WALANG IBANG NAKIKITANG dahilan ang ating mga kababayan kung bakit lumalabis na sa nararapat lang ang pagpapairal ng batas ng mga opisyales at tauhan ng Quezon City Police District sa pag-iimbestiga sa kaso ng pagpapakamatay ng misis ng magaling na broadcaster na si Ted Failon.
Sa panahong nagluluksa ang pamilya dahil sa pagkawala ni Trina ay hayun naman ang kapulisan, ginagawang perya ang sitwasyon.
Nakakalimutan na yata nila ang mahigpit nating kultura sa pagbibigay-respeto sa mga namatayan.
Mismong mga kababayan na natin ang nag-oopinyon. Dahil sa malayang pagbibigay ng pahayag ni Ted Failon sa kanyang programa sa radyo ay nasaktan niya ang hanay. Resbak ang terminong ginagamit ngayon ng marami sa ipinakitang asal ng mga pulis-Quezon City nang sapilitan nilang kunin ang mga hipag at bayaw ng komentarista sa New Era General Hospital.
Napanood ng buong mundo ang pangyayaring ‘yun. Dinaklot ang bayaw ni Ted sa batok, literal pang binatukan ng isang pulis, saka sapilitang isinakay sa kanilang mobile car nang nakaposas.
Ang kasalanan diumano ng bayaw ni Ted—resisting arrest. Onli in da Pilipins!
Napakasakit dalhin sa dibdib ang pakiusap ng mga kapatid ni Trina, “Agaw-buhay po ang kapatid namin, ngayon niya kami kailangan sa tabi niya, sana’y maintindihan n’yo rin ang kalagayan namin!”
Pero ang kanilang hinaing ay bumagsak sa mga maling tenga, sa mga pusong mukhang manhid na sa damdamin, ang mga hipag pa ni Ted ang binulyawan ng mga ito na huwag daw mag-hysterical dahil iniimbitahan lang naman sila sa Camp Karingal para kuwestiyunin.
Galit ang naghari sa puso ng sambayanan, bumantot na naman ang imahe ng kapulisan nang dahil du’n, dahil ilang minuto lang pagkatapos nilang sapilitang dalhin sa kampo ang mga hipag at bayaw ni Ted ay namatay na si Trina.
KUMALAT ANG HAKA-HAKA na may malalaking taong nakaposisyon ngayon na diumano’y nagmando sa mga pulis ng QCPD na pahirapan si Ted sa imbestigasyon. Parang totoo nga ang kumalat na kuwento dahil habang isinasalba na si Ted ng lahat ng sumailalim sa imbestigasyon na wala siyang dapat panagutan sa pagbaril ni Trina sa kanyang sentido, pilit pa ring pinalalabas ng kapulisan ang ibang anggulo.
Nagsumamo ang panganay na anak nina Ted at Trina na si Kaye, “Parang awa n’yo na po, tulungan n’yo po ang pamilya namin. Parang hindi po sila titigil hanggang hindi nila nakukuha ang tatay ko.
“Napakasakit pong tanggapin, pero suicide po ang nangyari, pero bakit nila ginaganito ang tatay ko? Namatayan na po kami, pero bakit ginagawa pa nilang parang comedy ang imbestigasyon?” Umiiyak na pahayag ni Kaye.
Umariba naman ang mga taga-Palasyo. Wala raw nanggaling na mando sa kanila na pahirapan si Ted Failon. Ginagawa lang daw ng mga kapulisan ang kanilang trabaho, wala raw personal na nagaganap sa imbestigasyon.
Nasamid kami sa pahayag ng tagapagsalita ng Palasyo. Napanood namin ang harassment na natikman ng mga kapamilya at kasambahay ni Ted. Trabaho lang palang matatawag ang kawalang-respeto at kabruskong imbitasyon?
Sumusunod lang pala ang mga pulis sa isinasaad ng batas nu’ng mga panahong ‘yun? Paano pala kung lihis na sa batas ang kanilang gagawin? ‘Di magkakaroon na ng barilan, makakakita na pala tayo ng mga bangkay sa palibot ng ospital?
Susmaryosep! Onli in da Pilipins talaga!
Pakiusap naman ng nagdadalamhating si Ted Failon, “Kung nasaktan ko sila sa mga opinyong pinakakawalan ko sa radyo, kung ginagantihan nila ako ngayon, sana’y ako na lang. Huwag na sana nilang idamay pa ang pamilya ko.
“Namatayan po kami. May mga nagluluksa ngayon. Mahirap bang unawain ang kalagayan namin?” Seryosong pahayag ng magaling na broadcaster.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin