NOONG LUNES, ISINIWALAT ng inyong SHOOTING RANGE ang isang modus operandi (MO) sa panggagantso na kinasasangkutan ng mga pulis. Ngayon, panibagong MO na naman ang isisiwalat ko – na pulis pa rin ang mga sangkot.
Noong February 18, 2011, gabi, habang minamaneho ni Rosalito Cormanes, Jr. ang kanyang motor sa kahabaan ng C-5 sa Las Piñas, may pumara sa kanyang babae. Nais ng babae na maki-hitch ride kay Rosalito.
Pinaangkas ni Rosalito ang babae. Pagkalipas ng ilang sandali, nagpaalam si Rosalito sa kanyang pasahero na itatabi niya muna ang motor dahil tutugon lang siya saglit sa tawag ng kalikasan.
Habang jumi-jingle si Rosalito sa tabi ng kalsada, nagulantang na lang siya nang may biglang dumating na kotse na may lulan na dalawang pulis na nakauniporme at naka-jacket ng itim.
Agad na nag-iiyak ang babae pagkakita sa mga pulis. Sinabi niya sa dalawa na ni-rape siya ni Rosalito. Mabilis na ipinasok ng dalawa sa kotse ang babaeng nagsusumbong na ni-rape at pinaghubad nila ito.
Nang wala nang panty si babae, inilawan nila ng flashlight ang ari nito. Pagkatapos, sinabihan nila si Rosalito na ni-rape nga niya ang kanyang pasahero dahil kitang-kita nila na basa pa nga raw ang ari nito.
At dahil doon, kailangan daw sumunod si Rosalito sa presinto sapagkat inirereklamo siya ng pangre-rape. Pagdating ng presinto, agad na ikinulong si Rosalito. Hiningi ng mga pulis kay Rosalito ang cellphone number ng kanyang kamag-anak na puwede nilang kontakin para ipaalam ang kanyang sitwasyon.
Ibinigay ni Rosalito ang cellphone number ng kanyang inang si Yolanda. Agad namang itinext ng isa sa mga pulis si Yolanda na ‘di kalaunan ay nakilalang si SPO1 Bryan Cayabyab. Hiniling ni Cayabyab kay Yolanda na mag-produce ng P50,000 kapalit ng kalayaan ni Rosalito.
Tumawad si Yolanda. Pero nagmatigas si Cayabyab – take it or leave it daw. Kinabukasan, muling nagpalitan ng text si Yolanda at Cayabyab. Sinabi ni Yolanda na lahat ng klaseng remedyo ay ginawa na niya pati na ang pangungutang sa Bumbay ngunit ‘di pa rin niya kayang mabuo ang hinihiling na halaga ni Cayabyab.
Noong February 20, Linggo, bagamat hindi pa rin nabubuo ni Yolanda ang nasabing halaga – at P35,000 lang ang dala niyang pera, nagpumilit siyang pumunta ng presinto para makipagkita kay Cayabyab. Sinabihan siya ni Cayabyab na magkita sila sa munisipyo ng Las Piñas sa tabi ng tanggapan ng Women and Children’s Desk.
Pagdating doon, inutusan ni Cayabyab si Yolanda na iabot ang pera sa isang babae na tiyahin daw ng complainant. Matapos maiabot ni Yolanda ang pera, agad na pinakawalan si Rosalito.
Okay na sana ang lahat. Ang siste noong March 7, muling nag-text si Cayabyab kay Yolanda at humihingi ng P5,000 para naman daw sa pagod niya. Dito na naisipan ni Yolanda na dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR). Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE si Cayabyab. Bistado si Cayabyab na siya na nga ang nang-modus kay Rosalito – ito ay dahil na rin sa pagpapanggap ng inyong SHOOTING RANGE na ako’y kakilala ng isa niyang kaibigang pulis.
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Kasabay na mapapanood din ito sa Aksyon TV sa free channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo