BAWAL PALANG MAPAGOD si Pokwang. Anim na pamangkin kasi ang kanyang pinag-aaral para makatulong sa mga kapatid niya na nangangailangan ng suporta. “Nag-promise kasi ako sa Nanay ko na bago siya mawala sa mundong ito, makita niyang maayos kaming magkakapatid. Nakita ko kasi, ako lang ang puwedeng makapagbigay… kung ano ‘yung hindi naibigay ng magulang ko sa amin kaya hindi ako puwedeng mapagod,” say ni Pokwang na napaiyak nang sandaling ‘yun sa kanyang Thanksgiving party para sa movie press.
Last Christmas, niregaluhan ni Pokwang ng set of diamond ring at earrings ang kanyang Mother Dear. “Noong araw kasi, kukuha ang Nanay ko ng alambre sa sampayan at gagawin niyang singsing, nakakaloka, ‘di ba? Naipangako ko sa sarili kapag gumanda ang takbo ng buhay namin, ibibili ko siya ng tunay na singsing at hikaw, nagkatotoo nga! Nakalagay sa isang maliit na box ‘yung Christmas gift ko sa kanya, inilagay ko sa isang kahon na maraming diyaryo. Nang buksan niya nagkakandaiyak sa tuwa pero naka-ready na ‘yung pang-BP niya kasi, high blood ‘yung Nanay ko. Kapag sobrang tuwa or sobrang lungkot, tumataas ‘yung blood pressure niya,” kuwento pa niya.
Marami na ngang naipundar si Pokwang, nakabili ng lupa’t bahay para sa pamilya, mga lupain sa probinsiya at may sarili nang negosyo. Bukod sa pamilya, patuloy pa rin ang pagsuporta niya sa mga charity works kaya patuloy ang blessing na dumarating sa magaling na comedienne.
“Oo nga’t regular akong napapanood sa Wowowee at Banana Split pero I’m sure nami-miss na rin ninyo ako bilang Pokwang na umaakting nang bonggang-bongga sa comedy. Dito sa Your Song Presents: Feb-ibig, kikiligin kayo sa mga nakatatawang eksena namin ni Jason Abalos. First time akong nagkaroon ng romantic comedy na series. Nabigyan ko naman ng justice ‘yung mga kilig-kilig factor scenes namin ni Jason. Sobrang bilis magtrabaho ni Direk Joey Reyes. ‘Yung bagong upuan na binili ko, hindi ko halos maupuan dahil mabilis ang bawa’t eksenang kinukunan sa amin ni Direk. Halos walang time para makaupo ka, pero okey lang. Kailangang maging happy ka sa ginagawa mo pati nasa paligid mo, napakaliit lang ng industriya.”
Baliw pa rin ba sa pag-ibig si Pokwang? “Hindi na ako ‘yung dati na luka-lukahan. Ngayon natuto na ako. Dati kasi, sige lang ako nang sige. Ngayon natutunan ko nang mahalin ang sarili ko at saka, open na ako for forgiveness. Hindi na ako nagtatanim ng sama ng loob sa kapwa ko. Magaan ang pakiramdam kapag na-release mo na ‘yun. ”
Foreigner pa rin ba ang gusto mong mapangasawa? “Oo, ‘yun ang pangarap ko, foreigner na lang kasi, hindi ako suwerte sa Pinoy. This time, foreigner ang gusto kong I-try, ‘yung may blue eyes naman. Japanese na ‘yung Tatay ng anak ko, may mga nanligaw sa aking Pilipino, wala lang. Nangangarap din naman akong makatagpo ng lalaking tunay na magmamahal sa akin at sa anak ko. Hindi natin alam kung kailan darating si Mr. Right, pero kung sakali ngang dumating siya, kailangang respetuhin niya ang anak kong babae,” turan ni Pokwang.
Inamin ni Pokwang na kailanman ay hindi puwedeng sukatin ang kanyang puso ng pera o kasikatan. “Never kong mas pinahalagahan ang kayamanan o katanyagan over sa pagmamahal. It’s true, kailangan sigurong protektahan mo ‘yun pero hindi aabot sa point na makalilimutan mong umibig at magmahal,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield