SA SHOWBIZ, kailangang dapat mabango kahit papaano ang pangalan mo. Tapos na kasi ‘yong panahon na ang name mo sinusunod kung anong itsura mo ‘o ‘di kaya’t karakter na gusto mong i-portray sa industriya.
Noon ang pangalang Dely Atay-Atayan, Apeng Daldal, Matutina at kung sinu-sino pa ay bukambibig ng panahon ko. Kumintal sa kamalayan ko sina Bentot, Ramon Zamora at marami pang iba.
Pero ang pangalang Marietta Subong, parang hindi yata angkop para magpatawa. Parang pangalan ng OFW na tipong ang inaaplayan ay DH sa Hong Kong o Italy (no offense meant).
Sa panahon na usung-uso ang mga stand-up performer sa mga sing-along bar, ang mga pangalan nina Ai-Ai delas Alas (na nag-Reyna sa Music Box); Allan K at Leonard Obal (sa Library) at Vice Ganda (sa Punchline), sila ang mga bukambibig kung trip mong maaliw at nasa mood na matawa sa hirap ng buhay.
Pero ang pangalan ni Marietta Subong, unang dinig mo pa lang, may lamlam na. Parang problemado na ang taong may pangalan nito. Pangkaraniwan, pero hindi ko alam na matatawa pala ako sa kanya.
My first encounter with Marietta aka Pokwang upfront ay sa taping ng Toda Max sitcom niya with Robin Padilla almost two years ago. Napapanood ko na siya sa mga kalokahan na pinaggagawa niya sa telebisyon. Aliw ako sa hairstyle niya na parang Lady Gaga (siya yatang nagpasimula sa noontime show noon ni Willie Revillame na sinundan lang ng international singer kung hindi kami nagkakamali).
But during my first time to interview her, in between serious questions (about politics, sa buhay niya at pangarap sa Pilipinas at sa mundo) sumisingit-singit ang pagiging komedyante ni Pokwang. Ang nuances kasi niya, lukring, na ang seryosong usapin tungkol sa paglilingkod sa bayan na sinalihan na rin ng opinion ni Angel Locsin noong gabing ‘yun sa set ng sitcom nila ay paminsan-minsang nauuwi sa kanyang punchline at kagagahan.
She can talk about her sexuality, her views and opinions na hindi ko inaasahan na keri pala ni Marietta na ibahagi sa amin.
Humahigikhik ako at napapailing na lang. Sabi ko nga sa kasama ko, gaga ang babaeng ‘to. Ang seryosong kuwentuhan, nauuwi na lang sa kalokahan niya.
Kahit pabiro, may sundot siya sa mga pulitiko na nagpapatakbo sa bayan natin. In short, hindi lang siya nagpapatawa kung makakausap mo siya sa masinsinan. May laman, may anghang din ang mga sinasabi niya. ‘Yun nga lang, most of her statements ay pang-off the record na iginagalang naman namin lalo pa’t sa sitwasyon niya bilang isang celebrity ay baka siya maipit.
FAST FORWARD: Nitong nakaraang Sunday sa presscon ng pelikula niyang Call Center Girl (showing on November 27); in between sa pagpapatawa niya sa mga sagot niya sa press people noong hapong ‘yun, napaiyak siya.
Hindi ko nasundan kung paano ang simula ng pagluha niya na nagpapasalamat siya sa mga naging kaibigan niya sa showbiz, lalo na ang mga kapwa niya komedyante (sa pelikulang ito) na all out ang suporta sa kanya.
REALIFE: Marami na ring napagdaanan si Pokwang. Mga banat at atake sa kanyang pagkatao. Mga opinion ng press na hindi niya nakayanan pero naalpasan niya. Kahit papaano tatamaan ka at maaapektuhan. Below the belt o sobra na ‘yong ibang banat. Masyado nang personal.
Madrama ang buhay ni Marietta. Namatayan ng anak na sa pagkamatay ay wala siya sa bansa at nagtatrabaho bilang OFW. Kaya siguro ‘yong A Mother’s Story na pelikula niya, damang-dama niya ang role dahil naging siya ‘yun sa totoong buhay.
PRESENT: SA pagkakataon na magpapatawa naman siya ngayon sa Call Center Girl, love na love niya si Jessy Mendiola na gumaganap bilang anak niya. Magkasing-edad kasi si Jessy at ang namatay niyang anak kung nabubuhay lang ito. Pangako ni Pokwang sa casts, dahil sa suporta at magmamahal sa kanya ng mga kasamahan niya sa pelikulang ito, kapag sila ang humingi ng tulong na mag-guest siya she will not say no. “Kahit anong role. Basta sila, anytime,” promise niya sa mga kaibigan.
Sa Call Center Girl, makakasama rin niya sina Enchong Dee, John Lapus, Ogie Diaz at Ejay Falcon sa direksyon ni Don Cuaresma.
Reyted K
By RK VillaCorta