OPENING SALVO ng Star Cinema for the year 2015 ang pelikulang Edsa Woolworth na pinagbibidahan ni Pokwang na prinodyus ng The Filipino Channel (TFC) para sa ika-20 annibersaryo nito. Ito’y balik-tambalan niya sa direktor na si John Lazatin na dinirek siya nu’ng 2011 sa A Mother’s Story. “Malaki ang tiwala ko sa proyektong ito na minahal sa Canada at US. Wala akong nabasang pang-ookray, magaganda ang comment. Thank you, Lord. Ibig sabihin, worth it ang pagod namin sa pelikulang ito,” ipagmamalaking sabi ng magaling na komedyana.
Ang Edsa Woolworth ay isang di malilimutang pelikula na may kurot sa puso na tiyak na magugustuhan ng bawat pamilyang Pilipino. Ito’y nakasentro sa isang ‘di pangkaraniwang pamilya na nagkakaisa sa kabila ng kanilang pagkakaiba pagdating sa lengguwahe, nasyonalidad, kultura, at ng katotohanang hindi sila magkadugo. Buong-buo ang mga Woolworth sa kadahilanang mayroon silang apeksiyon at todong respeto para sa isa’t isa.
Sa presscon, kakaiba ang body movement nina Pokwang at ng American actor na si Lee O’ Brian na tipong may mutual understanding na. Hindi naman ipinagkaila ng actress-comedienne na nagparamdam na itong gusto siyang ligawan. Nang malaman nga nitong darating ang foreign actor, sobrang na-excite ang actress. Pinagmalaki pa ni Pokwang na magdi-dinner si Lee sa kanyang bahay at may plano silang magbakasyon sa Boracay.
Inamin naman ni Lee na nanliligaw nga siya kay Pokwang dahil single ito. “There’s a possibility… she’s a busy woman,” simpleng sagot nito. Okay lang sa comedianne ang long distance love affair dahil nakapag-a-adjust naman daw siya. Say ni Pokwang, “Mabuti na lang, maraming trabaho, ‘di ba?
Sa status ngayon ni Pokwang, ready na siyang magka-boyfriend dahil may unawaan na nga sila ni Lee. Wala raw problema sa kanya kahit malayo sila sa isa’t isa. “Okay lang basta hindi ako naiirita. Nakapaka-gentleman niyang tao at very romantic.He knows everything about my life, my daughter, my plans. I have to work harder for 2 years. After that, p’wede ko na sigurong harapin ang personal life ko.”
Okay lang kay Pokwang na manirahan siya sa US if ever magkatuluyan sila ni Lee. Nandu’n kasi ang trabaho nito. Wala rin magiging problema sa anak niyang si May dahil very supportive ito sa kanyang mother dear if ever papasok ito sa isang serious relationship. Katwiran ni Pokwang, “Tumatanda na rin naman tayo, ‘di ba? Last year, nagpapakita na siya ng sign, nagpaparamdam na gusto niya akong ligawan lalo na ngayon.”
Nagpahayag din si Lee na kaharap si Pokwang nang sabihin nitong may posibility na makapag-asawa siya ng PIlipina. Hindi nga niya alam na famous actress si Pokwang dito sa ‘Pinas. Pero na-experience niya kung gaano pagkaguluhan ng mga Pinay sa US ang actress-comedienne. Palagi raw may nagpapakuha ng picture at nagpapa-sign ng autograph kay Pokwang tuwing magkasama silang nagdi-dinner date sa US. Kung naging sikat man ang magaling na actress, pinaghirapan naman daw niya ito bago narating ang kinalalagyan niya sa ngayon. Malaki ang paghanga at respeto ng foreign actor sa galing at husay ni Pokwang as an actress-comedienne.
Ayon kay Direk John, isang pambihirang cinematic masterpiece ang Edsa Woodworth na unang ipinalabas sa US at Canada last November 2014. Hatid nito ang tamang timpla ng drama at comedy. Ipakikita ang mga universal values na mahalaga para sa bawat Pinoy at nangaunguna rito ang pagmamahal at pag-unawa sa isa’t isa ng isang pamilya. Kasama rin sa cast ang mga mahuhusay na actor na sina Stephen Spohn, Ricci Chan, Prince Saruhan, Lee Robin Salazar, at Princess Ryan.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield