Political asylum; at ang lesson ni Pacman

MISMONG SA BIBIG ni Justice Secretary Leila de Lima lumabas ang mga katagang “Political Asylum” na maaari umanong hilingin ng mag-asawang Arroyo sa ibang bansa.

Una na ngang idinaldal ni De Lima na hiniling na ito ng mga Arroyo sa Dominican Republic. ‘Yun nga lang, parekoy, nakuryente si De Lima dahil pinasinungalingan mismo ito ng nasabing bansa.

Ngunit kung tutuusin, dahil sa matinding panggigipit ng pamahalaang Aquino ay posible nga na hindi na babalik sa ‘Pinas ang mga Arroyo kapag napayagan ang mga ito na mag-abroad. At sila ay mananatili sa ibang bansa habang si P-Noy ang nakaupo sa Malakanyang!

Sa tanong na pagkakalooban naman kaya ng “Political Asylum” ng ibang bansa ang pamilya Arroyo kung sakaling umaplay nga ang mga ito?

Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? He, he, he. Mabilis pa, parekoy, sa alas kuwatro! At ‘yan ay sa tulong na rin ni Justice Secretary Leila de Lima!

Bakit kan’yo?

Aba eh, ang bawat hakbang nina De Lima kung paano gipitin ang dating Pangulo, ito rin ang gagamiting justification na nakararanas nga ang mag-asawa ng “persecution” mula sa pamahalaang Aquino.

Gaya na lamang ng hindi pagpayag ni De Lima na makaalis sina Arroyo noong araw na nagpalabas ang Supreme Court ng TRO laban sa Watch List Order ng Justice Department.

Buong mundo ay nakamasid, parekoy, na sa naturang insidente ay mistulang binastos nina De Lima ang mismong utos ng Kataas-taasang Hukuman para lamang maipit nila ang dating pangulo.

Maaaring sinadya ng mga Arroyo ang mistulang pagmamadali upang kapag hinarang sila ng Palasyo ay magiging isa sa mabigat nilang basehan sa application ng “Political Asylum” sa ibang bansa.

Isang bitag ‘ika nga, na dahil sa matinding pagnanasa ng administrasyong Aquino na pigilin, kastiguhin at idiin sina Arroyo ay hindi tuloy nila namamalayan na unti-unti na pala nilang nginunguya ang pain!

Hak, hak, hak! Tuso man daw ang matsing ay napaglalalangan din!!!

ISANG MAPAIT NA dagok na dapat ituring at tanggapin ni Manny Pacquiao bilang “wake-up call” ang kaganapan sa huling laban niya kay Juan Manuel Marquez.

Sa kasaysayan kasi ng kanyang “boxing career”, dito pa lang nangyari kay Pacman na sa pagproklama sa kanya bilang nanalo ay sinalubong ito ng masigabong “booooooooooooo”!

Dismayado kasi maging ang napakaraming Pinoy sa nakita nilang performance ng ating Pambansang Kamao!

At naniniwala tayo, parekoy, na ang napakaraming “extra curricular activities” ni Pacman ay nagsisilbing “distraction” sa kanyang boxing career. Dahilan kaya hindi nito naabot ang napakataas na expectation na inaasahan ng buong mundo mula sa isang Manny Pacquiao. Na itinuturing din bilang pound for pound king!

Ito, parekoy, ang bagay na hindi dapat kaligtaan ni Pacman. Na ang lahat ng boksingero sa buong mundo na kahanay niya sa timbang o division ay tumutulo ang laway na siya ay makalaban.

At lahat sila ay may ultimate goal na talunin si Pacman. Bahala na kung ano ang mangyari. Patay kung patay, ‘ika nga!

Upang sa isang laban nga lang naman ay iimbulog ang kanilang pangalan sa buong mundo bilang…. Ang boksingerong tumagpas sa ulo ni Pacman! Hehehe.

Kaya nga kung gusto ni Pacman na ma-recover ang matinding kasikatan sa boksing, dapat bawas-bawasan niya ang “distraction” lalo na ang napakaraming linta sa kanyang paligid.

Ngunit kung feel na feel naman niya ang mga ito… aba eh, dapat sigurong mag-retiro na siya sa boksing. Hangga’t hindi pa siya inilalampaso sa loob ng ruweda!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleSino ang magbabayad — ang employer o ang ahensya?
Next articlePaglalakbay ni Fr. Ben

No posts to display