHealth sa pamamagitan ng Point of Care o POC.
Katulad ng ibang mekanismo sa pagpaparehistro, ang POC enrollment ay naglalayong matulungan ang ating mga kababayan, miyembro man o hindi, na makagamit ng benepisyong PhilHealth sa oras na ito ay kanilang gagamitin. Ito ay tinawag na point-of-care sapagka’t nagaganap ang enrollment habang naka-confine o bago ma-discharge ang pasyente sa piling pampublikong ospital na nagpapatupad na ng POC enrollment. Mahalaga ang papel ng mga ospital sa programang ito sapagka’t sila ang mag-e-evaluate sa mga pasyente kung ang miyembro ay qualified sa POC o hindi. Ang polisiyang ito ay nakapaloob sa PhilHealth Circular No. 32,s. 2013.
Alinsunod din ito sa layunin ng Universal Health Care (UHC) o Kalusugang Pangkalahatan (KP) na naglalayong maseguro na ang lahat ng Pilipino ay may segurong pangkalusugan lalo na sa mga kapus-palad nating kababayan.
Paano mag-enrol sa POC? Kung ang pasyente ay hindi nakapagbayad ng prima, walang sapat na hulog, o hindi pa nakapagpaparehistro bilang miyembro, ang POC ay bukas para mabigyan siya ng kaseguruhan sa kalusugan. Kung ma-assess ng Medical Social Worker ng ospital na ang pasyente ay hindi pa PhilHealth member; PhilHealth member na nguni’t walang sapat na hulog; o kabilang sa Class C3 o D na kategorya, agad itong iparerehistro upang magkamit ng benepisyong medikal.
Ang prima na babayaran ng ospital ay nagkakahalaga ng P2,400.00 para sa isang taon pagkatapos maisumite sa PhilHealth ang mga kinakailangang dokumento. Ang coverage nito ay mula sa unang araw ng confinement hanggang sa huling araw ng parehong taon ng enrollment. Sila ay tinatawag na hospital-sponsored members o HSMs.
Sa usapang benepisyo, hatid ng PhilHealth ang agarang availment para sa lahat ng HSMs para sa lahat ng uri ng karamdamang sagot nito. Ibig sabihin, magagamit agad nila ang benepisyo mula sa PhilHealth bago sila ma-discharge sa ospital. Dagdag pa rito, maaari nilang pakinabangan din ang No Balance Billing policy ng PhilHealth na ang ibig sabihin ay wala na silang babayaran pa lagpas sa halagang sagot ng PhilHealth.
Ang ilang outpatient services katulad ng cataract extraction, hemodialysis at iba pa ay hindi pa maaaring makamit, ngunit kung sila ay mapapabilang na sa mga HSMs, maaari na nilang magamit ang kanilang pagiging PhilHealth member para sa mga susunod na availment ng outpatient services na nabanggit.
Gayundin, sa pagproseso naman ng claims ng mga HSMs, binibigyan ang PhilHealth ng 30 days para matapos ang proseso nito. Hindi ito maaaring ibalik kung ang isyu ay membership at eligibility. Nguni’t katulad ng iba pang regular claims, ito ay ipoproseso gamit ang prosesong kasalukuyang ginagamit ng PhilHealth at puwede pa ring ma-deny o ibalik ito sa ospital kung may usapin tungkol sa accreditation at iba pang isyung may kinalaman sa pagkamit ng benepisyong medikal.
Tungkulin din ng PhilHealth na bigyan ng talaan ng HSMs ang DSWD para sa patuloy na coverage ng mga ito.
Sa ngayon, mahigit 200 nang mga pampublikong ospital (DOH-retained at LGUs) sa buong bansa ang nagpapatupad ng programang ito. Upang makatiyak, magtanong lamang sa ospital tungkol dito bago magpa-confine.
Paala muli, hindi lamang ang kontribusyon ang isasaalang-alang ng miyembro upang matiyak ang pagkamit ng mga benepisyo, kundi dapat din tiyakin na ang pasilidad na pupuntahan at ang doktor na titingin at gagamot ay accredited ng PhilHealth.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas