PALAISIPAN ang latest post ni Pokwang sa kanyang social media account tungkol sa tila nagalaw na pera ng mga taong ka-deal niya sa negosyo. As we all know, may food business – Poklee Food Products — si Pokwang at ang partner niyang si Lee O’Brien.
“Pinatawad ko nalang! Ayoko na magalit nakakapagod siguro nga nagalaw na nila ang pera ko pero wala silang maipakitang gawa sa order ko (sad emoji). Sana makatulong sa pamilya n’yo ang pera ko, pinagpaguran ko yan pero sige sa inyo nalang at sana maiayos nyo buhay nyo. God bless!” patutsada ng actress/TV host sa Twitter.
Magkaganun man ay masaya pa rin niyang ibinahagi na she is still blessed sa kabila ng mga pangyayari lalo na ngayong panahon ng pandemya. Sa kanyang Instagram post ay binanggit din niya na malaking bahagi ng mga biyayang natatanggap niya ngayon ay dahil sa pagdarasal niya sa Antipolo Church.
Lahad ni Pokwang, “1980 from Pasig lumipat kami sa Antipolo, dito namin naranasan ang buhay na kahit mahirap nakakaraos dahil sa pagsisikap.
“Ang simbahan ng Antipolo ang araw-araw na saksi sa aking pagiging makulit ngunit puno ng pangarap na batang paslit, minsan umiiyak ako sa Mahal na Birhen at nagtatanong ng mga katanungan na bilang isang bata ay bakit ang aga kong danasin ang hirap.”
“Ngunit dito ko rin nakuha sa bayan ng Antipolo ang kasagutan ng Mahal na Birhen. Sabi nya, ‘Anak, hindi kita pinahihirapan, pinapatapang lang kita at pinapatatag sa mga darating na agos ng buhay.’ Dito sa lugar na ito ako naging ina, at nawalan ng anak at matiising nanay,” pagre-recall ni Pokwang.
Saksi rin daw ang Antipolo church sa iba pang mga pinagdaanan niya noon sa buhay nung panahong hindi pa siya pumapasok sa showbiz.
Pag-alala ulit niya, “Madalas ako nasa harap ng simbahan na ito para mangulit na bilhan ako ng ticket ng sweepstakes, suman at kasoy, sampaguita, etc.
“Masaya, malungkot pero makulay ang buhay, kasing kulay ng bahag haring ito isang paalala na ‘wag mawalan ng pag-asa basta naniniwala ka sa Kanya. #proudAntipolleñoAko.”