PRANGKANG INAMIN ni Pokwang na matagal na niya pinapantasya si Zanjoe Marudo. Pero nang maging malapit na magkaibigan silang dalawa, nawala ang malisya nito sa binata. Parang nanay na nga kung ituring ni Zanjoe ang komedyana. Kaya naiilang ang dyowa ni Bea Alonzo tuwing may romantic scene silang kukunan sa pelikulang My Illegal Wife ng Skylight Films sa direksiyon ni Tony Y. Reyes.
Hindi mapigilan ni Zanjoe na matawa kapag nagsimula nang umakting itong si Pokwang. “Mukha palang ni Inang natatawa na ako. Wala kang maramdaman kahit ano kapag magkaeksena na kami. Ang galing niyang magbitiw ng dialogue, dire-diretso at sasabayan pa niya ng akting. Kung minsan nga nawawala ako, nalilimutan ko ang linya sa katatawa.”
Alam naman ni Zanjoe na pinagnanasahan siya ni Pokwang noon. Pagdating sa mga romantic scene nga nila, hindi makaporma itong si Pokwang. Naiilang na hindi mo raw mawari. Nandu’n ‘yung hiya factor ng comedienne kay Zanjoe.
“Nu’ng nagsisimula pa lang kaming mag-shooting, nate-tense ako. Pero later on, naging relax na kami sa isa’t isa, biruan, tawanan kahit walang kawawaan, tawa kami nang tawa. Si Zanjoe, seryosong tao, kailangang ikundisyon muna niya ang sarili para maka-level-up sa mga eksena naming nakakatawa. Nasanay kasi sa drama, kung minsan nga nakakatawa ang kukunang eksena, tipong pang-drama ang atake niya. Pero oras na umarangkada na si Zanjoe, tuluy-tuloy na ang pagpapatawa nito kahit behind the camera,” kuwento ni Pokwang.
Maging si Direk Tony ay bilib sa acting talent nina Pokwang at Zanjoe. “May chemistry silang dalawa, dalang-dala nila ang isa’t isa. Hindi ako nahirapang i-direk silang dalawa, sasabihin ko lang ang sitwasyon at eksenang kukunan, kuha agad nila. Kapag ganyan naman kakagaling ang mga artista mo, mabilis mong matatapos ang pelikula na hindi ka napagod. Sobra akong nag-enjoy sa tandem nina Pokwang at Zanjoe ,maging ang buong cast, magagaling silang lahat. One hundred percent sure ako kikita ang pelikula namin.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield