KAHIT HINDI natuloy si Richard Yap maging leadingman ni Pokwang sa pelikulang Wang Fam, mas nakaigi nga dahil mas bagay at may chemistry ang tandem nina Powkie at Benjie Paras. Gamay na nila ang isa’t isa, mag-asawa ang papel na kanilang ginampanan sa teleseryeng Nathaniel ng Kapamilya network.
October 16 nang umalis ng Pinas ang boyfriend ni Powkie si Mr. Lee na actor Din sa US. Ayon sa kanya, next month ang balik nito para sa Premiere night ng pelikula na dinirek ni Wenn V. Deramas. Natuto na raw itong magsalita ng tagalog. Puro gay lingo nga ang natutunan nito. Pero pursigido naman daw itong matuto.
Super happy ngayon si Powkie, bonggacious ang kanyang showbiz career pati na rin ang lovelife. Natagpuan na raw niya ang lalaking tunay na magmamahal sa kanilang mag-ina. Oo nga’t mahirap ang long distance love affair, pero napag-usapan na raw nila ang magiging takbo ng kanilang relasyon.
Siyempre, nalulungkot si Pokwang nang umalis ang kanyang dyowa back to US. Buti na lang maraming siyang trabaho kaya inaaliw na lang nito ang sarili. Mahirap din ang long distance relationship. “Maraming ganap kaya naaaliw ako. Nawawala ‘yung lungkot sa pag-alis niya. Ngayon lang kami nagkahiwalay nang ganito. One month siyang nagbakasyon dito sa Pilipinas. “Lungkut-lungkutan…’yun,” tsika ng comedienne.
Ready na si Pokwang na magka-baby kahit hindi pa sila kasal ng international actor. May engagement ring na ngang suot-suot si Powkie nang ma-interbyu namin ito. Pabirong sabi niya, “Katutubos ko lang nito. Kahit ano ang mauna sa dalawa, basta makasal lang, happy ako. Napag-uusapan ang kasal, pero siyempre walang pressure. Kahit kailan, basta ang importante pinagsama kaming dalawa, alam mo ‘yun.”
Ikinuwento ni Powkie na sa pagbabalik ng boyfriend sa Pinas, pormal na siyang ipakikilala sa parents ng actor. January ang dating ng parents ni Mr. Lee dito sa Pinas, mauuna lang siya para samahan si Pokwang sa premiere night ng pelikula. Super happy ang comedienne sa naging pahayag ng boyfriend niya na rito na sa Pinas maninirahan ito after ng commitment niya abroad.
Malaki ang tiwala at paniniwala ni Powkie sa pagkatao ni Mr. Lee. If ever yayain siya nitong manirahan sa US at iwanan ang career niya rito sa Pilipinas, willing siyang i-sacrifice ito in the name of love. Family na ang magiging priority ni Pokwang. Sabi niya, “Kung may trabaho, secondary na lang ‘yun. Masaya naman ang anak kong si May, magkasundo naman silang dalawa. Magkakampi nga sila lagi. Kung anuman ‘yung maging desisyon, basta masaya kami, ‘yun. Kahit saan kami mapadpad sa mundong ito, basta magkakasama at masaya kami, okay sa akin. Dito, kahit saan man ‘yan, walang problema sa akin.”
Naka-move on na si Pokwang sa mga trial na dumating sa buhay. “Suportahan sa trabaho, sa pamilya ko lahat. Kaya ako naiyak kanina, habang ginagawa namin itong pelikula, nagbigay ng adjustment si Direk Wenn at ang Viva Films pati na rin ang Nathaniel. Kahit ganu’n ang pinagdaanan ko, bless pa rin ako dahil ang daming taong nagmamahal sa akin.”
Naintriga kaming tinanong si Powkie kung puwede pa siyang magbuntis. Ayon sa kanya, puwede pa raw siyang magka-baby. Kailangan lang daw ingatan, ibayong pag-iingat dahil sa edad niya. Puwede pa raw hanggang 5 years.
Super excited ang comedienne na ma-meet na ang parents ng boyfriend niya foreigner. “Siyempre excited kahit hindi ko pa nami-meet ang parents ni Lee. ‘Yun ang nakae-excite, first time naming mami-meet ang isa’t isa. First time kong magkaka-biyenan. Tinatanong ko na siya kung ano ang paboritong pagkain ng parents niya at anong lugar ang gusto nilang puntahan.”
Proud si Lee na ikinukuwento sa parents nito na isang sikat na comedienne sa Pinas ang girlfriend niya. “Nagdarasal sila na sana maging masaya kami ng anak nila. Naririnig ko ang usapan nila dahil naka-loud speaker nung nag-uusap sila. Mukha namang mabait ang magulang ni Lee. Grabe silang magmahalang pamilya, kasi nag-iisa lang siyang anak kaya ganun sila ka-close ng family,” pahayag ni Powkie.
Para kay Pokwang, wala siyang dream wedding. Ang importante raw ‘yung tunay ang pagmamahal ni Lee sa kanya at handa itong pakasalan siya kahit saan mang simbahan. “Walang dream-dream wedding na… sabi ko nga, kahit sa karinderya lang basta masaya kami, okay sa akin basta natupad ang pangarap ko, ‘yun,” turan pa niya.
Kasama rin sa cast ng Wang Fam sina Wendell Ramos, Abby Bautista, Candy Pangilinan, Yassi Pressman, Andre Paras, Joey Paras, Atak Arana, Dyosa Pockoh, and child wonder Alonzo Muhlach. Showing nationwide on November 18.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield