NAKATAKDANG MAKIPAGKITA, ALAS-KUWATRO nang hapon, si Pokwang kay MTRCB Chairman Consoliza Laguardia para magpaliwanag tungkol sa diumano’y ginawa niyang hindi paggalang sa watawat ng Pilipinas.
Magbibigay-respeto sa MTRCB ang magaling na komedyana kasama ang executive producer ng Wowowee na si Phoebe Anievas at ang kanyang designer sa programa na si Tonette Nazareno.
Kung matatandaan, nu’ng nakaraang Independence Day, ginampanan ni Pokwang ang papel ni Nanay Dionesia Pacquiao. Ang ikot ng kanyang spiel ay siya bilang ina ni Pacman ang nagturo ditong magboksing kaya nagsuot siya ng boxing gloves. Ang isinuot niyang gloves ay may watawat ng Pilipinas. Walang intensiyong masama si Pokwang sa kanyang ginawa, pero maraming reklamong umalsa nang dahil du’n.
Pati ang Malacañang, nakisahog na sa isyu. Kailangan daw humingi ng paumanhin si Pokwang sa kanyang ginawa. Tinawagan din ng Palasyo ang MTRCB para imbestigahan ang ginawa ni Pokwang.
Nu’ng nakaraang Biyernes, humingi na ng paumanhin si Pokwang sa himpapawid. Katabi niya si Willie Revillame sa kanyang pagso-sorry sa nangyari. Sinabi ng host ng Wowowee na nabili lang ni Pokwang ang boxing gloves kaya dapat ding bigyan ng pagpansin ang mga nagbebenta nu’n para wala nang ganu’ng produktong ibinebenta sa merkado.
Personal naming nakausap ang komedyana sa Araneta Coliseum nu’ng Sabado nang gabi sa Wowowee Olympics. Aminado siya sa kanyang pagkakamali, pero nandu’n ang kanyang pagdidiin na kahit katiting ay wala siyang intensiyong bastusin ang watawat ng ating bayan.
“Ayoko ring sisihin ang designer ko, pareho kaming nagdesisyong isuot ko ang boxing gloves dahil nga sa gagawin kong impersonation kay Nanay Dionesia.
“Sa ginawa kong comedy skit, sinasabi ko bilang si Nanay Dionesia na ako ang nagturong magboksing kay Manny. Pasuntok-suntok ako sa hangin, boxer na boxer ang dating ko.
“Pero God knows, nu’ng gawin ko ‘yun at nu’ng isuot ko ang boxing gloves, walang-wala sa isip ko ang bastusin ang Philippine flag. Pilipino ako, hindi ko gagawin ‘yun sa bandila natin.
“Pagpapasaya lang ang nasa utak ko, gusto ko lang mapaligaya ang mga televiewers, gusto ko lang gayahin si Nanay Dionesia na gustong-gusto ng mga kababayan natin.
“Pero dahil tumawag ang MTRCB sa EP namin, nag-apologize agad ako sa ere nu’ng malaman ko ‘yun. Mula sa puso ang panghihingi ko ng sorry, kahit pa sa puso ko, wala akong intensiyong bastusin ang bandera ng natin.
“Hinding-hindi ko magagawa at gagawin ang ganu’n. Mula nu’ng nasa elementary pa lang ako, alam ko nang sacred ang watawat natin, kaya bakit ko naman gagawin ‘yun nang intentional?
“Ang pagkakamali ko lang, napakainosente ko, hindi ko alam na meron palang ibubungang hindi maganda ang pagsusuot ko ng boxing gloves na may watawat natin.
“Hindi ako nahihiyang aminin ang kainosentihan ko, lalong hindi ako nahihiyang tanggapin ang pagkakamali ko. Paninindigan ko ang ginawa ko, wala akong kailangang ipaghugas-kamay,” sinserong pahayag ni Pokwang.
PAGKATAPOS NI MARTIN Nievera na kinalampag noon dahil sa pagkanta nito sa pambansang awit ng Pilipinas sa mas mabilis na tiyempo, si Pokwang naman ang pinagkakaabalahan ngayon ng mga pulitiko.
May mga nakikisakay na sa nangyari, kani-kaniyang opinyon na ang mga ito. Nakalulungkot lang isipin na sumentro na naman sila sa isyu ni Pokwang. Nakalilimutan na tuloy nila ang kanilang mga nasasakupan na napakaraming hinaing at reklamo tungkol sa kanilang serbisyo.
E, bakit nga naman? Napakasarap yatang pakiangkasan ang bangka ng showbiz. Walang kahirap-hirap silang nahe-headline sa mga pahayagan, nagkakaroon sila ng libreng publisidad na kailangang-kailangan nila sa pagpapapogi.
Hay, naku!
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin