SABI NILA, ma-nominate ka lang, para ka na ring nanalo. Eh, ‘yung manalo ka pa talaga, ‘di ba? At wala ka pang ka-tie. Kaya feeling namin, ang suwerte-suwerte namin nu’ng manalo kami bilang Best Male Showbiz-Oriented Talk Show Host sa katatapos pa lang na 27th Star Awards for TV.
First time pa naming ma-nominate sa naturang kategorya. Tapos, mga beterano pa ang mga nominado rin, eh ‘di kakabahan ka nang bongga, ‘di ba?
Nakalulungkot nga lang, dahil ‘yung show na nagpanalo sa amin bilang host ay kinansela na sa ere. Pero kami naman ay sanay na sanay na sa ganyan, eh. Hindi na kami nasa-shock ‘pag ang isang programa ay kinakansela o tinatapos na agad na parang teleserye.
Gano’n talaga, eh. Nasa digital age na tayo at marami nang gustong pagbabago ang mga tao. Hindi katulad ng araw na TV at radyo lang ang form of entertainment ng mga tao. Ngayon, marami na itong kalaban, lalo na ang social media.
Ayan tuloy, bigla kong na-miss ang Showbiz Inside Report at ang mga kasama naming sina Carmina Villarroel, Janice de Belen at Joey Marquez. Dito kasi sa SIR, hindi lang kami pumapasok bilang hosts. Ang exciting ay ‘yung kuwentuhan namin off-the-record ng mga co-host namin.
Saka nakakatuwa, dahil kahit reporter kami ay hindi kami tinratong reporter at kailangang pangilagan nina Janice, Joey at Mina. Talagang magkakaibigan at para pa ngang magkakapatid kung magturingan.
Pero sabi nga namin, show lang naman ang nawala at hindi ang aming friendship, kaya okay na rin ‘yon. Abang-abang na lang ng bagong show ‘pag me time.
At sa 21 years namin sa ABS-CBN, ni minsan ay hindi kami pinabayaan ng management, kaya naman nananatili ang aming loyalty sa kanila.
Me isang nag-alok na “magpadrino” sa amin sa isang TV network at iaangat daw niya talaga ang presyo namin basta lumipat lang kami, pero hindi namin kinagat. Ang katuwiran namin, wala namang ginagawang masama sa amin ang ABS-CBN at kuntento naman kami sa aming TV network.
At ewan ko ba. Iba talaga ‘pag isa kang Kapamilya. ‘Yun ‘yon, eh.
GUSTO NAMING sabunutan sa kanyang pubic hair itong si Pokwang, dahil inggit sa kanya ang naramdaman ng mga nakapanood sa premiere night ng Call Center Girl sa eksenang nasubsob siya sa “notes” ni Enchong Dee sa tug o’ war sa beach scene.
Juice ko, tilian talaga ang mga utaw at kung katabi nga lang nila si Pokwang ay baka nasabunutan na siya ng mga ito. At isa na kami roon.
Hanggang sa cast party after the premiere ay ‘yun pa rin ang pinag-uusapan namin, huh! “Nakailang takes ‘yon, huh!” pagmamalaki pa ng hitad na si Pokwang na gusto kong kurutin ng nailcutter.
Dramedy ang pelikulang ito na showing na ngayon at talagang ipinakikita ang buhay ng mga call center agents, kaya in fairness sa movie, gano’n pala sa call center, ‘no?
At kung ano ‘yung tinutukoy namin ay panoorin n’yo na lang.
Sa kabuuan ng pelikula, parang kami ang napagod dito kay Pokwang, dahil halos lahat ng eksena, nandu’n siya. Parang wala siyang pahinga.
At nakakatuwa naman doon si “Midang,” ang epal na kasambahay ni Pokwang.
Kung sino ‘yon? Hahaha! Showing na today ang Call Center Girl, panoorin n’yo at nang magkaalaman na kung sino si Midang.
NGAYON PA lang ay hinuhulaan nang magiging box-office hit sa Metro Manila Film Festival ang My Little Bossings, dahil isa itong Vic Sotto starrer na may kasama pang Kris Aquino at ang pinakaabangang tambalan ng taon, sina Ryzza Mae Dizon at Bimby Aquino Yap.
Kaya nga ewan kung me pahinga pa si Mareng Kris, dahil everyday ang kanyang KrisTV at umaarte pa sa pelikula at slight “stage mom” kay Bimby.
Feeling nga ni Direk Marlon Rivera ay baka ma-miss ni Bimby ang shooting at baka nga ‘pag hiniritan uli ni Bimby ang madir na si Kris ay baka makipag-co-prod na naman si Kris para sa kanyang anak.
At in fairness kay Bimby, huh! Sa instagram post namin ng pic nila ni Ryzza, andaming nakukyutan sa tambalan nila ni Aling Maliit. Me chemistry na agad, kaya tingnan natin sa Pasko kung nakangiting lalabas ang mga batang manonood ng My Little Bossings.
Oh My G!
by Ogie Diaz