ISTARIRAY TALAGA SI Pokwang pagdating sa outfit na ginagamit niya sa Wowowee. Totoong gumagastos ang magaling na comedianne (damit, sapatos, make-up at personal stylist) para maging effective sa viewing public ang pagiging komedyante niya kahit maliit lang ang talent fee na natatanggap niya sa show ni Willie Revillame.
Kahit almost a million ang nagastos ni Pokwang in the past 2 years sa kanyang mga costumes, walang panghihinayang ito. Taos-puso ang pasasalamat niya, malaki kasi ang naitulong ng noontime show sa kanyang showbiz career. Nagkaroon siya ng product endorsements, shows here and abroad.
“Kahit maliit lang ang TF, okey lang! Araw-araw ka namang napapanood sa buong mundo. Iba ‘yung exposure, napapansin ka ng mga advertisers at mga producer sa ibang bansa. This coming June, sa Milan at Rome ako magsi-show sa mga TFC natin du’n. Then sa July, nasa London at Italy naman kami.
“This year kailangan kong magtipid, magpapatayo pa ako ng isang bahay. This year 2010, pulos young designers na mahuhusay na hindi nai-expose ‘yung trabaho nila ang magbibihis sa akin. Nakatutulong pa ako sa mga baguhan, nagkakatulugan kami. Pati sapatos ko sponsor na rin, ginagawan nila ako just for the show with different design,” masayang tsika ni Pokie sa pocket presscon sa Mang Inasal, West Avenue para sa show niyang “Okey Ka, Pokie Ko” on April 30 sa Metro Bar with Laarni Lozada, Bugoy Drillon plus Luningning, Milagring at Mariposa.
Masaya ring ikinuwento ni Pokwang ang bagong mhin sa buhay niya ngayon na si Ryan Navarro, 29 years old, American-Mexican. Ang pagiging exotic beauty at pagiging komedyante ang naka-attract sa guwapong foreigner. Nakilala niya ito habang nagpe-perform siya sa Dallas, Texas, US.
“Sabi ko, ang guwapo nu’ng pulis bigla siyang tumawa na akala mo naiintindihan niya ‘yung sinabi ko. Kinausap niya ‘yung mga producer ko sa show na para bang nag-iimbistiga tungkol sa akin. Tanong niya, ‘How famous she is in Manila? Siyempre, itong mga producers namin eching-eching nila. Nang humingi siya ng autograph sa akin, pinahabol niya ‘yung phone number niya. Kinabukasan, wala naman kaming gagawin, sinubukan kong tawagan… ‘yun na! Binigay ko ‘yung number kung sino ang tatawagan niya. Nasa point pa lang kami ng kumustahan…” excited na kuwento ni Pokwang na may kilig factor.
Sa tono ng pananalita ni Pokwang, halata mong type niya si Ryan na maging dyowa. “Diyos ko naman, sino ba naman ang hindi magkaka-type d’yan? Ang guwapo-guwapo, pero mahiyain na parang Gerald Anderson. Pero pang Kim Chiu lang si Gerald. Ha-ha-ha!”
Ayon kay Pokie, may plano pala si Ryan na bisitahin siya this coming August for her birthday concert. “Hindi pa siya nakararating dito sa Pilipinas, nagbabasa na nga si Ryan ng mga bagay-bagay tungkol sa Filipino. Nu’ng huli kaming nagkausap, interesado siyang makarating sa Corregidor. Ako, nagbabasa na rin ako ng tungkol sa Dallas, Texas kung anong pag-uugali mayroon sila.”
Naging open sina Pokie at Ryan sa isa’t isa, hindi itinago ang katayuan nila sa buhay. Hindi naging hadlang ang pagkakaroon niya ng anak sa pagkadalaga para magustuhan siya nito. Inamin ni Ryan sa kanya may dalawang siyang anak at divorce sa una niyang asawa. Destiny, ‘ika nga, para pagtagpuin sila ng kapalaran.
Nami-miss mo ba ang sex? Pabirong tanong namin. “Huwag tayong magplastikan, talagang nami-miss ko ‘yan. Ang tanong, sino ang magbibigay? Matagal na ‘yung churva ko, ano ba kayo? Sarado na ‘yata ito, hinihintay ko na lang si Ryan ang kakatok! Ha-ha-ha!” Natawa rin kaming bigla sa tinuran ni Pokwang.
Sa edad ngayon ni Pokie, puwede pa kaya siyang magkaanak? “Oo naman, puwede pa akong magkaanak, baka anim pa. Ha-ha-ha! Taon-taon kung sakaling magkatuluyan kami! Star Magic agad ang magiging anak namin, magandang lahi ‘yan, ‘di ba?”
Reaction ng anak mo tungkol sa inyo ni Ryan? “Deadma lang ‘yung anak ko. Dati kasi may nanligaw sa aking Canadian, galit na galit siya, pero ito nu’ng nakita niya ‘yung picture wala siyang sinabi, deadma lang! Guwapo rin ‘yung Canadian pero hindi kasing guwapo nitong si Ryan.”
Kung sakaling dumating sa point na yayain ka ni Ryan na mag-live-in kayo at manirahan sa Dallas, Texas, okey lang? “Ayaw ko, baka gayahin ako ng anak ko, hindi na bagay sa edad ko. As much as possible, magsasama kami kapag may basbas para maging good example ako sa anak ko. Kung makikita kong sincere siya at mamahalin niya kaming mag-ina then… “
Kung sakaling magkatuluyan na nga sina Pokie at Ryan, willing kayang iwanan niya ang showbiz at permanent na manirahan sa US? “Hindi siguro, iiwanan ko lang ang Pilipinas, ang showbiz, kapag nararamdaman kong ayaw na sa akin ng showbiz. As long na nand’yan sila, kailangan nila ako, hindi ko iiwanan ang propesyong ito,” seryosong pahayag ng Comedy Princess na si Pokwang.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield