NANINIWALA SI Pokwang na kahit gaano kahusay at kagaling ang isang artista kung puro sakit ng ulo ang binibigay mo sa director at kapwa mo artista, wala kang mararating. Para sa kanya, ang pakikisama ay napaka-importante. Example na lang si Mang Dolphy, ‘di ba? Kahit wala na siya, ‘yung respeto sa kanya nand’yan pa rin. Kapag nagtanong ka about Dolphy, magaganda ang mga sinasabi tungkol sa kanya. Kasi nga, may ganda siyang itinanim sa movie industry lalo na sa mga kapwa niya artista na nakatrabaho ngating comedy king na si Dolphy.”
Nang dahil kay Direk Don Cuaresma na director ni Pokwang sa pelikulang Call Center Girl ng Star Cinema at Skylight Films, nagkaroon ng sariling title ang magaling na comedienne. Binansagan siyang “Global Comedienne” na sinang-ayunan naman ng press people. Sobrang na-touch ang singer/comedienne nang mga sandaling ‘yun. Hindi niya napigilan ang sarili na maiyak sa sobrang saya dahil sa suportang ibinibigay sa kanya ng buong cast na sina Jessy Mendiola, Enchong Dee, Chokoleit, Ogie Diaz, K Brosas, Ejay Falcon, Alex Castro, Dianne Medina at John ‘Sweet’ Lapus
Parang Nanay-Nanayan kung ituring ng buong cast at production staff si Pokee sa set. Buong pagmamalaking ibinida kung gaano ka-generous ang actress/comedienne. Mahilig itong magpakain sa set kahit walang okasyon. Pamilya na kasi kung ituring nito ang kanyang mga katrabaho.
Say ni Jessy, “Maaga pa lang nasa set na si ‘Nay Pokwang, two hours before call time dumarating na siya sa location. Nire-ready na niya ang gagamitin niya sa mga scene na kukunan. Magpapa-make-up at ready for take. Ganu’n siya ka-professional bilang artista.”
Puring-puri si Pokwang ng buong cast, puro positive ang maririnig mo kaya’t paborito siyang katrabaho ng mga artista. “Nawala lahat ‘yung pagod ko from the top. From the first day of shooting, pati pagte-taping ko ng bago kong show, nawawala ang pagod ko. Natutuwa ako dahil ganu’n pala kalalim ‘yung friendship na naipunla ko sa kanila. Sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng nakatrabaho ko sa pelikulang ito. Kung sakaling dumating ‘yung araw na kailanginin nila ang tulong ko, nand’yan ako para sa kanila kahit mapa-off-cam, willing akong sumuporta sa kanila, anytime,” pahayag ni Pokee.
Anak-anakan na kung ituring ni Pokwang si Jessy, mag-ina ang papel na ginagampanan nila sa pelikula. Nakapag-bonding na sila sa isa’t isa kaya hindi nahirapan si Direk Don sa mga eksena nilang dalawa.
“Si Jessy kahit bata pa, marami siyang gustong matutunan. Natutuwa naman ako dahil ‘yung binibigay kong advice ay tinatanggap naman niya. Nakikinig talaga siya, masarap katrabaho ‘yung ganu’ng klaseng tao. Sa pelikulang ito, nakabuo kami ng bagong pamilya. Ako naman kung ano ang ibigay na proyekto sa akin, okay lang lalo na kapag ganito ka-supportive ang mga katrabaho mo, masaya kayong lahat. Walang stress, malaki o maliit man ang role para sa akin pareho lang ‘yun. Sa totoo lang, kulang na lang huwag kayong magkahiwa-hiwalay, huwag nang matapos…”
Halos wala na yatang mahihiling pa sa buhay si Pokie. Nakamit na niya ang kanyang mga pangarap sa buhay. Mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak. Pero parang may kulang, hindi pa dumarating si Mr. Right na muling magpapatibok ng kanyang puso. Pihikan kaya siya pagdating sa lalaking mamahalin niya kaya’t hanggang ngayon single pa rin ito.
“Lovelife na lang siguro… hahaha! Hindi naman, hindi ako pihikan.Hindi ako chossy, nagkataon lang na busy at walang time sa personal kong buhay , ”aniya.
Hindi raw nagmamadali si Pokwang, hayaan lang daw natin ang panahon ang magtakda kung kalian at saan sila magtatagpo ni Mr. Right. Ganu’n ?
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield