BA’T HINDI ka na masyadong nagba-blind item?
‘Yan lagi ang itinatanong sa amin ng mga friends. Kasi nga, sanay sila noong kasagsagan ng morning show na kasali kami na ‘yun ang segment namin, ang pagbibigay ng blind item na bitbit ng mga nanonood hanggang school o office, kaya pati
panghuhula, nasa iskul at opisina na rin, dahil hindi nga nila mahulaan sa bahay.
Hahaha! Those were the days. Me nagtatanong nga sa amin kung paano kung ibalik kami sa morning show? Nako, medyo malabo na rin ‘yon. Tinanong na rin kami noon ng Channel Head ng ABS-CBN na si Tita Cory Vidanes kung type namin.
Hindi kami makasagot. Hindi naman sa nag-iinarte kami, ha? Kasi, siyempre, ang daming factors na dapat i-consider, eh. Una, ang aga niyan. Kahit anong oras kami matulog, ang gising pa rin namin dapat ay 5:30am para makapaghanda para 7am, nandu’n na kami sa istudyo.
Sira na naman ang aming body clock, ‘ika nga. Ang hirap ding mangalap ng blind item. Madalas din na napapaaway kami, dahil sa ginagawa namin.
Kung magbabalita at mag-oopinyon lang, baka pa pag-isipan namin. Pero sa panahon ngayon na apat na ang anak namin at dalawang pamilya pa ang umaasa sa amin, eh, hindi sasapat ang kikitain namin sa morning show.
Maliit lang kasi ang bayad sa morning show, eh. Kaya mas pipillin na lang siguro naming mag-teleserye na lang na every other day.
Saka dumarating din pala ‘yung panahong ‘yung lakas mo sa isang aspeto ay hindi naman patuloy na lumalakas, bagkus humihina ito at sa ibang bagay ka naman naka-focus at doon ka lumalakas.
Ibig sabihin, next level na ang pinupuntirya mo.
Saka hindi na rin namin afford na ‘pag ibinalik namin ang pagba-blind item ay manganak na naman ang mga kaaway namin. Ayaw ng fans.
Gano’n pala ‘yon, habang tumatanda ka, dapat, babawas-bawasan mo na ang pakikipag-away, ang pagtatanim ng sama ng loob. Dapat, hindi ka masyadong nai-stress o nape-pressure.
Saka nag-aaral din kasi ang mga anak namin. Hindi namin pinangarap na kakalabitin kami ng anak namin at sasabihin niya, “Dadi, tinatanong ng teacher ko kung sino raw ‘yung blind item mo kanina.”
Eh, pa’no kung hindi namin ‘yon sinagot? Hindi kaya ibagsak sa klase ang anak ko? Hahahaha!
Basta kami ngayon, “behaved” na ang byuti namin sa mga blind items sa TV.
Dito nga lang sa diyaryo, bihira na rin, eh. Kasi nga, wala pa rin kaming choice, naghahanap pa rin ng “anghang” ang mga readers.
AND SPEAKING of blind items. Kahit sa twitter world ay uso rin ang blind item. Meron nga kaming nabasang blogs ng mga blind item na parang pinababayaan daw ng isang komedyana ang kuya nitong nakakulong sa ibang bansa.
At dahil sa pagkakasulat ng blind item na parang dapat kaawaan ng komedyana ang kuya niyang nakakulong ay hinusgahan tuloy ng mga nagko-comment na ang sama palang kapatid ni komedyana.
Sabi nga namin, tingnan mo ‘tong mga taong ito. As if naman, kilalang-kilala nila ang pamilya ng komedyana. Mabuti pa ‘yung iba, talagang kahit hindi nila kaanu-ano ang komedyana ay idinedepensa nila ito.
Actually, ang binabanggit na komedyana ay si Pokwang. Ang kuya naman nitong nakakulong sa Dubai, dahil sa hindi mabayad-bayarang loan ay tinatawag na Ka Lito.
Sa mga hindi nakakaalam, 12 na magkakapatid sina Pokwang. Pang-anim ang komedyana, pero ang bulto ng mga gastos at tulong ay sa kanya. Pinagtutulungan nina Pokwang at ng ilang kapatid niyang nasa abroad na pag-aralin ang mga anak ng kuya niyang nakakulong sa Dubai.
Hindi na para ilaglag ni Pokwang ang kuya niya. Naiintindihan ni Pokwang ang batas sa Dubai, lalo pa’t nagtrabaho rin siya sa Abu Dhabi noon.
Ni hindi alam ni Pokwang na di-pagbabayad ng utang, kaya nakulong ang kuya niya. Na ang katwiran naman namin, ba’t ka uutang beyond your means? So kasalanan mo kumbakit nangyari sa ‘yo ‘yan.
Hindi bale sana kung nakapatay dahil ipinagtanggol lang ang sarili o ‘di kaya ay napagbintangan lang, baka pa nakikipagpatayan ngayon si Pokwang para sa kapatid niya, ‘di ba?
Kaya ‘wag sanang husga agad. Hindi kayo ang kapatid ni Pokwang. Hindi rin kayo si Pokwang.
Oh My G!
by Ogie Diaz